Para sa masa o pamilya? sa sarili o bansa?


ni rhod v. nuncio

 

Sa mga administrador, mga guro, magtatapos, at mga estudyante, isang maganda at masayang hapon sa lahat!

 

Malaking hamon ang nakaharap sa ating lahat. Hindi ito basta-basta, hindi kaya ito ng mga laway na puhunan natin sa mga intelektwal na diskurso. Hindi ito kaya ng mga aklat na atin nang nabasa o mga sulating atin nang sinulat at ipinalimbag. Ang hamon ay gawing makatao, at higit sa lahat, makaFilipino ang posisyon ng intelektuwal, gawing pala-gawa imbis na pala-isip lamang tayo. Nakakalungkot na lagi na lamang ito ang paalala sa tuwing may pagtatapos. Hindi dahil sa makakalimutin tayo kundi dahil nalilinlang tayo ng panahon, ng kasalukuyang abalahin. Pangunahin sa hamong ito ang bisyon sa hinaharap at hindi sa kasalukuyan.

 

Paano magiging makatao ang intelektuwal? Dapat na isaalang-alang niya ang kanyang kapwa at huli ang sarili. Dapat na isulong niya ang kapatiran bilang bayanihan, sa pagsasabayan ng ating sarili sa ating kapwa. Lahat tayo’y may binhi ng bansa sa ating kalooban. Lahat tayo’y tao ng ating bansa, taong-bahay ng ating bayan. Naisip ko narin ang mangibang-bansa, (o layasan para sa iba) ang Pilipinas, dahil sa maraming nakakalungkot o nakakasuklam na dahilan. Bibitbitin ko sana ang buong pamilya at hahanap ng bagong kapalaran sa malayong lupain at hindi na magbabalik. Taong-bayan ako, taong-bansa ako. Parang bahay nga, kung aalis, kailangang bumalik. Kailangang alagaan, kailangang imintini at ikumpuni kung sira na. Ang bahay kung walang tao, hindi na bahay – ang bansa kung wala nang mamamayan ay hindi na bansa, hindi na bayan, hindi na estado. Kung kaya’t ang pagiging makatao ay makabayan din. Dalawang konsepto/valwasyon itong hindi dapat ipinaghihiwalay. Mayrong iba na mahal lamang ang bayan dahil nakikinabang sila – narito ang mga negosyo, malalawak na lupain, mga ari-arian,  at salapi. Subalit hindi nila mahal ang taumbayan. Hindi nila inaaruga ang mga taong nakatira rin sa bayang ito. Oo nga’t siguro’y makabayan sila pinapapatatag nila ang mga institusyon ng ating lipunan ang negosyo, pamahalaan, kalakalan, eskuwelahan at iba pa, subalit sa totoo lang makatao ba sila? Tayo? Makatao ba ako?

 

Sa dagsa-dagsang mga Filipinong lumuluwas, bumalik sana kayo at makataong kumpunihin ang sira-sirang bahay-bansa natin. Sa mga narito na, pagtibayin natin ang ating mga loob, marami pang krisis at pagsubok ang darating sa ating mga sarili at bansa. Sasalantain pa tayo ng mga krisis sa politika, at panlipunan. Ngunit anuman ang mangyari, kailangang maging makatao tayo sa gitna ng pagiging makabayan din natin.

 

Sa Sosyolohiyang Filipino, iisa lang naman ang institusyon natin ang “pamilya”. Sa Sikolohiyang Filipino, iisa lang naman ang konsepto ng kapwa, ang kapamilya o kamag-anak. Sa politikang Pinoy iisa lang naman ang mode of governance natin – political dynasty. Sa negosyong Pinoy – family conglomerates ito. Lahat umiikot sa pamilya. Kailangan nga sigurong pag-isipang muli at ikritika ang implikasyon ng ganitong pagpapahalaga o valorisasyon sa pamilya. Baka ito ang ugat ng ating problema o baka ito ang susi sa ating pag-asa. Ang buong bansa natin ay hindi binubuo ng geopolitikal na dibisyon ng kapitolyo, rehyonal, nasyonal, probinsyal, distrito, lungsod, munisipyo at baranggay. Ang geopolitikal na landscape ay pagkakahati-hati batay sa mga impluwensyal at makapangyarihang pamilya. Sa eleksyon, kitang-kita ang ganitong kayariang pambansa at lokal. Ang political dynasty ang makinarya ng elektoral na kultura natin. Pinapatakbo nito ang pagbagsak ng ating bansa, at pagtaas ng kani-kanilang pangalan, posisyong politikal, panlipunan at kultural. Sila-sila lang ang namamayani. Nawawala tayo ang taong-bayan, taumbayan. Ang sila-silang pananaw ang humahati sa ating lahat. Hindi tayo nakikisangkot. Kailangang buwagin ang pamilyang Pinoy – hindi ang literal na pamilya – kundi ang mitikal, metaporikal, ideolohikal na pamilyang Pinoy. Hindi ko sinasabing sirain na ninyo ang relasyon sa inyong mga kapamilya at kamag-anak at maghiwa-hiwalay tayong lahat pag-uwi natin sa ating mga bahay. Palitan natin ito ng kabansaan, gawin natin itong pamantayan. Kung gagawin ko ba ito, makakabuti ba ito sa bansa? Alam kong mahirap gawin ito, ngunit ang rebolusyong ito sa konsepto at ideolohiya ng pamilyang Filipino ay nangangailangan ng mahabang panahon. Kailangang pagdiskursuhan na ito at gawin na ang pagbabago.  

 

Naalala ko ang naging reaksyon ko sa isang panayam sa Pamantasang De La Salle – Maynila hinggil sa paksa ng child labor. Nasabi ko na maski sa ating mga bahay baka ganito ang sitwasyon, ang ating mga kasambahay, yaya at katulong ay under-age, minors pa ika nga. Maraming mga bata ang banat na ang buto, gutom, uhaw at hirap na hirap na sa buhay. Masuwerte ako at pinalaki ako ng maayos ng aking magulang. Masuwerte tayo at maayos ang ating mga kapamilya. Ngayon may anak na kami ni Beth, si Karl Angelo. Masuwerte siya at pinaplano namin ang kinabukasan niya. Subalit alam kong magiging malungkot lamang si Karl kung ganito. Magiging malungkot  ang hinaharap ng ating mga anak kung sa ating bakuran lamang tayo nag-iisip, kung sa kapamilya, kung sa anak ko lamang, kung para sa loob lamang ng pamilya natin.

 

Kailangang isipin din natin ang ibang bata, ibang kapwa. Kailangang isipin din natin ang kinabukasan ng ibang batang salat sa lahat. Kailangang buuin natin ang bahay nila sa hinaharap, ito ang bansa. Kailangang maging makatao at makaFilipino rin sila sa isa’t isa. Sabi ko kanina, lahat tayo’y may binhi ng bansa sa ating kalooban. Hindi kayo ang dapat magpalago niyan, hindi ang mga sarili ninyo. Kailangang patubuin, palaguin ang iba. Ito ang esensiya ng pagiging makaFilipino – ang maging Filipino para sa iba.

 

Dalawa ang kahulugan ng makaFilipino: ang proseso ng pagiging Filipino – becoming, at ang pagiging Filipino – being. Ito ang pamana ng kanluraning pilosopiya, ang dualismo ng being at becoming. Subalit ang ikatlong implikasyon ay “para sa Filipino”, ang pagiging makaFilipino ay para sa kapwa Filipino.

 

Kung ikokonteksto ko ito sa programang Philippine Studies, kailangang magkaroon tayo ng graduate fellowship program sa sariling bansa. Hind kailangang lumabas lagi ng bansa para maghanap ng research grant at fellowship program. Kailangang matuto tayo sa isa’t isa. Ang mga taga-MSU,  mga propesor at mga estudyante nila, at sa ibang kolehiyo’t unibersidad ay maaaring mag-fellowship/research program sa UP, De La Salle at Ateneo, at iba pa. Sa buong kapuluan. Marami tayong matutuhan sa isa’t isa. Huwag nating gawing ang Philippine Studies ay Manila Studies o Luzon Studies lamang. Saka tayo dumugtong sa Southeast Asian Studies at sa ibang lunsaran ng pag-aaral. Siyempre pa, patutubuin ng akademya ang butil ng pagkabansa at pagkaFilipino. Ito ang sama-samang hamon natin ngayon at sa mga darating pang mga araw. Maraming salamat po!

 

(valedictory address na binasa para sa mga magsisipagtapos ng PhD Philippine Studies sa Asian Center, UP-Diliman, Abril 2007)

About these ads

3 responses to “Para sa masa o pamilya? sa sarili o bansa?

  1. “Ang hamon ay gawing makatao, at higit sa lahat, makaFilipino ang posisyon ng intelektuwal, gawing pala-gawa imbis na pala-isip lamang tayo”

    –tama! Marami nga tayong matututuhan sa isa’t isa… Nakakalungkot lang isipin na may ibang mga Pilipino na sarili lang ang iniisip para umangat sa buhay. Ang masaklap pa, pag nakikita na nilang nasa tugatog na ng tagumpay ung isang tao, hinahatak nila ito pababa.. Haaay buhay nga naman. At yng iba pa, wala talagang pakialam sa buhay nila. Wala na nga silang naitutulong, sila pa yung may ganang magreklamo tungkol sa mga nangyayari sa bansa. Ewan ko ba. Napakaironic talaga ng buhay. Rawr.

  2. Subalit ang ikatlong implikasyon ay “para sa Filipino”, ang pagiging makaFilipino ay para sa kapwa Filipino.

    Nakuha niyo, sa tingin ko, ang puso ng konsepto ng kapwa. Ang kapwa na itineorya ni Dr. Enriquez ay tila ba nawawala na at napalitan na ng konsepto ng pamilya. Ang shared others, kung saan lahat ay kapwa ko, ay tinabunan na ng kaisipang “pang-kami”.

    “Paano na ang pamilya ko,” “paano na kami,” iyan ang mga karaniwang tanong ng mga Pilipino ngayon. Lahat ng dumi sa bahay ay itatapon sa labas, “bahala nang marumi ang kalye basta mabango’t malinis ang AMING tahanan.” “Bahala nang kunin ang mga bakal sa tulay, ilaw sa daan, linya ng kuryente, bahala nang mapuslit ang kaban ng bayan o kahit ang mumunting clip at thumbtacks sa opisina para sa project ni anak; bahala na kayong lahat basta ayos KAMI.”

    • maraming salamat justin. may sinusulat akong papel tungkol sa “psychosociocultural framework” ng kapwa. kailangang taniman pa ng maraming kaisipan at pilosopiya ang matatabang lupang iniwan ni Dr. Enriquez at ng marami pang iskolar. Alam kong makatutulong ka rin sa sangandiwa ng kaisipang makaFilipino. darating ang panahon na sa tulad ninyong batambatang iskolar, kikilanin ang kaisipang Pinoy na hahabi sa iba pang kaisipan/diwa sa mundo na tutulong unawain ang sangkatauhan at kalikasan ng ating pagkatao.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s