FLATLINE ni rhod v. nuncio
Naghihikahos ang huni ng life-support
Habang nakatarak ang suwero sa iyong kamay
Naghihingalo rin sa labas ang patak ng ulan
Nakikipag-agawan sa ingay ng trapik
Humihikbi ang mga mahal sa buhay
at yakap-yakap naman ni junior ang kotse-kotsehan
Nagpupumiglas ang carnapper sa kanto
Ng hospital, nagmamakaawa sa silbato’t batuta
Kasabay ng ingay ng umaga, ang matuling
Ratsada ng nag-iiringang kapit-bahay
Tungkol sa basura, kerida, utang at sumpa
Nang sa sandaling iyon, nagsisigutom ang mga bata
Sa eskinita ng baryo, nagkara-krus ang duling
Nagvi-videoke ang bingi, at naglalasing ang pipi
Bubulagta sa kama ang binayarang puta
Hanggang marining ng lahat ang sitsit ng tsismosa
Papahiran ng banal na langis ang noo’t pisngi
Bebendisyunan ang may sakit sa bilangguan
Sa loob ng silid ni kuya, downloadable ang video
Sa broadband internet, mga matang gumagahasa
Sa magdamag na gimik, nakasubo ang tabako’t
Nakasipit ang isanlibo sa kili-kili ng binibini
Umaagos ang lady’s drink, san miguel at limang libo
Sasaluhin ng mga puyat na anghel sa labas ang tira-tira
Kanina lang bumubulong si itay, nagmamakaawa
Hugutin na lamang ang respirator nang siya’y mamahinga
i-off ang makinang pinag-aagawan nina San Pedro’t tagasundo
ngunit, nangingilid ang luha, naniningil ng kaluluwa
sa kanyang bayan, bunganga ng tambutso ang manok
talyer ng looban, ikinakalampag ang kumukulong sikmura
sa bukid siya tinigasan ng binti’t braso, kakatulak sa traktora
kakausog sa nag-uumpugang mga bato sa bangin at bukirin
isandaang taon niya itong pinagsumikapang layasan
upang sa dako roon, sandakot ng ginto’t pilak ang aanihin
ngunit walang silbi ang isang unanong kinukutya
at walang lakas ang patpating ibinabala’t ipapakain sa pabrika
wala na siyang diwa’t pangarap na sumabay
sa aming nakakawala sa syudad, kaming lango sa ilusyon
na lilitaw ang bayan ng samsung, hyundai, at nokia
kaming mapupudpod ang puwet at tenga sa call center
habang ang ingay at mura ng dayuhan ang hinahagap
habang namamanhid na ang baga, lapay, atay at bituka
habang nasa subdibisyon, pa-swimming-swimming sa clubhouse
habang marami sa nilimot namin ilalagay na lang sa urn
ngayon nasa monitor sa loob ng silid-ospital ang mahiwagang alon
ng linyang aakalain mong sinulid ng buhay, mga kuko ng liwanag
sa baryo, iskwater, hanggang syudad, guhit ito ng pustahan
ng nagsasakla’t nagbibingo para sumaya ang pagdurusa
nanlalamig siya, naninigas uli ang braso’t binti
hindi kalamnan ngunit buto’t balat na nakahilata sa kama
hindi pawis kundi likido ng suwero, hindi dugo kundi nanang
nag-uunahan pababa sa vital signs, blood pressure, at oxygen
hindi ko na tinawag ang doktor, ang nars at pari
nais pa niyang sariwain ang lahat, bubulong siya uli
ibubuka ang bibig, ititikom at idudura ang ang hangin
sisigaw siyang nagtatawag ng milagro, susumpain ang taning
sa kanto, pinalaya ang carnapper, naghahabulan na lang ang kuting
nasa mall na ang kerida, kapit-tuko sa uhuging matanda
naghahabulan sa kantina ang mga batang walang pera
habang ang mga tsismoso’t tsismosa nag-uumpukan sa eskinita
pagod na ang binibini’t nasa alapaap na ang kasiping kanina
tulog na ang binatang naka-online sa instant messaging
ang mga basag na bote, warak din ang bulsa, butas ang pag-asa
habang nakapila na sa MRT sina San Pedro’t tagasundo
isang iglap, isang sulyap nagpang-abot ang mahabang linya
lumakas ang huni ng life-support, nangitim na siya’t dilat ang mata
nakabukas ang bibig, nakatarak ang suwero, umaagos ang luha
sa Magallanes station, dumilim ang langit, sumabog ang bomba!.