Ang hindi masabi, nasa gilid ng balintataw


Talimhaga ni rhod v. nuncio:

 

Namamanglaw ang liwanag sa dapit-hapon ng iyong pagtatangka

Sa pasikot-sikot na daang-bituka ng iyong pagkamangha

At di sinasadyang binuhay si Ka Tacio sa balon ng sugat ng bayan

Ang iyong pagdadamdam, na ika’y isinilang sa puntod mong inilaan

 

Sa dami ng usang kumakaripas sa singhal ng kuting

Sa lawak ng dagat na malunod ang isang tutubi

Bakit hindi nakita ng nag-uulyanin kong paningin

Na sa laksa-laksang kaluluwa, hubad ang iyong pinapansin

 

Sadyang sa musa ng taong grasa, humahalimuyak ang basura

Tila sa kaliwa’t kanang pagkaduling, tiklop ang mga diwata

Mukhang sadsad na ang iyong baba sa laylayan ng iyong paa

Kalalakad nang kalalakad bitbit ang bakyang dinaplisan ng tinta

 

Sa mundong itong kulang, nagnanaknak ang pukyutan

Sa gitna nitong daan, dumadaloy ang luhang pinagpawisan

Bahag ang buntot mong sumasayaw sa saliw ng tugtuging baliw

Maya-maya’y huhuni ang ibon, lasing kang iiyak at bibitiw

 

Sa koro ng aking talambuhay, bubulwak ang tinta sa sugat

Sisisid ang kislap ng isip sa matatayog na haligi ng balintataw

Pigil-hininga kong lalanguyin ang maalikabok na batis ng buhay

Hanggang mapagod ka, hanggang lubayan mo ako, aking pananaw.

 

 

Ang hindi masabi, nasa gilid ng balintataw

2 thoughts on “Ang hindi masabi, nasa gilid ng balintataw

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s