Kritika ng Kritika ng Kritika nang Kritikang si Lumbera


Kritikang MakaLumbera: Tungo sa Kritikang Filipino at MakaFilipino

ni rhod v. nuncio

 

(Binasa sa International Book Fair, Pistang Panitik, Pagbibigay-pugay sa Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera, Agosto 30, 2007, World Trade Center, Pasay City.)

 

Si dinami-daming sinulat ni Lumbera, sigurado akong marami na rin tayong mapupulot para itaguyod ang isang kritikang Filipino. Sa malawak na karanasan niya bilang guro at alagad ng sining, alam kong marami na siyang tagasunod na ginagawang inspirasyon ang mga turo’t akda niya. Marangal kong sasabihin na isang bigating intelektuwal ng ating panahon si Lumbera. Isang bigating iskolar ng sining at lipunan na tumatagos ang  impluwensiya at presensiya sa iba’t ibang institusyong panlipunan at pangkultura sa bansa. Sa ganang akin, isang dambuhalang mohon si Lumbera sa mga larangan tulad ng panitikang pambansa, teatro, pelikula’t kulturang popular at kritika. Para sa okasyong ito, pinili ko ang larang ng kritika para itampok ang mga kritikal na akda at texto ni Lumbera hinggil sa nabuo/mabubuong praktis/pamantayan ng pagbasa ng panitikan at kultura batay sa mga kaisipan/pananaw/teorya niya.  Itatampok ko rito ang tatawagin kong Kritikang MakaLumbera.

 

Sa mahigit limang dekada, nagningning ang mga ideya ni Lumbera sa maraming usaping pangkultura at panlipunan na kinaharap/kinahaharap din ng ibang mga manunulat, guro, kritiko, kultural na manggagawa, artista, at ng mamamayan sa kabuuan. Sa mahabang panahon ng danas at diwa, nakaluklok siya bilang tinitingalang intelektuwal ng ating bansa. Kung kaya’t may pangangailangan na tanawin ang kanilang kontribusyon, usisain at pag-ukulan ng masusing pag-aaral kagaya ng ginagawa sa mga kritiko/pilosopo sa mundo ng kritika/teorya/pilosopiya. Pag-aaral sa kritiko at kanyang kritika ang kabuuang tunguhin ng papel na ito.   Mahalaga sa pag-aaral na ito ang pag-abang at pagsubaybay sa mga kritikal na akda, kung alin sa mga ideya niya ang konsistent sa pilosipiya niya bilang kritiko/iskolar. Kung ano sa mga ito ang nabago, tinalikdan at alin pa ang inihahaing bago?

 

Nais kong ihapag sa inyo ang mga puntos na tatalakayin ko:

1)     pagtatangkang pagbuo ng isang kritikang Filipino batay sa kritikang makaLumbera

2)     paglilinaw sa pagbasa/panunuri/kritikang makaLumbera ayon sa proyekto ng kanyang pagsulat/panulat sa mahabang panahon (abot-tanaw, revaluation, pag-akda ng bansa)

 

 

Moda ng pagbasang MakaLumbera, yugto-yugto, cyclical

  1. abot-tanaw (aproksimasyon, pook-lunan-sityo, espasyo)

 

Ang abot-tanaw ay inisyal na tumutukoy sa pook, espayo o tindig ng bumabasa/kritiko. Bilang pook, lokalidad ito ng kinagisnang kultura na nagdidirehe sa pagbulwak ng pananagisag ng isang kritiko. Ibig sabihin sa mata ni Lumbera, ito ang paksaing bayan, ang paksaing pambayan o sa sariling bayan. Abot-tanaw ng isang kritiko ang wika ng pananagisag “sa mga akdang likha ng mga Filipino sa konteksto ng aktuwal na mga kondisyon sa lipunang Filipino” (2000: 210). Ibig sabihin, kailangan nating unawain ang isang akda dahil unang-una, malapit ito sa ating mga sarili at ikalawa inululuwal tayo ng mga kondisyong humuhubog sa atin bilang mga tao sa lipunang ito. Kailangan nating lumikha ng sariling pamantayang umiikot sa pagtataya ng akda at sa pag-unlad ng ating kritika. Malinaw na ipinaliwanag ni Lumbera (Breaking Through and Away) ang sanhi at bunga ng kontradiksyon ng gahum ng Kanluraning teorya/kritika at kung bakit hindi maaaring gamitin sa lahat ng pagkakataon upang basahin/suriin ang ating mga akdang pampanitikan.

 

Malaki ang ambag ng sanaysay na “dating”: panimulang muni sa estetika ng panitikang Filipino sa tunguhin ng isang maka-Lumberang pagbasa sa panitikan. Maraming kaisipan, paniniwala, katawagan, praktis, tradisyon ang maaring gawing sangkalan sa pag-usisa sa masining na paglikha’t pag-akda ng mga Pinoy. Naniniwala akong abot-tanaw ng kritiko ang mga kasangkapang teoretikal/intelektuwal kung lilingon lamang tayo pabalik, kundi man papunta, sa sariling bayan.  Sabi nga ni Isagani R. Cruz, isa ring kritikong makaLumbera, “dapat na maging kasangkapan ng paglaya at hindi ng kanluraning gahum ng mga naghaharing uri ang kritikang Pinoy”(2003: 11). Siya ring nagsabing “mas mayaman ang ating wika kaysa banyagang wika dahil mas marami tayong salitang maitutumbas sa konseptong langyaw” (2003: 84). Bilang dating estudyante ni Lumbera, dala-dala ni IRC bilang kritiko ang kahalagan ng sariling konsepto sa  sariling wika para sa kritikang Filipino. Ang wikang Filipino, samakatuwid, ang isang komunikatibong espasyo na abot-tanaw ng ating mga kritiko.

Idagdag pa sa abot-tanaw bilang moda ng pagbasa, ang demokratisasyon ng espasyo – ang pag-akay, hangga’t maaari, sa lahat bilang kabuuan o ang lahat bilang kasama sa tinatanaw na kabuuan. Sa ganitong paliwanag, nilalansag ni Lumbera ang distinksyon o ang pagtatalabang baynaryo katulad ng panitikang pambansa vs. panitikang vernakular, mataas na kultura vs. kulturang popular, sining vs. politika, paksain vs. estetika, at marami pang iba. Sa kanya, ang lahat ng ating panitikan mula sa iba’t ibang rehyon ay panitikang pambansa, walang distinksyon. Isa pa, may puwang sa kritika ang pagbasa hindi lamang ng mga dakilang obra, kundi pati ang Valentine’s Card, Zuma, Bakekang, Captain Barbell na laman ng komiks, rock opera at mga pelikula.  Katulad ng katanungang laging sumasagi sa isip ni Lumbera, para kanino ang panitikan? Ano ang kapangyarihan nito para mabago ang kalagayan ng mamamayan? May implikasyon din ito sa kritika. Kailangan din nating tanawin at abutin, at sagutin hindi ang nag-iisang katanungang deal or no deal o pagkompromiso sa pagbasa’t pagsuri, kundi ito: para kanino ang kritika? Ano rin ang kapangyarihan nito sa buhay ng ating sarili’t bansa?

 

 

  1. revalwasyon 

Katulad ng abot-tanaw, ang rebalwasyon ay isa ring moda ng pagbasa.

 

a)     pagpapakinang sa binaon o nilimot na halaga/saysay ng akda/texto/diskurso. Kasama sa proyekto ng rebalwasyon ang pagbabalik-muli sa nakaraan, sa kasaysayan. Ito ang premis ng naratibo, dito nakasandig ang kapangyarihan ng texto upang ipaunawa sa atin ang kinalalagyang abot-tanaw (ang tindig, at ating posisyon). Kay Lumbera napakahalaga ng kasaysayan, kaugnay nito, napakahalaga ring tukuyin ang puntodebista ng pagsulat ng kasaysayan. Sa mga nasabi nang tala ng mga kritiko/iskolar tungkol dito, malaki ang naging impluwensya ng ating mga historyador lalong-lalo na si Renato Constantino kay Lumbera. Sa ganitong maalab at marubdob na pagbabalik-tanaw, tiniyak ni Lumbera na ang kanyang kritika at lahat ng produksyong pampanitikan/pangkultura ay nakaangkla sa pagtanaw sa kasaysayang Filipino. Nariyan ang mga sanaysay na Towards a revised history of Philippine Literature, problems in philippine film history, the nationalist literary tradition, at iba pa.

b)     Pag-alingaw-ngaw ng makabayan, makaFilipinong tilamsik/himagsik ng diwa. (makulit, nakapanliligalig na diwa). Usapin ito ng pagbalikwas sa ideolohiya ng kolonyalismo – ang mga tinuring galamay ng pananakop, anino man o pisikal, na kumukulong sa isipan at katawan ng mga Filipino magpahanggang-ngayon. Isa na rito ang lisyang edukasyon. Bago o dagdag na perspektibo rin ang inihahatid ng rebalwasyon, katulad ng pagsasabing ang kulturang popular ay politikal, at ang pag-uusigang, kaya ba tayong palayain ng pelikula? Sa sanaysay na pelikula bilang mapagpalayang sining,  (2000:307), kapangyarihan ng mambabasa/manonood….

c)      Pagragasa ng patuloy na bisyon (abot-tanaw) at rebisyon (rebalwasyon). Katahi palagi ang patuloy na problematisasyon ng nasyonalismo, wika, panitikan, kultura, sining, kamalayan, at halos lahat na maaaring paksain natin sa pag-aaral ng ating mga sarili (kaakuhan) at ng ating bansa. Nandyan ang paalala, tagubilin, paanyaya sa mga kritiko, dalubwika, manunulat, makata, historyador, pilosopo, social scientist na tahakin ang landas sa makabayan at makaFilipinong pag-aaral. Masasabi kong tagapangunang palaisip si Lumbera sa mga larangang tinatahak ngayon ng mga iskolar ng bansa.

 

 

  1. pag-aakda ng bansa (kasaysayan ng bansa, ang pagsulat ay metapora (ang sarili, diwa at ang bansa)

a)     ang bansa ay metapora, ang pag-aakda/pagsulat ay isang proyekto tungo sa imahinasyon ng bansa.

“The revolution as transformation continues. We, Lumbera seemingly suggests, have yet to achieve our nation. His works as poet, scholar and librettist bear witness to the essential Lumbera: Lumbera writes the nation, the nation is written in Lumbera.” (www.lumbera.ph)

 

          Ibig sabihin patuloy nating itampok ang bayan/bansa sa ating mga gawain bilang akademiko. Hindi natin masasagot marahil kung kailan ganap na mabubuo ang bansa, subalit sa ating maramihang pakikisangkot, sa ating aktibong pakikilahok sa usapin ng ating sining, ng ating paninindigan bilang akademiko, at katuwang ng mamamayan sa paglaya’t pag-unlad, unti-unti nating iginuguhit sa ating imahinasyon ang iba’t ibang hibla ng pagkabansa. Sa ganang akin, “pagsibol ito ng binhi sa kaisipan tungkol sa sarili at sa bansa. Pagpapatatag ito ng haligi ng karunungang Filipino at pagsasanga-sanga ng matatayog na puno ng kalinangang Filipino. Pagdami ito ng mga hitik na prutas ng diskurso’t praktika, hanggang maging binhi, ang mga buto, muli’t muli, para sa mas malalim at mas malawak na larangan sa loob at labas ng ating sarili’t bansa.”(Nuncio at Morales-Nuncio, 2004:3) Sa anumapang tunguhin at tungkulin natin, bilang mga kritiko at alagad ng sining, inaakda natin ang bansa. Malay man tayo o hindi sa ganitong proyekto, kabahagi tayo sa bisyong makaLumbera.

 

 

  1. pag-aakda ng sarili (paninindigan, politika, sabjektiviti) (biograpiya bilang kritika) buhay na kritika.  Ang mga dambuhalang intelektuwal sa Europa at Amerika ay nakikibaka’t humihimok sa iba para sa panlipunang pagbabago, una sa posisyon nila bilang mga publikong intelektuwal, at ikalawa’y pagturing sa kritika/pilosopiya bilang buhay na kritika. Ito ang politiko ng sarili, ang biograpiya bilang kritika. Alam na natin na malaki ang kontribusyon ni Foucault sa gay rights movement, ang pakikisangkot ni Giddens sa pagbubuo at paglilinaw ng pilosopiya ng labor party ni Tony Blair, ang makabuluhang komento ni Chomsky sa buhay-politika ng Estados Unidos at marami pang iba. Sa mga nakakakilala kay Lumbera, hindi ko na iisa-isahin, ang aktibo niyang pakikilahok sa usapin ng politika. Bilang kritiko, bahagi ito ng pag-aakda ng sarili. Simple lang naman ang ipinapahiwatig nito sa atin, naniniwala ako na tayong mga mag-aaral, iskolar, guro, kritiko at iba pa na nasa akademya ay may responsibilidad sa bayan. Sa mga landas na tinahak ni Lumbera, maaari nating piliin ang ating kalalagyan sa mundo ng kritika at sa mundo ng makaFilipinong pag-aaral. Maaari din tayong magsimula ng bagong tunguhin, bagong pananaw, na lagpas at lalayo sa nasimulan ni Lumbera. Hindi malayong mangyari ito. Subalit dahil sa makabuluhang mga diskurso at dalumat tungkol sa kaakuhan, kalinangan at bansa ang ipinupukol sa ating isipan ni Lumbera, mahirap, kung inyong tatanggapin, ang kumalas sa MakaLumberang pagbasa. Sa bansang tulad ng Pilipinas na dumaan sa mahabang panahon ng pananakop, problematiko lagi ang usapin ng sarili, nasyonalismo, panitikan, wika, at iba pa. Kung sa kritikang Filipino (uulitin ko sa kritikang Filipino) natin ito tatalastasin, lagi’t laging sasagi sa isip natin ang makaLumberang pagbasa. Lagi’t lagi natin itong sasangguniin.

 

Elemento ng kritikang makaLumbera, (1) historikal, kritikal, intertextual, estetikong mapagpalaya.

 

Alam kong sasabihin ninyong walang pinagkaiba iyan sa ibang pagbasa o kritikang mula sa kanluranin. Sabi nga ni Soledad Reyes, si Lumbera ay Marxista. Si Isagani Cruz naman, binansagan siyang kritikong postkolonyalista. Marahil ang debate ay hindi sa pagkakatulad ng mga diskurso, kundi sa usapin ng kaibahan at pagkakaiba. Ito ang kontexto, texto, ng ating sarili’t, diwa at bansa na nakapaloob sa mga kritikal at pampanitikang akda ni Lumbera.

 

Siguro ngay hindi pa tayo sanay na tawagin ang isang dulog o moda ng pagbasang makaLumbera o makaCruz at iba pa dahil nasanay ang tenga natin sa pagbasang Marxista, Foucauldian, Feminista at kung anu-ano pa.

 

Ang hangarin ko’y sentral sa pagsusuri ng sarili nating akdang pampantikan at pangkultura. Naniniwala akong sapat na at nasimulan na ang tradisyon ng ganitong pagbasang makabayan, makatao at makaFilipino. Sapat at hinog nang sabihing isa sa maaaring maging uri ng ating pagbasa ang kritikang makaLumbera.

Kritika ng Kritika ng Kritika nang Kritikang si Lumbera

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s