Mga Imbak na Marka: kaisipang Filipino

Ang teorya ng MALAM: Ang maling alam at ebolusyon ng kamalayan ng malay sa lipunan at pagkatao

(Binago ang titulo mula sa Ang teorya ng MALAM: Ebolusyon ng malay sa kaalaman at kalipunan ng lipunan sa kamalayan ng tao na hango sa aking Pasinayang Panayam Profesoryal Don Francisco Ortigas Sr. sa Araling Filipino noong Marso 25, 2009, 1:00-3:00 nh sa Ariston Estrada Seminar Room. Ang mababasa sa blog na ito ay ilang sipi mula sa aking panayam.)

 

ni Rhod V. Nuncio

 

 

 

II.

Pagdalumat-salita: Ang MALAM bilang teorya at teorya ng kaalaman

 

 

Lexical na pagdalumat-salita

Ang malam ay likhang-salita ko. Kombinasyon ito ng “mal” at “alam” o pinaigsing “am”. Ang mal ay salitang ugat na ang ibig sabihin ay mali, para sa salitang mal-edukado o mula sa Espanyol na ang ibig sabihin ay “kasamaan”(evil) o “kamalian”. Maaaring basahin din ito bilang pinaigsing “mali”. Sa salitang Latin, ang malus, mala, malum ay nangangahulugang masama (pisikal/moral). At sa Latin pa rin, ang malus (f) ay nangangahulugang “puno ng mansanas”, pansinin ang alusyon nito sa “puno ng karunungan ng kasamaan at kabutihan” mula sa Lumang Tipan (Old Testament) sa Henesis hinggil sa tsismis/kuwento/mitong Eba’t Adan.

          Ang “alam” o “am” mula sa dalumat-salitang “mal-am” ay tumutukoy naman sa alam, kaalaman (knowing, known, knowledge).

          Samaktuwid, kapag pinagsama ang mga kahulugan, ito ang mararating: maling kaalaman, masamang kaalaman. Sa papel na ito, dadalumatin ko ang epistemolohikal na elaborasyon ng malam o yaong “maling kaalaman”. Ang moral na implikasyon o yaong “masamang kaalaman” ay iiwasan ko munang talakayin sa pagkakataong ito, siguro’y para sa ibang panayam o sanaysay na aking susulatin na lamang.

          Tinangka ko ring alamin kung mayroon ba talagang salitang “malam” sa ibang wika, at kung meron man ano ang kahulugan nito. Mayron naman talaga, salamat sa internet, sa Google siyempre. Sa wikang Bahasa Indonesia, nangangahulugang gabi ang malam, malam ini ay ngayong gabi (tonight). Ang pasar malam nga’y “night market”. Subalit sa Encyclopedia of the Saivism ni Swani Parmeshwaranand, ang Anaava Malam ay isang puwersa, isang nilalang na may lakas na hadlangang maabot ang dalisay na kaalaman, “[It is]… a subtle force which obstructs pure intelligence from having its own way. (Google Books). Ang hinduismong pananaw na ito ang malapit na kahulugan ng “malam” na aking dinadalumat.

 

Diskursibong pagdalumat-salita

          Ngayon naman lalanguyin ko ang karagatan ng kaalaman para maiugnay sa ibang literatura ang dinadalumat ko. Kailangang gawin ito ng isang palaisip/paham/pilosopo bago magsabing pioneering, groundbreaking, kauna-unahan ang kanyang ideya. Pero sabi nga ni Roland Barthes, wala na raw tayong masasabi pa dahil nasabi na ng iba ang sasabihin natin. O di kaya’y ang lahat ng susulatin natin ay uuwi lang naman dili iba’y kay Plato lang naman (All philosophy is just a footnote to Plato). Mali silang dalawa. Marami pa tayong dapat sabihin at marami pa tayong alam na di pa nila alam.

          Simulan natin kay Rene Descartes, ang tinuturing na ama ng modernong pilosopiya. Sa kanyang pakiwari, isang problema kung paano matitiyak ang katiyakan ng lahat. Ang problemang ito’y nakapasok sa sangay ng pilosopiya na tinatawag na epistemolohiya. Pinag-aaralan dito kung paano natin “malalaman na ang nalalaman natin ay totoong alam natin”. Nabuo ni Descartes ang tinatawag na methodic doubt o ang “metodikong pagdududa”. Aniya, ang unang paraan ay pagdudahan natin ang lahat ng ating nalalaman. Kung nagdududa ka, di mapagkakamaling nag-iisip ka, at kung nag-iisip ka, di mapagkakamaling umiiral ka. Cogito ergo sum! (I think, therefore I am). Kumbaga, sa pagdududa nagsisimula ang lahat, sa pagdududa rin matatamo ang katiyakan. Subalit hindi pa rin ako kumbinsido kay Descartes o sa kanyang Cartesian Methodic Doubt. Sa kanyang sinulat na Meditation I, katwiran niyang baka niloloko lamang tayo ng isipan natin, tulad ng isang baliw. Agam-agam din niya kung ano ang pinagkaiba o paano natin masasabing gising tayo kumpara sa nananaginip lamang tayo. Siyempre pa sinagot ito ni Sigmund Freud sa kanyang The Interpretation of Dreams , apat na daang taon ang nakalipas. Ang ikatlo’y baka may isang makapangyarihan, malisyoso at masamang nilalang na nililinlang tayo na paniwalaan ang lahat ng alam natin. Kung mapapansin ninyo, sa ganitong linya ng pag-iisip tumatakbo ang binanggit ko kaninang galing kay Swani Parmeshwaranand, ang Anaava Malam. Ganito rin ang pananaw ng teolohiyang Kristiyano, isang nilalang ang kasamaan, isang puwersang entidad – ang simpleng kabaligtaran ng kabutihan, ng Diyos.

          Balik tayo kay Descartes. Ang pagdududa sa akin ang pinakamahinang paraan sa katiyakan ng kaalaman. Kung mayroon din namang pinatunayan si Descartes, iyon ay ang nag-iisip tayo, na sasabihin kong pinatunayan na rin ng mga tsonggo bago pa man sila mag-evolve bilang tao. Maya-maya babalikan ko ang puntong ito. Dalawang binary switch lamang ito: ang totoo at hindi totoo, ang tama at mali, ang tiyak at di tiyak. Kapag pinagninilayan mo sabay ang dalawang ito, nagdududa ka, nililima kung ano ang opsyon. Subalit sa mga Pinoy bagsak ang grado ni Descartes sa eryang fuzzy logic. Sa atin hindi lamang binary switch/binary opposition – kundi multivariate ang tugon tulad ng medyo, pwede na, siguro…ok lang. Kapag tinanong na masama ba ang ginawa ko sa girlfriend? Sagot ng Pinoy, medyo. Kung maganda ba ang pantalon sa akin, ang tugon ay “pwede”. Kung mahal mo ba ako, “ewan” ang tugon.

          Pero paano kung ang tiniyak-tiyak nating kaalaman ay nakasalig sa maling kaalaman? Tulad ito sa katotohanang binitawan ni Ptolemy at ng dogma ng simbahan na sinupalpal naman nina Copernicus at ilang daang taon pa ni Galileo Galileo, ang geosentrikong pananaw. Paanong ang katotohanang natira, matapos ang prosesong metodikong pagdududa ay mali rin pala?

          Kay Edmund Gettier, pinroblematisa niya ang batayan ng ating kaalaman na para sa mga epistemologist o analitikong pilosopo ang kaalaman ay “mapangangatwiranang totoong paniniwala” o justified true belief (JTB formulation). Paano na ang isang katotohanan o pinapalagay na totoo ay nakasalig sa maling kaalaman/premis. Halimbawa ito ng argumento ni Glenn May (1996) tungkol sa posthumous reconstruction kay Bonifacio ni Teodoro Agoncillo at iba pang historyador at kasama na rin si Ambeth Ocampo mula sa kanyang aklat na The Bones of Contention (2001). Siyempre pa krisis ito ng lehimitasyon ng katotohanan, na walang pinagkaiba sa ilihetimong posisyon ni Gloria Macapagal Arroyo, na alam niyang nanalo siya sa 2004 eleksyon dahil alam na alam niya nga sa tulong ng isang Comelec Commissioner, ngunit nakasalig naman sa kondisyon ng pandaraya. Totoong ika-14 siyang Pangulo ng Republika ng Pilipinas, ngunit ang tanong: totoo kayang nanalo siya? Hindi ito mito-mitohan lang katulad ng ipinapalagay ng mga structuralist na mga antropologo o teoristang poststructuralist tulad ni Roland Barthes sa kanyang Mythologies , kundi isang mapapangatwirang totoong paniniwala, o justified true belief sa pananaw ni GMA at ng mga cohort, spin-doctor na naglipana sa ating pamahalaan. Sa katunayan, ang aking akusasyon na mandaraya at korap na Pangulo si Gloria Macapagal Arroyo ay isang ding “justified true belief”. Samakatuwid, ayon kay Gettier, ang isang maling katotohanan ay maaaring pangatwiranang tama at totoo rin? Ano na ngayon ang totoo sa di totoo?

          Pero bakit ba nating hinahayaang manungkulan ang isang mandaraya at korap na Pangulo? Bakit mayroong pagsasatabi sa lipunan, may ginagahum, may nilalaspatangan sa lipunan. Si Karl Marx ang naghain ng kasagutan mula sa pagbasa niya kina Feuerbach at Hegel. Ito ang kontrobersyal na teorya ng “false consciousness” o lisyang kamalayan, na inangkat at inangkop naman ni Renato Constantino (1982) para sa tesis naman niyang ang “misedukasyon ng mga Pilipino”.

 

 

Konklusyon

            Mula sa primal fear, animal at natural instinct, human instinct natin, mayroon tayong final dread – ang huling kinakatakutan natin, kaya tinatakasan natin ito sa ating kamalayan. Naitanong na ba ninyo sa sarili ninyo, paano kung wala na ako sa mundong ito? Ano na ang mangyayari sa kamalayan ko? May pupuntahan ba ako? Saan ako pupunta? May buhay ba na lagpas sa kamatayan? Isang iglap wala nang lahat.

          Ngayong malay na may kamalayan ako, mabuti pang rebisahin o talikuran ko na ang cartesian doctrine.

          Nag-iisip ako, samakatuwid, ako’y malay.

          Kung malay ako, mapagduduhan ko ang lahat, kasama pati ang aking pag-iral.

          Kung hindi totoo ang aking pag-iral, samakatuwid, ako’y isang kawalan.

          Nag-iisip ako, samakatuwid ako’y kawalan!

          Sa Latin, cogito, ergo finis!

Sa Ingles, I think, therefore, I end .