kritika bilang tsismis


Sa higit limang dekada ng kritika sa bansa bilang isang sangay ng sining o pag-aaral ng sining hindi maiwasang maitanong kung nagkagulang na ba ang kritika. Oo naman kung titingnan natin ang mga haligi sa larang na ito: Bienvenido Lumbera, Alice Guillermo, E. San Juan, Jr., Resil Mojares, Isagani Cruz, Nicanor Tiongson, Rosario Torres-Yu, Gemino Abad, Cirilo Bautista, Soledad Reyes, Lilia Q. Santiago, Rolando Tolentino at marami pang iba. Ilan lamang ito dahil napakalawak ng sining at kadalasan nakakapit sa panitikan lamang ang larang na iniikutan ng isang kritiko. Sa mga nagtatangkang alamin ang larang na ito, mahalagang basahin ang Norton Anthology of Theory and Criticism at para naman maunawaan ang formal na kritisismong pampanitikan, basahin naman ang Anatomy of Criticism ni Northrop Frye.

 

Paano ba nabubuo ang kritika? Nagsisimula ang lahat sa teorya at hindi sa texto ng sining na inakala tuloy ng marami na parasitiko lamang ang kritika sa sining. Walang kritiko na pulpol sa teorya. Ito ang puhunan at pundasyon ng isang kritiko bago siya makipagbuno sa marami pang pagbabasa at pagsusuri. Sa ating bansa kaunti lang talaga ang may appreciation sa teorya, lalo’t higit pa sa mga disiplina sa humanidades. Katumbas kasi nito ang maraming pagbabasa (nang paulit-ulit) at pag-unawa nito sa iba’t ibang kontexto. Kailangang unawain ng ganito ito dahil nasa ibang historisidad, milieu, lipunan, kultura at wika ang texto at awtor ng orihinal na teorya. Kaya nga’t kasabay ng pag-aaral ng teorya ang kasaysayan ng teorya. Ito rin ang mahina sa pag-aaral ng teorya sa ating bansa, ura-urada na lang sa paglalapat ng teorya nang hindi lubos na nauunawaan ito at ang estratehiya sa paggamit nito na malay sa historisidad ng teorya (hindi ng textong susuriin). Kadalasan ang nangyayari maraming pagbabasa na nauuwi lamang sa pagkakabisado ang pag-aaral ng teorya. Wala nang pag-unawa’t interpretasyon. Ang pinakamainam na ruta sa pag-aaral ng teorya ay ang pilosopiya, art studies, at cultural studies. Subalit nakakalungkot ito dahil iilang pamantasan lamang ang may mga kursong ganito, mabibilang lamang sa daliri. Imbis na dumami, pinasasara pa ang mga programang ganito sa ilang kolehiyo. Kung gusto mong maging kritiko huwag kang mag-literature o humanities major dahil kakapiranggot na yunits lamang ang teoryang pag-aaralan sa kursong ito at kadalasan elective pa! Sining ang sentral sa mga ito at hindi ang kritika. Hindi rin uubra na may kolum ka lamang sa dyaryo o magazin, walang pinagkaiba kung gayon ang kritiko sa ibang kolumnista’t peryodista. Kaya nga’t hindi journalism ang kursong nababagay sa isang kritiko. Pinakamahalaga sa lahat na dapat makapaglabas ang pumopormang krititko ng kanyang aklat at ng marami pang mga aklat. Walang matinong risertser na tabloid ang bitbit niya para sa mga sanggunian niya, samakatuwid, kailangang aklat ng kritiko ang dala-dala niya.

 

Paano ba nabubuo ang kritika? Nangyayari ito sa interpretasyon ng teorya. Kasunod ng pag-unawa ay ang intepretasyon – kailangang maipaliwanag niya sa kanyang sariling pagkaunawa ang katuturan ng teorya. Kailangang navi-visualize niya sa kanyang imahinasyon ang kahinaan at kalakasan ng teorya at ang pagsulpot ng iba pang ideya na magpapatibay o magpapawindang sa teorya. Itinuturo sa atin ang paglalapat ng teorya sa texto at hindi ang imahinatibong pagkuro-kuro sa teorya at texto. Sa ganito kasing paraan nakakalikha ng serye ng diskurso ang mga kritiko, pilosopo, manunulat, at mga iskolar. Kung paglalapat lamang ng teorya ang aatupagin ng kritiko, disin sana’y hayskul pa lamang marami ng kritiko dahil iyon din naman ang ginagawa noon at hanggang ngayon.  Kung magagawang maging imahinatibong teorista/kritiko, magiging handa siya na iabandona ang natutuhan niya at ideklara ang kanyang pagsasarili at ang kasarinlan ng kanyang isipan. Kung hindi naman, ang kritika niya’y tsismis lamang at siya’y magiging isang dakilang tsismoso.

 

Paano ba nabubuo ang tsismis? Ano muna ang pinagtsitsismisan? Dalawa ang sagot dito, una ang textong susuriin at ikalawa ang teoryang gagamitin. Kadalasan sablay sa maraming bagay ang tsismosong kritiko:

  • Dinidiktahan ng uso (kung ano ang uso sa labas) ang pananaw ng kritiko. Siyempre sa ating kultura, kakambal ng uso ang tanong na “Uy, bagay ba?”
  • Ang kritika niya’y nahagap lamang niya sa sinabi ng iba at paulit-ulit na ginagamit pa rin ng iba kahit laos na at hindi na totoo.
  • Umaasa lamang sa diskurso sa labas bago makapagsimula ng kanyang sariling diskurso. Kaya nga’t madalas ang hiram na diskurso sa akademya dahil sa ating bansa walang agenda ang mga kritiko’t iskolar.
  • Mga popular na texto ang sinusuri dahil kasapakat na ng komersyalismo ang trabaho ng kritiko. Imbis na kritiko, PR ang dating niya.
  • Hindi marunong magbasa. Binabasa lamang ang kritika ng kanyang kapwa kritiko o di kaya’y isinasalin lamang ang nabasang kritika sa kanyang sariling wika.
  • Pinapalaganap niya ang tsismis sa mga susunod pang mga tsismosong kritiko.

 

Sa maiikling panahon ng limang dekada, nagkagulang ba talaga ang kritika? Marahil nasa yugto pa tayo na kung saan tsismis ang umiiral sa larang ng pagkrikritika. Malakas pa rin kasi ang usap-usapang dala ng tagalabas at kasabay nitong napipipi ang maraming manunulat, iskolar, kritiko, guro’t mag-aaral sa ating bansa. Pero hindi naman talaga maiiwasan ang yaong galing sa labas. Dapat marunong tayong sumabay ngunit malay na nagsasarili’t may kasarinlan sa ating pag-iisip at pag-unawa.

 

Paano ba nabubuo ang kritika? Mag-isip tayo sa Filipino.

kritika bilang tsismis

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s