You are currently browsing the category archive for the 'Uncategorized' category.
Introduksyon:
Sanga-sangang Talastastasan Tungo
sa Sangandiwa ng Kapilipinuhan
Bakit hindi paksaing Filipino? Nang-uusig ang tanong…Sa loob kasi ng tatlong taong pagkalayo sa sariling bayan, hindi sumagi sa isipan ko na importante pala na iugnay ko ang aking mga plano para sa sariling hinaharap sa mga pangangailangan ng aking sariling bayanng tinubuan…Ang kailangan ay pananalig na aakay sa tao upang sumugod siya sa walang-katiyakang hinaharap at magtayo roon ng isang bayang masagana at malaya.
—Bienvenido Lumbera, Writing the Nation/Pag-akda ng Bansa
Makasaysayan ang pag-inog ng Araling Filipino. Talastasan at akademikong kamalayan itong umiiral bilang mapanuri at mapagpalayang pag-aaral tungkol sa mga Filipino at Pilipinas. Ang pag-iral at patuloy nitong pagyabong—na nakaugat sa kalinangang paloob at palabas, may lalim at lawak—mula sa mga akademikong institusyon tungo sa talastasang bayan at bisa-bersa ay hudyat na may kamalayan tayo ng kapilipinuhan.
Araling Filipino bilang Talastasang Pangkalinangan
Ang bawat talastasang pangkalinangan ay totoong naghahanap ng kabuuan. Nagpupumilit ang bawat tinig na marinig at marating ang rurok ng pagkakaunawaan. Subalit, aling talastasan ba ang pakikinggan? Sinong nakikipagtalastas ang dapat samahan? Masasabi nating ang talastasan ng pagbubuo ay hindi pa tapos. Hindi pa tapos ang pagpapakahulugan sa salita, deskripsyon, kategorya at diwang “Filipino.” Sa kasabay nito, hindi pa rin tapos ang pagbubuo ng bansa. Katunayan, walang sinuman marahil ang nakakaalam kung kailan darating ang ganap na kabuuan. Kung meron ba? Kung ano ang huling yugto nito? Sa bawat katanungang ito, walang iisang diwa, walang iisang wika, at walang iisang talastasan ang sasapat. Maraming tinig, tugon, pasubali, pag-sang-ayon, pagwawalang kibo at marami pang iba ang maaaring kapalit ng mga tanong at kuru-kuro. Kung kaya’t sanga-sanga ang talastasan at tiyak na magsasanga-sanga ito dahil buhay at bukas ang komunikasyong pinapairal sa malaya at may nagsasariling kalinangan. Samakatuwid, kung sanga-sanga ito walang magmomonopolyo ng diskurso dahil sa bawat sambit may iba-ibang ulirat ang umuunawa at may iba’t ibang dila ang karagdagang magsasalita. Ang sanga-sangang talastasan ay nakapaloob sa kalinangang Filipino, nakikipag-ugnayan sa labas, at may lalim at lawak ang kaugnayan ng lahat. Mula sa sanga-sanga, ang kaugnayan ng nakikipagtalastasang lahat ay sangandiwa.
Ang sangandiwa ang kaisahan ng pagkakaiba. Kabuuan ito ng maramihang pakikisangkot. Kinikilala nito ang kaisahan at kasarinlan bago magsanga-sanga. May talastasan na tayong Filipino dahil nagkamalay na tayo sa sitwasyon ng sarili at bansa. May talastasan na tayong umuugat sa kalinangang bayan mula pa noong bago dumating ang mga Kastila. Kaytagal mang nawala dahil sa monologo ng mga mananakop sa loob ng higit tatlong daang taon, ang mga naimpit na boses ay pumagitnang sumigaw sa harap ng mga dayuhang Kastila sa loob din ng mahabang taong iyon hanggang sa lumaya ang mga tinig kasama ng paglaya ng bayan mula noong 1892 hanggang 1896. Nagpatuloy ang talastasang bayan sa pamamagitan ng pag-aako ng kaakuhan na nagsisimula sa ako na malay na sa sarili at sa kanyang nagsasariling bayan. Noong 1898 hanggang sa kasalukuyan napalitan ito ng usap-usapan. Usap-usapang naging kooptasyon ng mga ilustrado sa bagong mananakop. Mga pag-uusap na lingid sa kaalaman ng madla na humihiwalay sa kapakanan ng mga Filipino. Dahil dito naisakripisyo ang pag-unlad ng kabuhayan, edukasyon, teknolohiya, at komersyo ng bansa. Ang usap-usapan naging bentahan at tawaran, agawan at pakyawan ng mga interes, ari-arian, kalikasan, at soberenya ng mamamayan at ng bansa. Nakapaghari ang iilan, namayani at bumuo ng kaayusang batay sa kanilang hangarin at pagnanasa. Nabigyang kahulugan ang kapangyarihan ayon sa nangyayaring kaayusang ito ng naghaharing iilan, na sumasaklaw sa kayarian, at pagkayari (buo at wasak) ng lahat. Totoo ang sinabi ni Zeus Salazar (Navarro atbp. 2000) sa “Dambuhalang Hating Pangkalinangan” sa pagitan ng ilustrado at masa. Subalit totoo rin ang dambuhalang pagkakahati ng kalinangan, maramihan at malawakang pagkakawatak-watak, mula sa loob, sa sentro ng kapangyarihan at ugnayan sa espasyo ng pag-usap-usap. Ang dambuhalang pagkakahating ito’y dala ng malakolonyal na aparato ng paghahari at ng hindi pagkakaunawaan ng maraming sektor bunga ng ganitong diskursibo at politikal na kalagayang pambansa. Kung kaya’t naniniwala ang mga mananaliksik-manunulat ng aklat na ito na may tungkulin at tunguhin ang Araling Filipino bilang talastasang pangkalinangan. Ang talastasang ito’y nag-aatas sa atin. Sa pagkakawatak-watak ng usapin at pagdagsa ng usap-usapan, tungkulin ng isang mamamayan na pag-aralan ang kasaysayan at linangin ang kanyang wika, pagkatao, kaisipan at kultura upang iharap ito sa madla sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan tungo sa makabuluhan, aktibo at nagkakaisang pagbabago’t pag-unlad. At dahil nasa isang malayang bansa tayo, magsasanga-sanga ang mga dila’t diwa, paa’t bisig para tupdin ito. Sa bandang huli, kabuuan ito ng maramihang pakikisangkot. Sangandiwa ito ng kapilipinuhan.
Ang sangandiwa ay metapora. Pagsibol ito ng binhi sa kaisapan tungkol sa sarili at sa bansa. Pagpapatatag ito ng haligi ng karunungang Filipino at pagsasanga ng matatayog na puno ng kalinangang Filipino. Pagdami ito ng mga hitik na prutas ng diskurso’t praktika, hanggang maging binhi ang mga buto, muli’t muli, para sa mas malalim at mas malawak na larangan sa loob at labas ng ating sarili’t bansa. Samakatuwid, nakapaloob ang Araling Filipino bilang talastasang pangkalingan.
Araling Filipino bilang Akademikong Gawain at Tungkulin
Sangandiwa ang pamagat ng aklat dahil samutsaring diwa ang nabuo bago naisulat ang mga sanaysay sa aklat na ito. Sanga-sangang disiplina ang bumubuo sa Araling Filipino; kung kaya’t, sanga-sanga rin ang mga bagahe, diskurso at lapit ng mga iskolar na nagiging kalakasan sa pagpapayaman ng karunungang Filipino. Sanga-sanga ang pinagmumulan ng bawat guro at mag-aaral na silang pumapanday sa diwang mabubuo bilang hinuha, dalumat o teorya ng pag-aaral at pananaliksik. Bunga nito, nagkakaroon ng interseksyon, dayalogo at pagkalat ng usapin sa iba pang mga larangan at kinapopookan ng usaping loob at labas ng bansa. Sa madaling salita, sangandiwa ang tumutukoy sa kalikasan at kaligiran ng Araling Filipino.
Bilang mga mag-aaral, nais ng mga mananaliksik-manunulat ng aklat na ito na makilahok at maki-ambag sa sangandiwa ng talastasan, kaalaman at pagteteorya sa Araling Filipino (Philippine Studies). Napipisil naming may malaking gampanin ang bawat mag-aaral ng Araling Filipino na palawakin, patatagin at payabungin ang araling ito. Nang magsimula ang kakaiba ngunit mapaghamong kamalayang akademik na ito noong huling bahagi ng dekada 60, nagkaroon na nang malaking pagbabago tungkol sa tinahak at nilandas nito. Una itong sumibol sa kalye dala ng makaFilipinong tahakin ng mga mag-aaral na nagprotesta laban sa neokolonyal na kalagayan ng edukasyon (misedukasyon) at sa lugmok na pamamalakad sa bansa. Nagbunga ng krisis sa mga Kanluraning disiplinang kumakatawan, nag-aaral at nagpapaliwanag tungkol sa Pilipino, kasaysayan, kaakuhan at bansa gamit ang banyagang metodo, teorya at dulog. Sinipat at sinuri ng mga iskolar, guro at mag-aaral ang dulot ng kolonyalismo sa edukasyunal na aparato ng lipunan. Pinasimulan ito ni Renato Constantino sa pag-analisa niya sa kasaysayan ng misedukasyon sa bansa at ni Dr. Virgilio Enriquez sa pamamagitan ng pagpapaunlad niya ng Sikolohiyang Pilipino. Kaugnay nito, umusbong ang mainit na paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo sa akademya. Dahil sa krisis sa mga disiplina nagkaroon ng pagkakataon na harapin at isulong ang makaFilipinong paksain at metodolohiya sa pag-aaral ng tao, wika, lipunan, kalinangan at kasaysayan. Hindi matatawaran dito ang mga naging ambag nina Lumbera, Salazar, Covar at Enriquez. Sila ang naging tagapanguna sa paggamit ng wikang Filipino at pagsasaliksik gamit ang makaFilipinong paksain at metodo. Noong 1970-1972 nagkaroon ng Departamento ng Philippine Studies sa Pamantasang Ateneo de Manila na pinamunuan ni Dr. Bienvenido Lumbera. Nagsimula naman ang programang Philippine Studies (Araling Pilipino) sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1974 sa ilalim ng Kolehiyo ng mga Sining at Agham. Nang maging dekano si Dr. Zeus Salazar ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, UP, noong 1989, binuo nila ni Dr. Prospero Covar ang programang Pilipinolohiya. Sa kasalukuyan tatlong kolehiyo ang may PhD Philippine Studies sa UP: Asian Center, Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya at Kolehiyo ng Arte at Literatura. Mayroon din ngayong programang Araling Filipino/Filipinolohiya sa Pamantasang De La Salle-Maynila. Bilang formal na akademikong programa naging interdisiplinaryo ang lapit ng kurso. Nililisan ng lapit na ito ang ispesipikong hangganan ng disiplina tungo sa pagsasama ng iba’t ibang disiplina hinggil sa usapin ng metodolohiya, dulog at mga teorya sa Sosyal Sayens at Humanidades.
Hindi naglaon, nanganak ang debate, diskurso at kaalaman na naging lunsaran para sa mga dati at kasalukuyang mag-aaral ng mga iskolar ng Araling Filipino. Dahil dito, naging hamon sa mga mag-aaral na ipagpatuloy at pagyamanin ang pagbubuo ng kaalaman at karunungang Filipino. Ipinagpapatuloy ito sa taunang kumperensya, paglilimbag ng mga jornal at aklat at mga lektyur sa klase sa iba’t ibang pamantasan sa loob at labas ng bansa. Ang mga dating mag-aaral ay guro na rin sa kani-kanilang larangan.
Layunin ng aklat na ito na ibahagi ang mga piling sanaysay at pananaliksik para sa mga kasalukuyang mag-aaral ng Araling Filipino. Pinoproblematisa ng mga sanaysay ang usapin ng kaakuhan, pagkabansa, kultura at lipunang Filipino. Binibigyang diin dito ang kahalagahan ng pagsusuring kritikal at paglalatag ng teoryang nakabatay sa ating kalinangan. Subalit hindi rin naman isinasantabi ang mga teoryang galing sa labas. Dalawa ang kahulugan ng “galing sa labas”: mula sa ibayong pananaw (mga Filipinong nasa diaspora) at ibang pananaw (Kanluranin). Bahagi ang mga ito ng isang bukas na talastasang pangkalinangan ng Araling Filipino. Para umusbong at lumawak ang Araling Filipino paloob at palabas, hindi dapat ito bakod na bakod, kundi dapat “bukod na bukod” (Cruz 2003). Binibigyang diin ng mga mananaliksik-manunulat ng aklat na ito ang prayoridad na gamitin ang pagdadalumat-salita na may kapasidad na linangin ang ating mga salita at wika sa konseptuwalisasyon, pagteteorya at pagbubuo ng kaalamang Filipino. Bukod pa rito, dayalojikal at dayalektikal ang nais naming maging dalumat ng paggamit at pagsuri sa pananaliksik. Kung kaya’t relasyon ito ng loob at labas na bubuo o magluluwal ng sintesis batay sa pangangailangan at kontexto ng kasalukuyan. Samakatuwid, maaaring magsama at magtalastasan ang panloob, ibayo at ibang (Kanluranin) pananaw para suriin at sipatin ang nangyayari sa ating lipunan.
Kabuuan ng Aklat
Nahahati sa tatlong bahagi ang aklat: (1) Pagdadalumat ng Kaakuhan at Pagkabansa; (2) Kritika: Lipunan, Sining, Literatura at Palabs; at (3) Ilang Talang Pananaliksik sa Araling Filipino.
Ang unang bahagi’y naglalaman ng limang sanaysay tungkol sa mga pagdadalumat ng ating sarili’t bansa. Sa unang sanaysay na Akuin ang Kaakuhan: Filipino Ako tinatalakay kung papaano naging pira-piraso ang kalinangan at kaakuhan natin. Nakasentro ang argumento sa relasyon ng kapangyarihan ayon sa dinidikta ng kolonyal na aparato. Sinikap nitong buwagin ang pagtatalabang baynaryo at palitan ito ng panibagong kontradiksyon ayon sa pakikisangkot ng sarili na akuin ang pagkatao at bansa.
Sa ikalawang sanaysay tinalakay ang pagteteorya ng pagpopook. Matatagpuan sa Pagpopook: Pagsasadiwa ng Pangasinan Bilang Bayan tungo sa Paghihiraya ng Bansa ang pagpapalawig ng posisyon ng ‘ako,’ ‘sila,’ at ‘tayo’ para dalumatin ang pook, bayan at bansa. Sinikap na iugnay ang mga ito upang ilugar ang pagpopook ng Pangasinan hindi lamang gamit ang mapa bagkus sa pamamagitan ng diwa at hiraya.
Sa ikatlong sanaysay na Prinsesa Urduja: “Mitong-may-Katwiran” ng Diksurso, Simbolo, Representasyon at Kaalaman inimungkahing irekonstrak ang kahulugan ng mitolohiya bilang mito at katwiran o mitong may katwiran. Ipinapalagay dito na totoo ang kuwento at diskurso tungkol kay Prinsesa Urduja ng Pangasinan ayon sa iba’t ibang artikulasyon nito sa pamumuhay at kultura ng mga tao.
Sinamahan naman ng kultural na pagsusuri sa ikaapat na sanaysay ang linggwistikong gamit ng pang-uri. Ang Pang-uri: Istruktura ng Pag-unawa sa Kultura ng Kaakuhang Pilipino ay naglatag ng iba’t ibang sitwasyon kung papaano naging mahalaga ang pang-uri sa sitwasyong komunikatibo at kultural na transaksyon ng Pilipino sa kanyang kapwa at lipunan.
Ang ikalima at huling sanaysay na Mga Bakas ng Popularisasyon Bilang Aparatong Kolonyal/ Komersyal at ang Kapangyarihan ng Komukunsumong Masa ay nagbibigay diin sa kahalagahan ng kasaysayan upang ilugar ang pagpalaganap ng kulturang popular. Nanatiling mula sa labas ang diskurso ng kulturang popular habang may pag-aangkin na tinatangkilik ng nakakaraming tao sa tulong na rin ng mas midya. Sa bandang huli ang kapangyarihan ng masa’y inulugar bilang resistans sa kaayusang pinanatili ng mga kapitalista.
Ang ikalawang bahagi na may pamagat na Kritika: Lipunan, Sining, Literatura at Palabas ay binubuo uli ng anim na sanaysay. Sa unang sanaysay na Saysay at Salaysay ng Pantawang Pananaw mula Pamumusong Hanggang Impersonasyon pinapahalagahan ang tradisyon ng kritikal na pagpapatawa para sumbatan ang nasa kapangyarihan. Si Pusong ang sikat na sikat na karakter sa mga kuwentong bayan natin ang siyang nagpasimula ng tradisyong ito. Sa kasalukuyan, mga impersoneytor na ang gumaganap sa posisyon ni Pusong para magkritika.
Kaugnay nang nauna, ang ikalawang sanaysay na Palabas, Tawa at Kritika: Dayalektik ng Isyu, Maskara at Kamalayan sa Impersonasyon ng Pulitiko sa Lipunan ay tumatalakay pa rin sa pantawang pananaw. Isinakontexto ang praktika at kritikang ito sa kasalukuyang palabas sa telebisyon.
Pagkababae, Literatura at Mas Midya: Pagbasa Paloob at Palabas sa mga Akda ni Lualhati Bautista ang ikatlong sanaysay na tumatalakay sa isyu ng pagkapantay-pantay ng babae at lalaki sa lipunan natin sa tulong ng kanyang mga akdang pampanitikan. Binigyang diin niya ang ideolohiya ng pagkababae na isang mahalagang gawain at diskurso para baguhin ang imahen ng babae sa gitna ng pagbulusok ng mas midya.
Ang ikaapat na sanaysay, Ang Kritikal na Pedagohiya Tungo sa Mapagpalayang Pagsulat, ay pagpapaliwanag sa kahalagahan ng pagtuturo ng malikhaing pagsulat sa kabataang maralita. Nakasentro ang kritikal na pedagohiya sa karanasan at mithiing pagbabago sa lipunan. Nagpapatuloy ang marjinalisasyon ng maraming sektor tulad ng kabataan, manggagawa at kababaihan. Sa tulong ng pagsulat ng mga tula nagkaroon ng puwang sila na ilabas ang kanilang saloobin at makilahok sa aktibong pagbabago.
Nirebyu naman sa ikalimang sanaysay Ang Likhang-Kamay, Materyal, at Spiritwal: Si Pinay, Si Inay, Inang Kalikasan at Makabagong Babaylan ni Tala Isla Contreras. Malikhain at makabuluhan ang mga lilok na imahen ng kababaihan at kalikasan para iugnay sa isyung naghahanap ng muli’t muling pagpapakahulugan ng babae at pagkababae sa panahon ng mga pagbabago sa lipunan.
Basa’t Suri sa “Balagtasismo vs. Modernismo,” Aklat ni Virgilio Almario ang huling sanaysay sa bahaging ito.
Tumututok naman ang huling bahagi ng aklat sa Ilang Talang Pananaliksik sa Araling Filipino. May apat na sanaysay ukol dito.
Ang unang sanaysay na may pamagat na Kaalamang Panlipunan ay sumisiyasat sa panlipunang penomena bilang mapagkukunang paksain ng isang mananaliksik.
Riserts at Teorya ang ikalawang sanaysay na naglilinaw ng ilang mga termino sa pagsasaliksik. Binanggit dito ang kahalagahan ng dalumat-salita para sa pagteteoryang Filipino.
Ang ikatlong sanaysay na Araling Filipino bilang Lapit-Pananaliksik ay naglalayong palitawin ang pagdadalumat sa Araling Filipino bilang lapit. Mahalagang bahagi rito ang usapin kung papaano idadalumat makaFilipinong paksain. Binigyang-pansin din ang pagkakaiba at pagsasama ng disiplinari, multidisiplinari at interdisiplinaring tutok ng pananaliksik.
Umaasa kami na makakatulong ang aklat na ito sa mga mag-aaral na tangkilikin ang paksaing Filipino. Nawa’y makapaghain mismo kayo ng pananaliksik at lumahok sa talastasang pangkalinangan tungkol sa ating sarili, bansa at hinaharap. ‘Ika nga’y magsanga pa sana ang buhay na puno ng Araling Filipino para dumami pa ang mga bunga nito.
Rhod at Beth
Marso 21, 2004

Lihim ng Ultramar - malapit nang lumabas sa ilang piling bookstore!
sipi mula sa nobela, eksena sa UP Diliman:
Humahagibis sa takbo ang isang cameraman at reporter mula sa ABS-CBN para i-cover ang lumalaking rali sa UP. Wala pang ibang istasyon. Kaya eksklusibong-ekslusibo ang kanilang coverage.
“Ano po ang pinaglalaban ninyo?” bungad ng reporter sa isang lider-aktibista. Inaadjust naman ng cameraman ang bitbit niyang kamera at anggulo ng kuha.
“Sobra na ang planong pagdadagdag sa gastusin naming mga estudyante. Hindi na makatarungan ang pagtataas ng tuition fee.” Nakabaling na ang ulo ng estudyante sa grupo nilang papaalis patungo sa harap ng Malcolm Hall habang sumusunod ang reporter bitbit ang mic at pilit na itinatapat sa bibig ng iniinterbyu. Naka-ball cap na pula ang estudyanteng ito, nakasuot ng t-shirt na itim na may disenyo ng nakabalandrang mukha ni Mao Tse-tung.
“May plano raw na gumawa ng mall mismo sa loob ng campus. Gaano ito katotoo?” Usisa ng reporter.
“Tama iyon, balak nilang gibain ang shopping center at palitan ng mini-mall. Popondohan ito uli ng Malaya Land Inc. na sa tingin namin ay nabili na ang kalahati ng ari-arian ng UP.”
“Di ba’t nagrerenta lang sila sa properties ng UP?”
“Hindi ganoon ang pagkakaalam namin!”
“Kung binibili na unti-unti ng Malaya ang UP, bakit kailangan pang taasan ang tuition fee?”
“Sabwatan ito ng Malacanang, admin at Malaya Land. Gusto nang isuko ng pamahalaan ang obligasyon nila para sa isang mura, dekalidad, at progresibong edukasyon na laan sana sa mahihirap. Sa bansa natin, negosyante na ang nagmamay-ari ng mga institusyon ng edukasyon, kasama na dyan ang UP.”
Humihingal na ang estudyante dahil kada tapos sa binibitawang salita para sa panayam, panay naman ang sigaw ng
“IBABA ANG TUITION! NO TO TUITION FEE INCREASE!”
“Iho sino ang kasama ninyong mga titser?”
Itinuro ng estudyante si Prof. Ishmael Cruz na limang metro ang layo sa kanila. Takbo kaagad ang reporter at cameraman. “Sir, si Shirley Tudla po ito ng ABS-CBN News…”
Napalingon ang faculty regent. “Hi Shirley!”
“Bakit po kayo nag-walk out sa miting ng Board of Regents?
Malalim munang nag-isip ang regent. Matikas ang tayo ng faculty regent. Dati siyang piloto ng Philippine Airforce. Nang sumapit siya sa edad 40 maaga siyang nagretiro bilang piloto at piniling magturo sa UP Visayas sa loob ng 19 taon. Tubong Tacloban, Leyte. Dumating siya sa UP Diliman dalawang taon na ang nakakalipas nang mangailangan ng guro sa aviation engineering ang College of Engineering para sa executive courses nito katuwang ang Philippine Airlines. Noong nakaraang taon, nahalal siya bilang faculty regent. “Kailangang gawin ang dapat gawin, kailangang manindigan sa tama.”
“Ano po sa tingin ninyo ang magiging desisyon ng board?”
“Naku, wala nang desisyon dahil lutong macao na iyan. Bago pa man ang pormalidad, napagkasunduan na ang mangyayari.” Nakasuot ng puting polo barong si Prof Cruz at marahang nagmamartsa. Bakas sa mukha niya ang kapanatagan ng loob at determinasyon sa ginawang desisyon.
Lumagpas na ng College of Engineering ang mga raliyista na umaabot na sa humigit-kumulang 1,200 katao. Nabaling ang kamera sa sumusugod na pulutong ng UP Police mula sa lagoon. Lumabas din ang iba mula sa tabi ng University Theater may dala-dalang malalapad na shield. Sumilbato ang isa at mabilis silang nagtipon sa harap ng mga raliyista. Naka-V shape ang kanilang formation. Samantalang ang mga “batuta boys” ay humilera sa tabi ng daan para bantayan ang patungo sa lagoon malapit sa Administration Building.
Hinatak ng reporter ang kable ng mic at ibinaling sa regent. “Sir ano po ang gagawin ng grupo ninyo? Mukhang ayaw kayong paratingin sa harap ng admin building?”
“Shirley, ngayon lang ito mangyayari na hinaharangan kami sa isang malayang unibersidad. Wala ng pinagkaiba ang admin na ito sa mga nakaupo sa Malacanang! Takot sa rali! Takot sa katotohanan!” pasigaw na sagot ni Prof. Cruz dahil nagkagulo nang bahagya ang hanay ng mga raliyista.
Kinuha ni Prof. Cruz ang megaphone at dumistansiya ng pasulong sa grupo, umikot ito at humarap sa raliyista.
“Mga kasama, huwag kayong matakot! Hindi nila tayo kayang saktan sa loob ng UP!”
Malapit nang magtakip-silim, 6:06 na ng gabi. Mayroong 50 kabuuang puwersa ang UP Police kasama ang mga volunteer nito. Nagwang-wang ang padating na 2 trak ng bumbero mula sa QC Fire Department. Nagliparan ang pulutong ng mga kalapating nasa mga sanga ng punong acacia. Tila tinatalo ng wangwang ang ninenerbiyos nang sigaw ng mga raliyista. Isang utos lamang paliliguan sila ng tubig at ididispatsa palayo sa admin building. Naka-stand down ang UP Police, naghihintay ng order.
Yumayanig naman sa tenga ng lahat ang nabuong tapang ng mga estudyante, faculty, alumni at iba pang raliyista para isigaw ang
“IBABA ANG TUITION FEE! IBABA ANG TUITION FEE! NO TO TFI!”
Lumakad nang papalapit si Prof. Ishmael Cruz sa hanay ng pulisya. Walong metro ang layo ng dalawang puwersa. Limang hakbang pa papunta sa hepe ng UP Police, dalawang pillbox ang initsa mula kung saan at sumabog sa harap ng regent. Isang molotov bomb ang sumunod, na nagpaliyab sa kalsada.
Nagtakbuhan at nagsigawan ang mga tao. Tumigil ang wang-wang ng fire truck. Pati mga bumbero tumakas palayo. Nawala rin ang reporter at kasama nito. Hinihila ng dalawang pulis ang hepe nila, sugatan ngunit mayroong malay. Nababalutan ng maitim at makapal na usok ang daan, patuloy ang pagliyab. Sa di kalayuan, malapit sa College of Mass Communication, isang molotov bomb muli ang sumabog. Tumakbo ang maraming pulis doon.
Naiwang nakabulagta ang isang lalaki sa daan. Duguan, bali-bali ang buto mula hita pababa sa dami ng sharpnel na tumama rito. Isang di kilalang lalaki ang lumapit. Itinagilid niya ang katawan ng nakabulagtang lalaki at kinuha mula sa pantalon nito ang pitaka. Iniwan ng misteryosong lalaki ang pera. Hinugot lamang sa brown leather na pitaka ang isang puting card na may nakadisenyong star sa gitna. Naglaho ang lalaki sa gitna ng makakapal na usok.
Walang malay ang nakabulagtang lalaki. Punit-punit na’t nadungisan ng sariling dugo ang puting polo barong na suot nito.

Paano kung may kabit na PSG agent ang Pangulo! Pinagbibintangan siyang korap ng taumbayan, nilalait bilang imoral, at tinutuligsa sa pagpatay sa kanyang mahigpit na kaaway sa politka.
Noong Martial Law mayroong classified Presidential Decree sa ilalim ng National Security Act na nilagdaan ang diktador tungkol sa pagbuo ng isang covert security group para protektahan ang Pangulo.
Isang professor ng DLSU ang nakatuklas sa lihim na ito nang namatay ang isang religious brother.
Paano niya isasalba ang Pangulo sa planong asasinasyon dito ng militar at ilang sibilyan at ang napipintong deklarasyon muli ng Martial Law? Abangan!
P225 ang nobela. May 300+pahina, pocketbook size. Sa Agosto 21, 2009 1:30PM sa DLSU ang lunsad-aklat. Ibaba po sa P200 ang presyo ng aklat.
Paki-email po sa rhodnuncio@gmail.com ang gustong magpareserba ng kopya. Maraming salamat sa suporta!
(Binago ang titulo mula sa Ang teorya ng MALAM: Ebolusyon ng malay sa kaalaman at kalipunan ng lipunan sa kamalayan ng tao na hango sa aking Pasinayang Panayam Profesoryal Don Francisco Ortigas Sr. sa Araling Filipino noong Marso 25, 2009, 1:00-3:00 nh sa Ariston Estrada Seminar Room. Ang mababasa sa blog na ito ay ilang sipi mula sa aking panayam.)
ni Rhod V. Nuncio
…
II.
Pagdalumat-salita: Ang MALAM bilang teorya at teorya ng kaalaman
Lexical na pagdalumat-salita
Ang malam ay likhang-salita ko. Kombinasyon ito ng “mal” at “alam” o pinaigsing “am”. Ang mal ay salitang ugat na ang ibig sabihin ay mali, para sa salitang mal-edukado o mula sa Espanyol na ang ibig sabihin ay “kasamaan”(evil) o “kamalian”. Maaaring basahin din ito bilang pinaigsing “mali”. Sa salitang Latin, ang malus, mala, malum ay nangangahulugang masama (pisikal/moral). At sa Latin pa rin, ang malus (f) ay nangangahulugang “puno ng mansanas”, pansinin ang alusyon nito sa “puno ng karunungan ng kasamaan at kabutihan” mula sa Lumang Tipan (Old Testament) sa Henesis hinggil sa tsismis/kuwento/mitong Eba’t Adan.
Ang “alam” o “am” mula sa dalumat-salitang “mal-am” ay tumutukoy naman sa alam, kaalaman (knowing, known, knowledge).
Samaktuwid, kapag pinagsama ang mga kahulugan, ito ang mararating: maling kaalaman, masamang kaalaman. Sa papel na ito, dadalumatin ko ang epistemolohikal na elaborasyon ng malam o yaong “maling kaalaman”. Ang moral na implikasyon o yaong “masamang kaalaman” ay iiwasan ko munang talakayin sa pagkakataong ito, siguro’y para sa ibang panayam o sanaysay na aking susulatin na lamang.
Tinangka ko ring alamin kung mayroon ba talagang salitang “malam” sa ibang wika, at kung meron man ano ang kahulugan nito. Mayron naman talaga, salamat sa internet, sa Google siyempre. Sa wikang Bahasa Indonesia, nangangahulugang gabi ang malam, malam ini ay ngayong gabi (tonight). Ang pasar malam nga’y “night market”. Subalit sa Encyclopedia of the Saivism ni Swani Parmeshwaranand, ang Anaava Malam ay isang puwersa, isang nilalang na may lakas na hadlangang maabot ang dalisay na kaalaman, “[It is]… a subtle force which obstructs pure intelligence from having its own way. (Google Books). Ang hinduismong pananaw na ito ang malapit na kahulugan ng “malam” na aking dinadalumat.
Diskursibong pagdalumat-salita
Ngayon naman lalanguyin ko ang karagatan ng kaalaman para maiugnay sa ibang literatura ang dinadalumat ko. Kailangang gawin ito ng isang palaisip/paham/pilosopo bago magsabing pioneering, groundbreaking, kauna-unahan ang kanyang ideya. Pero sabi nga ni Roland Barthes, wala na raw tayong masasabi pa dahil nasabi na ng iba ang sasabihin natin. O di kaya’y ang lahat ng susulatin natin ay uuwi lang naman dili iba’y kay Plato lang naman (All philosophy is just a footnote to Plato). Mali silang dalawa. Marami pa tayong dapat sabihin at marami pa tayong alam na di pa nila alam.
Simulan natin kay Rene Descartes, ang tinuturing na ama ng modernong pilosopiya. Sa kanyang pakiwari, isang problema kung paano matitiyak ang katiyakan ng lahat. Ang problemang ito’y nakapasok sa sangay ng pilosopiya na tinatawag na epistemolohiya. Pinag-aaralan dito kung paano natin “malalaman na ang nalalaman natin ay totoong alam natin”. Nabuo ni Descartes ang tinatawag na methodic doubt o ang “metodikong pagdududa”. Aniya, ang unang paraan ay pagdudahan natin ang lahat ng ating nalalaman. Kung nagdududa ka, di mapagkakamaling nag-iisip ka, at kung nag-iisip ka, di mapagkakamaling umiiral ka. Cogito ergo sum! (I think, therefore I am). Kumbaga, sa pagdududa nagsisimula ang lahat, sa pagdududa rin matatamo ang katiyakan. Subalit hindi pa rin ako kumbinsido kay Descartes o sa kanyang Cartesian Methodic Doubt. Sa kanyang sinulat na Meditation I, katwiran niyang baka niloloko lamang tayo ng isipan natin, tulad ng isang baliw. Agam-agam din niya kung ano ang pinagkaiba o paano natin masasabing gising tayo kumpara sa nananaginip lamang tayo. Siyempre pa sinagot ito ni Sigmund Freud sa kanyang The Interpretation of Dreams , apat na daang taon ang nakalipas. Ang ikatlo’y baka may isang makapangyarihan, malisyoso at masamang nilalang na nililinlang tayo na paniwalaan ang lahat ng alam natin. Kung mapapansin ninyo, sa ganitong linya ng pag-iisip tumatakbo ang binanggit ko kaninang galing kay Swani Parmeshwaranand, ang Anaava Malam. Ganito rin ang pananaw ng teolohiyang Kristiyano, isang nilalang ang kasamaan, isang puwersang entidad – ang simpleng kabaligtaran ng kabutihan, ng Diyos.
Balik tayo kay Descartes. Ang pagdududa sa akin ang pinakamahinang paraan sa katiyakan ng kaalaman. Kung mayroon din namang pinatunayan si Descartes, iyon ay ang nag-iisip tayo, na sasabihin kong pinatunayan na rin ng mga tsonggo bago pa man sila mag-evolve bilang tao. Maya-maya babalikan ko ang puntong ito. Dalawang binary switch lamang ito: ang totoo at hindi totoo, ang tama at mali, ang tiyak at di tiyak. Kapag pinagninilayan mo sabay ang dalawang ito, nagdududa ka, nililima kung ano ang opsyon. Subalit sa mga Pinoy bagsak ang grado ni Descartes sa eryang fuzzy logic. Sa atin hindi lamang binary switch/binary opposition – kundi multivariate ang tugon tulad ng medyo, pwede na, siguro…ok lang. Kapag tinanong na masama ba ang ginawa ko sa girlfriend? Sagot ng Pinoy, medyo. Kung maganda ba ang pantalon sa akin, ang tugon ay “pwede”. Kung mahal mo ba ako, “ewan” ang tugon.
Pero paano kung ang tiniyak-tiyak nating kaalaman ay nakasalig sa maling kaalaman? Tulad ito sa katotohanang binitawan ni Ptolemy at ng dogma ng simbahan na sinupalpal naman nina Copernicus at ilang daang taon pa ni Galileo Galileo, ang geosentrikong pananaw. Paanong ang katotohanang natira, matapos ang prosesong metodikong pagdududa ay mali rin pala?
Kay Edmund Gettier, pinroblematisa niya ang batayan ng ating kaalaman na para sa mga epistemologist o analitikong pilosopo ang kaalaman ay “mapangangatwiranang totoong paniniwala” o justified true belief (JTB formulation). Paano na ang isang katotohanan o pinapalagay na totoo ay nakasalig sa maling kaalaman/premis. Halimbawa ito ng argumento ni Glenn May (1996) tungkol sa posthumous reconstruction kay Bonifacio ni Teodoro Agoncillo at iba pang historyador at kasama na rin si Ambeth Ocampo mula sa kanyang aklat na The Bones of Contention (2001). Siyempre pa krisis ito ng lehimitasyon ng katotohanan, na walang pinagkaiba sa ilihetimong posisyon ni Gloria Macapagal Arroyo, na alam niyang nanalo siya sa 2004 eleksyon dahil alam na alam niya nga sa tulong ng isang Comelec Commissioner, ngunit nakasalig naman sa kondisyon ng pandaraya. Totoong ika-14 siyang Pangulo ng Republika ng Pilipinas, ngunit ang tanong: totoo kayang nanalo siya? Hindi ito mito-mitohan lang katulad ng ipinapalagay ng mga structuralist na mga antropologo o teoristang poststructuralist tulad ni Roland Barthes sa kanyang Mythologies , kundi isang mapapangatwirang totoong paniniwala, o justified true belief sa pananaw ni GMA at ng mga cohort, spin-doctor na naglipana sa ating pamahalaan. Sa katunayan, ang aking akusasyon na mandaraya at korap na Pangulo si Gloria Macapagal Arroyo ay isang ding “justified true belief”. Samakatuwid, ayon kay Gettier, ang isang maling katotohanan ay maaaring pangatwiranang tama at totoo rin? Ano na ngayon ang totoo sa di totoo?
Pero bakit ba nating hinahayaang manungkulan ang isang mandaraya at korap na Pangulo? Bakit mayroong pagsasatabi sa lipunan, may ginagahum, may nilalaspatangan sa lipunan. Si Karl Marx ang naghain ng kasagutan mula sa pagbasa niya kina Feuerbach at Hegel. Ito ang kontrobersyal na teorya ng “false consciousness” o lisyang kamalayan, na inangkat at inangkop naman ni Renato Constantino (1982) para sa tesis naman niyang ang “misedukasyon ng mga Pilipino”.
…
Konklusyon
Mula sa primal fear, animal at natural instinct, human instinct natin, mayroon tayong final dread – ang huling kinakatakutan natin, kaya tinatakasan natin ito sa ating kamalayan. Naitanong na ba ninyo sa sarili ninyo, paano kung wala na ako sa mundong ito? Ano na ang mangyayari sa kamalayan ko? May pupuntahan ba ako? Saan ako pupunta? May buhay ba na lagpas sa kamatayan? Isang iglap wala nang lahat.
Ngayong malay na may kamalayan ako, mabuti pang rebisahin o talikuran ko na ang cartesian doctrine.
Nag-iisip ako, samakatuwid, ako’y malay.
Kung malay ako, mapagduduhan ko ang lahat, kasama pati ang aking pag-iral.
Kung hindi totoo ang aking pag-iral, samakatuwid, ako’y isang kawalan.
Nag-iisip ako, samakatuwid ako’y kawalan!
Sa Latin, cogito, ergo finis!
Sa Ingles, I think, therefore, I end .
ni rhod v. nuncio
Sa mga administrador, mga guro, magtatapos, at mga estudyante, isang maganda at masayang hapon sa lahat!
Malaking hamon ang nakaharap sa ating lahat. Hindi ito basta-basta, hindi kaya ito ng mga laway na puhunan natin sa mga intelektwal na diskurso. Hindi ito kaya ng mga aklat na atin nang nabasa o mga sulating atin nang sinulat at ipinalimbag. Ang hamon ay gawing makatao, at higit sa lahat, makaFilipino ang posisyon ng intelektuwal, gawing pala-gawa imbis na pala-isip lamang tayo. Nakakalungkot na lagi na lamang ito ang paalala sa tuwing may pagtatapos. Hindi dahil sa makakalimutin tayo kundi dahil nalilinlang tayo ng panahon, ng kasalukuyang abalahin. Pangunahin sa hamong ito ang bisyon sa hinaharap at hindi sa kasalukuyan.
Paano magiging makatao ang intelektuwal? Dapat na isaalang-alang niya ang kanyang kapwa at huli ang sarili. Dapat na isulong niya ang kapatiran bilang bayanihan, sa pagsasabayan ng ating sarili sa ating kapwa. Lahat tayo’y may binhi ng bansa sa ating kalooban. Lahat tayo’y tao ng ating bansa, taong-bahay ng ating bayan. Naisip ko narin ang mangibang-bansa, (o layasan para sa iba) ang Pilipinas, dahil sa maraming nakakalungkot o nakakasuklam na dahilan. Bibitbitin ko sana ang buong pamilya at hahanap ng bagong kapalaran sa malayong lupain at hindi na magbabalik. Taong-bayan ako, taong-bansa ako. Parang bahay nga, kung aalis, kailangang bumalik. Kailangang alagaan, kailangang imintini at ikumpuni kung sira na. Ang bahay kung walang tao, hindi na bahay – ang bansa kung wala nang mamamayan ay hindi na bansa, hindi na bayan, hindi na estado. Kung kaya’t ang pagiging makatao ay makabayan din. Dalawang konsepto/valwasyon itong hindi dapat ipinaghihiwalay. Mayrong iba na mahal lamang ang bayan dahil nakikinabang sila – narito ang mga negosyo, malalawak na lupain, mga ari-arian, at salapi. Subalit hindi nila mahal ang taumbayan. Hindi nila inaaruga ang mga taong nakatira rin sa bayang ito. Oo nga’t siguro’y makabayan sila pinapapatatag nila ang mga institusyon ng ating lipunan ang negosyo, pamahalaan, kalakalan, eskuwelahan at iba pa, subalit sa totoo lang makatao ba sila? Tayo? Makatao ba ako?
Sa dagsa-dagsang mga Filipinong lumuluwas, bumalik sana kayo at makataong kumpunihin ang sira-sirang bahay-bansa natin. Sa mga narito na, pagtibayin natin ang ating mga loob, marami pang krisis at pagsubok ang darating sa ating mga sarili at bansa. Sasalantain pa tayo ng mga krisis sa politika, at panlipunan. Ngunit anuman ang mangyari, kailangang maging makatao tayo sa gitna ng pagiging makabayan din natin.
Sa Sosyolohiyang Filipino, iisa lang naman ang institusyon natin ang “pamilya”. Sa Sikolohiyang Filipino, iisa lang naman ang konsepto ng kapwa, ang kapamilya o kamag-anak. Sa politikang Pinoy iisa lang naman ang mode of governance natin – political dynasty. Sa negosyong Pinoy – family conglomerates ito. Lahat umiikot sa pamilya. Kailangan nga sigurong pag-isipang muli at ikritika ang implikasyon ng ganitong pagpapahalaga o valorisasyon sa pamilya. Baka ito ang ugat ng ating problema o baka ito ang susi sa ating pag-asa. Ang buong bansa natin ay hindi binubuo ng geopolitikal na dibisyon ng kapitolyo, rehyonal, nasyonal, probinsyal, distrito, lungsod, munisipyo at baranggay. Ang geopolitikal na landscape ay pagkakahati-hati batay sa mga impluwensyal at makapangyarihang pamilya. Sa eleksyon, kitang-kita ang ganitong kayariang pambansa at lokal. Ang political dynasty ang makinarya ng elektoral na kultura natin. Pinapatakbo nito ang pagbagsak ng ating bansa, at pagtaas ng kani-kanilang pangalan, posisyong politikal, panlipunan at kultural. Sila-sila lang ang namamayani. Nawawala tayo ang taong-bayan, taumbayan. Ang sila-silang pananaw ang humahati sa ating lahat. Hindi tayo nakikisangkot. Kailangang buwagin ang pamilyang Pinoy – hindi ang literal na pamilya – kundi ang mitikal, metaporikal, ideolohikal na pamilyang Pinoy. Hindi ko sinasabing sirain na ninyo ang relasyon sa inyong mga kapamilya at kamag-anak at maghiwa-hiwalay tayong lahat pag-uwi natin sa ating mga bahay. Palitan natin ito ng kabansaan, gawin natin itong pamantayan. Kung gagawin ko ba ito, makakabuti ba ito sa bansa? Alam kong mahirap gawin ito, ngunit ang rebolusyong ito sa konsepto at ideolohiya ng pamilyang Filipino ay nangangailangan ng mahabang panahon. Kailangang pagdiskursuhan na ito at gawin na ang pagbabago.
Naalala ko ang naging reaksyon ko sa isang panayam sa Pamantasang De La Salle – Maynila hinggil sa paksa ng child labor. Nasabi ko na maski sa ating mga bahay baka ganito ang sitwasyon, ang ating mga kasambahay, yaya at katulong ay under-age, minors pa ika nga. Maraming mga bata ang banat na ang buto, gutom, uhaw at hirap na hirap na sa buhay. Masuwerte ako at pinalaki ako ng maayos ng aking magulang. Masuwerte tayo at maayos ang ating mga kapamilya. Ngayon may anak na kami ni Beth, si Karl Angelo. Masuwerte siya at pinaplano namin ang kinabukasan niya. Subalit alam kong magiging malungkot lamang si Karl kung ganito. Magiging malungkot ang hinaharap ng ating mga anak kung sa ating bakuran lamang tayo nag-iisip, kung sa kapamilya, kung sa anak ko lamang, kung para sa loob lamang ng pamilya natin.
Kailangang isipin din natin ang ibang bata, ibang kapwa. Kailangang isipin din natin ang kinabukasan ng ibang batang salat sa lahat. Kailangang buuin natin ang bahay nila sa hinaharap, ito ang bansa. Kailangang maging makatao at makaFilipino rin sila sa isa’t isa. Sabi ko kanina, lahat tayo’y may binhi ng bansa sa ating kalooban. Hindi kayo ang dapat magpalago niyan, hindi ang mga sarili ninyo. Kailangang patubuin, palaguin ang iba. Ito ang esensiya ng pagiging makaFilipino – ang maging Filipino para sa iba.
Dalawa ang kahulugan ng makaFilipino: ang proseso ng pagiging Filipino – becoming, at ang pagiging Filipino – being. Ito ang pamana ng kanluraning pilosopiya, ang dualismo ng being at becoming. Subalit ang ikatlong implikasyon ay “para sa Filipino”, ang pagiging makaFilipino ay para sa kapwa Filipino.
Kung ikokonteksto ko ito sa programang Philippine Studies, kailangang magkaroon tayo ng graduate fellowship program sa sariling bansa. Hind kailangang lumabas lagi ng bansa para maghanap ng research grant at fellowship program. Kailangang matuto tayo sa isa’t isa. Ang mga taga-MSU, mga propesor at mga estudyante nila, at sa ibang kolehiyo’t unibersidad ay maaaring mag-fellowship/research program sa UP, De La Salle at Ateneo, at iba pa. Sa buong kapuluan. Marami tayong matutuhan sa isa’t isa. Huwag nating gawing ang Philippine Studies ay Manila Studies o Luzon Studies lamang. Saka tayo dumugtong sa Southeast Asian Studies at sa ibang lunsaran ng pag-aaral. Siyempre pa, patutubuin ng akademya ang butil ng pagkabansa at pagkaFilipino. Ito ang sama-samang hamon natin ngayon at sa mga darating pang mga araw. Maraming salamat po!
(valedictory address na binasa para sa mga magsisipagtapos ng PhD Philippine Studies sa Asian Center, UP-Diliman, Abril 2007)
sa dinami-daming pagkakataong magsulat ng blog ngayon lang talaga ginanahan. dumating lang bigla, kasi marami na rin akong tambak na sulatin. pira-piraso’t mga dagling opinyon tungkol sa iba’t ibang bagay, ideya, at kung ano-ano pa. minsan seryoso, semiformal, kuwela at sa iba siguro ang iba’y walang kuwenta. hayaan ninyong mangulit ako sa blog na ito dahil pagpapaguran at pag-aaksayan ko talaga ng oras at pawis ang pagsusulat dito. baka sakaling mabago ko ang ilan sa inyo. kung anuman ang mababago sa inyo na lang yon! baka kasi wala, ayaw kong umasa.
sige, balitaan na lang tayo, at maging kapakipakinabang ang bawat araw sa inyo!
muli, rhodnuncio (kritika sa tabi-tabi)

Bagong Puna