literari kulto


ni rhod v. nuncio

 

Hindi na kaila sa atin na maraming nagsusulputang pangkat pampanitikan. Kadalasan nakabase ang mga ito sa akademya, mayroon namang pribado’t nasa labas. Ngunit, sa paggulang ng ating mga institusyong panlipunan, unti-unting itinitirik ng iilan ang samahang nakakalas sa pulso at ligalig ng panahon. Sa kasaysayan ng mga kilusang panlipunan, nagtitipon-tipon ang mga tao dahil nasa panganib ang bayan. Ang mga kilusang ito na babad sa kontra ng ideolohiya ng estado ay legal o naka-underground sa mata ng publiko’t awtoridad. Kaya nga’t masasabi kong hindi isang panlipunang kilusan ang mga pangkating pampanitikan sa bansa ngayon. Nananatiling nakakubli ang mga pangkating ito sa ideyalisasyon ng sining para sa sining at hindi para sa bayan/sambayanan. Bagaman, maraming tataas ang kilay sa pahayag na ito, hayaan ninyong ilatag ko ang mga dahilan. Ang mga ganitong pangkat-kanila (pangkat na sila-sila) ay tatawagin kong mga literari kulto.

          Unang-una, ang mga kultong ito ay nakasentro sa reproduksyon ng kanilang mga sarili at ng kanilang sining. Siyempre pa nasa pusod ng mga pangkat nito ang determinasyon at afirmasyon ng kanilang pag-iral. Kung kaya’t tanging mga sikat, premyado, nasa Maynila, titulado at kung maaari may-kaya lamang ang mapapabilang sa loob. Nakakabit sa pangalan at reputasyon ng kasapi ang pag-iral ng ganitong mga kulto.

          Ikalawa, walang matibay na kaisipang lulundag at aalpas palabas ng pangkat at sasanib sa kalaunan sa lipunan at mga institusyon nito. Nanatiling eksklusibo ang mga umiiral na pilosopiya, pananaw at aral ng mga kulto. Kadalasan nakakabit ang aral ng kulto sa ama’t ina ng pangkat o sa tagapagtatag ng kulto. Sa ganitong elemento, hindi ang aral ang sinasamba ng mga kasapi kundi ang tagapagtatag mismo.  Kaya’t halos ganito at lagi’t laging mababaw kundi man hiram sa Kanluran ang prinsipyo’t pananaw ng mga literari kulto. Napakapersonal ng kaisipan at napakapyudal ng pagyakap sa lidersyip at pagsasaling-henerasyon.

          Ikatlo, hawak ng mga kultong ito ang mga institusyong kultural sa bansa at nadidiktahan ang akademya sa layaw at kapritso nito. Usapin ng kapangyarihan ang pag-iral at patuloy na pamamayagpag ng mga kultong ito sa ating lipunan. Dahil halatadong kulto sila, napipilitan ang mga itong sumanib sa politika ng mainstream. Ang kulto sa larang ng pananampalataya sa ating lipunan ay nasa tabi, sa gilid-gilid. Subalit ang mga literari kulto ay nakapuwesto sa kapangyarihan. Opisyal sila ng mga ahensyang kultural at ng pamahalaan mismo. Dala-dala nila ang persona ng kulto at mga personalidad nito. Kontrolado nila ang makinarya at sirkulasyon ng resorses, tauhan, kapital at pribilehiyo ng mga ahensyang ito. Nalulusaw ang delicadeza dahil sila mismo ang nakikinabang sa biyaya ng mga grant, proyekto’t pondo ng pamahalaan. Sa akademya nanlalagi ang mga kultong ito. Ang life cycle ng samahan at recruitment base ay nasa mga kolehiyo’t unibersidad. Kadalasan kontrolado rin nila ang mga proyekto’t gawaing pansining dito. May kompetisyon din ng mga kulto, subalit nakasentro sa personal at di sa estetika, nakasentro sa dami ng maiimpluwensiyang kasapi nito at di sa dami na akdang naprodyus, at nabubuhay sa pagkokomersyo ng sining at di sa demokratisasyon nito.

Kung may birtud man ang kulto at mga kasapi nito, iyon dapat ang sining nito. Ano ba ang nililikhang sining? Eksklusibo ba ito sa kasapi lamang? Bakas pa sa isipan ko ang literary barkada na ibinansag ni Gemino Abad at ipinaliwanag ni Cristina Pantajo-Hidalgo. Hindi na lamang simpleng barkadahan ito, papunta na tayo sa ibang direksyon.

Hangga’t naririto sa atin ang kulto ng paghahari, nagiging anino lamang ang sining ng mga animo’y higanteng diyos-diyosan sa panitikang Filipino. Paano lalansagin ang mga kulto? Huwag tayong sumamba sa kanila.

 

 

 

literari kulto

One thought on “literari kulto

  1. wena says:

    Sa aking palagay, hindi talaga isang kilusang panlipunan ang panitikan sa bansa dahil bahagi sila ng mas malawak na kilusang panlipunan. Ang kanilang mga likha ay nakasanib sa mga kilusang panlipunan at pag-aari rin ng bayan/sambayanan. At madalas, ang mga manlilikhang ito ay nasa mga gilid ng bayan. Bagamat malakas ang mga testamentong inililitaw ng kanilang mga nilikha, hirap itong makapasok sa sentro dahil nasa mga dadaanang institusyon nakaupo ang mga kulto. At ang panukat ng isang likha ay kontrolado ng kulto.
    _________________________________________________

    Nakasentro sa pinuno ang mga ritwal ng pagsamba sa kulto. Kung hindi ba sasambahin ang mga kulto, mamamatay ang pinuno? Ang kamatayan ng pinuno ay maaaring kamatayan rin ng kulto. O maaari din naman na dahil ang kanilang kaisipan ay nananatiling nasa loob lang ng kanilang kulto, sila-sila lang ang nagpapalitan ng mga ideya at kaisipan, maaari rin silang mamatay o magkaroon ng mas mahinang lahi dahil maaaring hindi na humihinto ang pagdudugo ng kanilang sugat. Ang birtud ng kulto ay kathang-isip lang, itinanim sa imahinasyon ng mga nasa labas upang maakit na pumasok dahil may “kapangyarihang alay” ang birtud.
    __________________________________________________

    Paano nga ba hindi sasambahin ang kulto? Madaling sabihin pero mahirap gawin at kayang gawin. Magsulat/lumikha ng hindi sumusunod sa mga panuntunang itinatakda ng kulto. Ang panuntunan naman ng kulto ay nasa panlabas na anyo lang kaya ang makinis na akda ay dapat mayroon ding lalim at danas ng bayan/sambayanan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s