Category Archives: pilosopiya ng wika (Wikang Filipino)

PiliFilipino: Isang Teorya ng Wika

Panayam Profesoryal Cecilio M. Lopez sa Wika at Panitikang Filipino

ni Dr. Rhod V. Nuncio

(Sipi mula sa babasahing papel ng panayam sa Y407 Pamantasang De La Salle, Marso 30, 9:30-11:00 n.u.)

Ang limitasyon ng aking wika ay siyang limitasyon ng aking mundo. – Ludwig Wittgenstein (TLP 1922)

Anong teoryang pangwika ang maaari nating gamitin para ipaliwanag ang kasalukuyang hubog, anyo at takbo ng wikang Filipino? Paano ito makatutulong upang maging masinop at masinsin ang ating analisis ng wika at ang naturang gamit nito para sa mga tao at sa lipunan niyang ginagalawan?

                Ito ang dalawang pangunahing tanong na sasagutin ko sa panayam na ito. Ang una ay tumutukoy sa pagkakaroon o kawalan ng internal na banghay o istruktura ng wika natin na pundasyon o basehan ng performatibong kakayanan ng mga Filipino na gamitin ang wikang Filipino. Samantala ang ikalawa nama’y tumutukoy sa praktikalidad ng teorya upang tasahin at usisain ang nangyayaring pagbabago ng wika sa gitna ng mabilisang pagbabago ng ating panahon.

PiliFilipino – ito ang inihahaing panimulang teorya upang suriin ang paimbabaw, malaliman at kaibuturan ng wika.  Ang tatlong bahagdang ito ng wika ang magiging punto ng analisis at pagdadalumat. Hango ito sa sinabi ni N. Chomsky (sa Searle 1971) na mayroong surface structure (paimbabaw) at deep structure (ubod) ang wika. Ang sa akin naman, may pumapagitna sa dalawang level na ito, ang middle structure na tatawagin kong lalim ng wika. Ito ang nawawala sa kayarian ng wikang Filipino (WF). Sa madaling salita, walang lalim ang wika dahil walang gramatikang nakaugat sa internal na himpilan ng ating kamalayan. Tanging ang malakas at dominanteng paimbabaw na puwersa na mula sa iba’t ibang direksyon, ideolohiya, adbokasi ang kasalukuyang nagiging sandigan at batayan sa pagbabagong pangwika. Sa ngayon hangga’t di matutugunan ang kakulangan sa lalim at ubod ng WF, ang paimbabaw na level ng wika ang tumatayong stratehiya sa pagpili, pagpilipit at pagpipilit na lumabas ang kakanyahan ng wika. Ang tanong nga lang, hanggang kailan ito tatagal? At aasa lang ba ang lahat sa politikal at ideolohikal na bangayan ng mga makawika ang hinihintay na pagkagulang ng WF? Ika nga’y matira ang matibay!     

Katulad ng nabanggit, paimbabaw ang debelopment ng wikang Filipino. May tatlong pananaw tungkol dito:

a.)    Kasalukuyang nililinang pa rin ang wika mula sa pinagbatayang wikang Tagalog at ang nakalululang hamon na paglinang nito mula sa mga katuwang na wika sa bansa,

b.)    Mabilis na paglaganap ng Taglish sa iba’t ibang domain ng kaalaman at praktika,

c.)     Interbensyon ng gahum (estado, iskolar, media) na nakakaapekto sa menu ng pagpili, pamimilit at pagpilipit sa wikang Filipino.

… … …

PAIMBABAW NA WIKA

Ang puwersa ng pagbabagong wika ng WF ay hindi nakatarak sa kognitibong kakayahan ng tao kundi sa samutsaring timpla (o gimik) at interbensyon ng mga institusyon, grupo at mga polisiyang bitbit ng mga ito. Bakit hindi nagmumula sa kognisyon o sa mental na proseso ng paglikha ng wika? Dahil madalas at sa maraming pagkakataon ang internal na lohika at istruktura ng pag-iisip natin ay nakakapit sa banyagang padron, sa banyagang wika – Ingles. Pansinin:

  1. Ang makabagong alpabetong Filipino ay binibigkas ayon sa Ingles. May implikasyon ito sa ponetika dahil nabaligtad ang prinsipyo ng “kung ano ang bigkas, siya ang baybay”. Imbis na phonocentric (una ang tunog kasunod ang baybay) naging graphicentric (kung ano ang letra sa Ingles, ito ang baybay). Kung kaya’t mamimilipit sa pagbigkas ang maraming batang mag-aaral ng WF kung ito ang prinsipyong susundin sa ponetika ng WF.  Ang “bahay” ay bibigkasing “bey-hey”.
  2. Ang pagbaybay ng mga hiram na salita at paglahok nito sa sintaktikang anyo ng pangungusap ay nakakiling sa Ingles.  Hal. Nakaka-turn-off naman ‘yang friend mo. So, yabang!  Marahil sa mga Manileno o elistang namimilipit magFilipino o mag-Ingles, ito ang makabagong syntax sa palabuuan ng pangungusap. Laganap din ito sa broadcast media, showbiz, advertisement, interbyu sa mga politiko at kabataang cosmopolitan kuno ang oryentasyon sa kasalukyan.
  3. Ang tinatawag na code-switching ng mga dalubwika (Sibayan, Baustista, Cruz) ay totoo namang di code-switching dahil ganito naman ang kaayusan at kayarian ng pangungusap sa mga wikang lubos-lubos ang panghihiram ng mga salita. Wala nang switching na nagaganap dahil lantaran na itong lumilitaw sa mga diskursong gamit ang WF. Syntactic-semantic substitution ang nagaganap dahil ang paggamit ng i-, pag-, mag-, nag-, kaka-, um-, na-  ay sadyang naghihintay ng halinhinang mga salitang banyaga o hiram nagiging structurally flexible sa formang Taglish.

 

i-zerox, pag-zerox, mag-zerox, kaka-zerox, i-solve, pag-solve, nag-solve, kaka-solve
i-text, pag-text, mag-text, kaka-text, na-text i-equate, pag-equate, mag-equate, kaka-equate
um-attend, um-increase, um-order, um-answer  

 

Kung kaya’t multiple substitution ang pedeng gawin dito na maiaayos o mailalapat din sa pangungusap.

Hal. “I-zerox mo ang papers mo sa promotion.”  “Ok na kaka-zerox ko nga lang.” Ang Tagalog/Filipino component (unlapi o hulapi) ay laging co-dependent sa hiram na salita, subalit nanatiling buo ang salitang Ingles o ibang hiram na salita.

Wala namang ganitong halimbawa (co dependent ang Ingles sa Filipino):

Re-ayos mo na yan!

Anti-makabayan ang mga trapo sa Congress.

Pindotize (na katawa-tawa ang dating) mo yong keypad.

Hindi ang wikang Ingles ang kalaban natin. Maaaring matuto ang isang tao ng higit pa sa dalawang wika. At kapag sinabi nating kakayahang bilingual o multilingual, nararapat na magkapantay ang kabihasaan ng isang tao sa pagbasa, pagsulat, pakikinig at pagbigkas sa mga wikang ito. Hindi tingi-tingi.

Ang problema’y kapabayaan at ang pagpapaubaya na sa darating na panahon, gugulang at uunlad din ang WF. Fatalistikong pananaw ito. Tila si Juan Tamad ito na naghihintay sa pagbagsak ng bayabas sa kanyang bibig. 

Kung kaya’t nangyari ang iba’t ibang direksyon at agendang pangwika na batay sa interes ng iilan at uso ng panahon. Ang iba’t ibang direksyong ito ay unti-unting nawawala’t namamatay, unti-unti nauungusan ng malalaking diskurso tulad ng globalisasyon, industriyalisasyon at postmodernismo. Kung kaya’t sa ating bayan mismo, nagtatalaban ang mga ito at naiiwang nakatindig ang mapanuksong alternatibo – ang gawing wikang ofisyal at panturo ang Ingles.

Tingnan natin ang iba’t ibang direksyon na narating ng ating wika sa kasalukuyan:

1.)    Ang WF ay Taglish – wikang bunga ng eksposyur sa midya, paimbabaw at walang malinaw na gramatika (kung meron man contingent ito at nakabatay sa talastasang publiko), ang wikang “maiintelektuwalisa ayon kay Bonifacio Sibayan” (sipi mula kay Sison-Buban 2006)

2.)    Ang WF ay Taglish na may varayti sa iba’t ibang wika sa bansa ayon kay Isagani Cruz

3.)    Ang WF ay batay sa Tagalog o ang pananaig para rin ng puristikong gahum o ng Imperial Tagalog; walang pagkakaiba ang Filipino at Tagalog ayon kay Cirilo Bautista (pananalitang ibinigay sa lunsad-aklat ng Galaw ng Asoge, 2005)

4.)    Ang WF ay larong-wika na pinasok ng mga batang manunulat ngayon, iskolar sa iba’t ibang larang sa akademya, na walang malinaw na alintuntunin ng laro ngunit nangingibabaw na examplar ng kasalukuyang anyo ng wika

… … …

UBOD NG WIKA

                Ang ubod ng wika ang unibersal na forma o kaayusan ng basikong yunit ng kamalayan na taal nang matatagpuan sa isipan ng tao. Kumbaga ito ang template ng isipan natin na yari na – naghihintay na mapunan, mahubog, malilok, at maisaayos ayon sa idaragdag na istruktura ng natural na wika. Kumbaga ito ang “universal o generative grammar” ni Chomsky, ang “private language” ni Wittgenstein, “archi-writing” ni Derrida. Bago pa man may istruktura ng wika, may nakalikha nang istruktura ang isip na tatanggap at mag-oorganisa ng kamalayan ng tao. Kaya’t may kakayanan ang lahat ng tao na matuto ng wika, ng kahit anumang wika, dahil sa ubod ng wikang nakahimpil sa isipan natin. Ito ang a priori grammar. Ito rin ang nag-uudyok sa imahinatibo’t malikhaing paraan ng isip natin na ikonstrak ang wika batay sa iba’t ibang modalidad/range/linguistikong yunit sa pagkatuto ng wika… … …

LALIM NG WIKA: GRAMATIKANG FILIPINO?

Lahat ng buhay na wika (natural languages) ay dumaraan sa mahabang panahon ng pagbabago at madalas hindi developmental ang yugto ng pinagdadaanan nito kundi retardasyon at tuluyang pagkawala. Alam natin ang magiging kahihinatnan ng maramihang puwersang pangwika na paimbabaw na nagtatalo-talo at naghahalo-halo sa isip at kamalayan ng tao. Higit pa riyan, nagpapaubaya at nagpaparaya ang mga ispiker-tagapakinig ng wika dahil wala silang masandigang internal na lohika o gramatika ng wikang naririnig at nababasa nila. Alalahanin natin ang sinabi ni Emerita S. Quito (1989/2010: 23): “Hanggang ngayon, tayo ay nasasadlak sa kabulukan ng Taglish. Ang maikling kasaysayang ito ng wika sa ating bansa ay nagpapahiwatig ng dalawang bagay. Una: pagkatapos ng 88 taon, hindi pa rin maaaring sabihin na ang Pilipino ay natuto na ng wikang Ingles; at ikalawa, lumaganap ang isang bulok na wika, ang Taglish, na hindi Ingles at hindi Filipino.”

Mahalaga ang lalim ng wika dahil:

  1. Ito ang nagsasaayos ng mga signal o yunit ng ubod ng wika para maging natural na wika,
  2. nagsisilbi itong auditing at editing facility sa isip ng gumagamit ng wika,
  3. ito ang precursor ng imahinatibong pag-iisip ng tao ayon sa tuntunin ng wika niya at ng daynamikong kakanyahan at kakayahan ng wika sa pagpapakahulugan
  4. nagiging transisyonal at transgenerational ang pagsasalin ng pagkatuto ng wika na di nakadepende sa kung ano ang uso at pinapauso
  5. intralinguistic facility ito para sa transformasyon ng wika ayon sa pagbabalanse ng internal na lohika ng kanyang wika at ng praktika/gamit ng wika bunsod ng pagbabago sa lipunan at iba pang external factor.

… … …

Ang pagpili ng Filipino bilang wika ay mangyayari sa kailaliman ng kanyang isip at kung magkagayon malayong-malayong mabubuwal nang agad-agaran ang Filipino (tao at wika) sa daluyong ng pagbabago sa mundo at lipunang ginagalawan. Ang PiliFilipino ay panimulang pagtatangka sa pagteteorya sa wika at analisis ng WF na may sandamakmak na varayti. Inisyal na hakbang ito sa binubuong teorya ng wika at sa implikasyon nito na ang istruktura ng WF ay dapat nakaangkla sa lalim at ubod ng wika o sa gramatika (prescriptive) at pre-grammar (individuated inscription) ng isang tao. Ang paimbabaw na wika’y di maglalaon ang magiging natural na wika (descriptive) na gagamitin ng mamamayan. Ang PiliFilipino ay kritikal at istratehikong pagpili ng taong malay sa ubod at lalim ng kanyang wika upang maging kanyang wika sa pakikipagtalastasan, pamimilosopiya, paghahanapbuhay, pagkrikritika at iba’t ibang komunikatibong sitwasyon at pagkilos. 

                Kung kaya’t ibalik natin ang wika sa kaibuturan ng kamalayan natin at di lamang sa sanga-sangang dila ng gahum.