Ang Publikong Intelektuwal, Akademya at Lipunang Filipino


ni rhod v. nuncio

 

Sa mahabang panahong nakalipas at magpahanggang ngayon, problematiko pa rin ang anyo’t pagkakakilanlan ng tunay na publikong intelektuwal sa bansa. Sa aking

haypotesis, kailangang magkasabay kasi ang paglitaw ng intelektuwal na tradisyon at ng publikong intelektuwal. Hangga’t hindi naipagpapatuloy o di kaya’y hangga’t

laging nauudlot ang makaFilipinong paglitaw ng tradisyon ng karunungan/pilosopiyang Filipino, lagi’t laging nabubura at nawawala ang imahe’t kaakuhan ng isang publikong intelektuwal. Kalat-kalat at sanga-sangang matatagpuan sa iba’t ibang textual at diskursibong representasyon ang isang intelektuwal sa ating kontexto, karanasan at kasaysayan. Unang-una na rito ang makasaysayang pigurang si Jose Rizal. Siya ang exemplar ng ibang ilustrado, sa ibang saray ng lipunan, ng ibang intelektuwal noon

at ngayon. Subalit kahit na ba napakadakila niya, kailangan pa rin nating irekonstrak at ikontextualisa ang patuloy na kabuluhan/ kalikhaan ng isang intelektuwal. Lagi’t laging tanong ng iba: bakit laging si Rizal? May social existence ba talaga ngayon ang isang publikong intelektuwal? Sino nga ba ang publikong intelektuwal sa panlipunang

konstruksyon, sa panlipuang realidad natin na nakaugat sa nakalipas, makabuluhan sa kasalukuyan at hinaharap, at sa ating kontexto’t tunguhin sa bayan?

 

Guro

Sa ganitong usapin, lahat ay nagsisimula sa pagiging guro. Ang potensyal ng pagiging publikong intelektuwal ay nagmumula sa bokasyon/profesyon ng pagiging guro.

Una dapat nating mahalin ang trabahong ito at taimtim na ilapit ang sarili natin sa pagmumulat ng isipan ng estudyante at ng madla. Sa digmaang pangkaisipan, gahum-kontra-gahum, ang mga gurong mulat ang kawal/tagapagsulong ng “dekolonisasyon

ng isipan” at “transformatibong edukasyon”. Ang klasrum ang laging sityo ng tunggalian – dito nangyayari ang pagbubuwag o pagdidistungka sa isipan ng mga bata/kabataan na dumadaaan sa “realidad ng lipunan”. Sa aking karanasan, ang mga disiplinang gabundok ang hamon at trabaho ay yaong nakatutok sa pagkakasarinlan ng pananaw-Filipino. Ito ang mga aralin/disiplinang Filipino, kasaysayan, panitikan at agham panlipunan (yaong naging bahagi ng indigenization movement sa akademya). Ganito kasi ang sinaryo: napakahirap kumbinsihin ang mga kabataang nahirati sa Ingles at kanluraning diskurso na mahalaga ang rehiyonal at pambansang wika para sa kanilang pagkakakilanlan, pagkabansa at kamalayan. Sa umaatikabong pagtuturo ng wika at mga paksang makaFilipino, lagi’t laging mas malaki ang panahong ginugugol sa pagkukumbinsi.

Sa ibang disiplina tulad ng mga eksaktong agham ng matematika’t pisika, hindi kailangan ang puspusang pagkukumbinsing mahalaga’t kailangan ito. Ang mga kabataang gustong magtagumpay sa kani-kanilang profesyon sa hinaharap ay lubos na nakalublob sa kanilang major courses: engineering, computer studies, business and economics, at marami pang iba. Walang mabigat na effort sa mga guro na mangumbinsi, liban na

lamang talaga sa mga tamad na mag-aaral. Kailangan sa yugto ng pagiging guro, lagi tayong nakatapak sa lupa, subalit nagtatangkang tumalon sa hinaharap, at sumasabay sa mga pagbabagong nagaganap. Kailangan ika nga, nakapagpapabago din ang edukasyon sa atin. Sabi nga, ang pinakamahirap kumbinsihin kung tayo’y nangungumbinsi ng

ibang tao ay walang iba kundi ang ating sarili. Samakatuwid, dapat nating kumbinsihin at aminin sa ating mga sarili na tayo, sa una’t unang pagkakataon, ay mga guro. Kasunod nito, ang pananagutang maging guro sa kapwa guro. Sa madaling salita, paglingkuran natin ang ating profesyon at kapwa sa profesyon, at yaong magiging kasama pa sa profesyong ito. Hindi madaling gawin ito, para ngang sa yugtong ito, mahirap na nating isipin na magiging intelektuwal/paham/palaisip pa tayo. Ngunit sa tingin ko naman, mahirap nga ito kung mag-iisa ka. Ang pagiging guro, sa tingin ko, ay re/konstraksyon hindi ng lipunan, kundi ng sariling determinasyon sa tulong ng mga estudyante, magulang, administrador, at kapwa-guro. Tagapanguna sa larangan/tagalikha ng kaalaman Sa yugtong ito, iniisip na niya’t inuurirat ang lokasyon ng kanyang sarili sa malawak na diskurso ng Kaalaman at bagong mga kaalaman. Nararapat na sipatin niya ito batay sa kanyang pagnanasang kumapit sa bayan, makaalpas at makalaya sa

kumunoy ng kahirapan, kawalang pag-asa’t katiyakan, at sa tila paikot-ikot na paglangoy sa ganitong kalalagayan. Totoong dapat na maging magaling tayong manunulat, pilosopo, kritiko, sosyologo, antropologo, sayentist, mathematician, ekonomista, at marami pang iba. Magpakadalubahasa tayo. Mahabang panahon ang ginugugol dito para lumitaw ang kontribusyon ng isang intelektuwal sa akademya at paglao’y sa lipunang pinaglilingkuran niya. Nagagawa ito sa pamamagitan ng riserts at marubdob na pagsusulat, paglikha’t paglilimbag. Ngayon sa paninindigan natin, sa determinasyon natin bilang tagapanguna sa ating larangan, kailangang isiwalat natin ang ating danas/alaala/dunong na nagmumula sa loob, sa emikong sitwasyon ng ating lipunan at kultura, at sa kalooblooban ng ating pag-unawa’t pagkamulat para sa madla. Dito nagsisimula ang pag-iisip na humahapuhap ng wika para maibulalas ang nabubuong kaisipan, natutuklasang kaalaman, napag-uugnay na pananaw, at nakapagbabagong diwa. Hindi mangyayari ito kung walang mangungunang magsusulat, magririserts, at maglilimbag sa Filipino. Kailangan nating lumikha muli ng ripple hanggang sa maging malalaking alon ng kaalaman/karunungan na

pagdedebatihan sa akademya at magbubukas at magpapasigla muli sa mga akademiko, iskolar, at guro’t publikong intelektuwal tungkol sa ating sarili/kaakuhan, sa penomenong sosyo-kultural, sa nangyayari sa labas ng akademya, sa pandaigdigang larangan,

at sa marami pang bagay.

 

Kung ang pagiging guro ang paghuhunos ng pagkatao ng isang publikong intelektuwal, ang pagiging palaisip, manunulat, risertser naman ang paghulagpos sa tindi ng pagkapipi,

pagkabingi’t pagkabulag sa maraming usapin at maraming bagay dala ng metadiskurso ng gahum na kaalaman. Piliin natin ang ating larangan, ang ating interes – kinagisnan, kinalakhan, kinasiyahan, kinatitindigan – bilang mga pangunahing saklaw at galaw ng ating pagririserts, pagsusulat, at pagteteorya. Sa palagay ko, ito ang hindi maaagaw

o mawawala sa atin, sa kung paanong paraan nakasipat, nakalubog, at nakalirip tayo sa tabas, lalim, at husay ng ating lokal na diwa’t kaalaman. Mangyayari lang ito kung mag-iisip tayo sa ating wika – sa Filipino, varayti ng Filipino, at/o mga wika sa bansa. Kaya

nga’t hayaan ninyong sabihin kong sa pagtuturo ng wika, dapat nating sabihin sa ating mga estudyate na hindi lamang apat ang makrokasanayang pangwika – pagbasa, pagsulat, pagbigkas, at pakikinig – kundi lima. Kasamang mahalaga dapat dito ang “mag-isip sa Filipino”. Sa mga pag-aaral/sulatin ni Br. Andrew Gonzalez, nababanggit na niya ang “kognitibong dulog sa paggamit ng wika”.

 

Tagapagsulong ng pagbabago sa lipunan

 

Kailangang kasangkapanin ang edukasyon bilang mapagpalaya, ang akademya bilang “ikalimang estado ng lipunan”. Pagpopook ito sa kapangyarihan at impluwensiya ng akademya na makapagsulong ng pagbabago sa lipunan, sa kalagayang internal sa tao (isip, dama, danas) at kinalalagyan niya (estado, uri, gender). Kailangang maging maligalig at maingay ang daluyong ng diskurso at praktika ng mga akademiko para makapaghawan ng landas at makapag-ambag sa pagpaplanong panlipunan. Kailangang maisalin sa praktika ang teorya, maging publiko ang pribado, maging malakas ang puwersa ng mga akademiko at matimpla’t mabalanse ang puwersa ng sarili’t lipunan/kultura.

 

Tagapag-ugnay/tagapamagitan

 

Ang mga dakilang paham, guro/guru ay nakilala sa pagiging “the great synthesizer”, “social equalizer”, at “social catalyst”. Kung nakapagsusulong siya ng pagbabago/adbokasiya nararapat na sumanib siya sa usapin at gawaing panlipunan.

Nagagawa ito kapag nagalugad niya nang husto ang lupalop ng lipunan at iba’t ibang sakop nito at kung maramihan na ang nakikisangkot. Bilang tagapag-ugnay sa lipunan dapat malay siya sa pagbabalik-tanaw at pag-aabot-tanaw: malay/batid ang

kasaysayan ng bansa at bisyon/tunguhin ng bansa at kung paano umaanib/

tumatalab/umuukit sa katawan, at kamalayan ang iba’t ibang puwersang panlipunan.

Hindi simpleng kontra-gahum ang nangyayari, kundi delubyo’t daluyong na kontra-gahum. Sa kanyang malawak at malalim na pagkakadalubhasa, kailangang napag-uusap niya ang mga disiplina at nakakalikha ng mga bagong kaalaman o dagdag na kaalaman para sa sambayanan/bayan.

 

Mula rito, kailangan nating linawin muli’t muli ano at sino ba tayo sa lipunang ito? Gaano ba kabigat ang personal nating tahakin na nagiging daluyan para mabaling tayo sa ating pribadong pagtatamasa? Gaano ba kalakas ang puwersa ng mga nag-uumpugang diskurso/metadiskurso, suliraning panlipunan/pambansa/global? Paano natin sisipatin ito at saan natin ilulugar ang ating sarili bilang intelektuwal? Sa loob ba o labas ng akademya? Sa ating sariling pangalan ba o sa pagpapangalan ng mga taong inaalisan natin ng pangalan, mukha, katawan, malay at ulirat dahil sa kahirapan, kurapsyon

at kapalaluang nananahan sa ating mga panlipunang institusyon? Kailan tayo

magsisimulang sagutin ang mga ito?

 

Sa ganang akin, gawin nating araw-araw ang pakikipag-ulayaw sa bayan at sambayanan. Gawin nating kongkreto ang bansa sa ating isipan, huwag laging maging haraya’t pangarap lamang ito. Naniniwala ako, sa ating lahat ng misyon, adbokasiya’t pananaw sa buhay, ngunit ano ang sagot sa tanong na kailan tayo magsisimula? Ano ang tamang panahon? Ang kairos, ika nga, kailan ito magaganap? Ang bawat araw natin sa mundong ito, sa realidad na ito, sa lipunang ito, ang laging tamang panahon. Sa madaling salita, ngayon – at sa mga ngangayunin pa – ang panahon ng tamang pagkilos. Huling tanong na lang: ano ang ating gagawin?

 

(Nailimbag din sa http://www.dlsu.edu.ph/offices/mco/publications/2401/20080728.pdf)

Ang Publikong Intelektuwal, Akademya at Lipunang Filipino

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s