Araling Filipino


Introduksyon:

Sanga-sangang Talastastasan Tungo

sa Sangandiwa ng Kapilipinuhan

 

 

Bakit hindi paksaing Filipino? Nang-uusig ang tanong…Sa loob kasi ng tatlong taong pagkalayo sa sariling bayan, hindi sumagi sa isipan ko na importante pala na iugnay ko ang aking mga plano para sa sariling hinaharap sa mga pangangailangan ng aking sariling bayanng tinubuan…Ang kailangan ay pananalig na aakay sa tao upang sumugod siya sa walang-katiyakang hinaharap at magtayo roon ng isang bayang masagana at malaya.

—Bienvenido Lumbera, Writing the Nation/Pag-akda ng Bansa

 

 

Makasaysayan ang pag-inog ng Araling Filipino. Talastasan at akademikong kamalayan itong umiiral bilang mapanuri at mapagpalayang pag-aaral tungkol sa mga Filipino at Pilipinas. Ang pag-iral at patuloy nitong pagyabong—na nakaugat sa kalinangang paloob at palabas, may lalim at lawak—mula sa mga akademikong institusyon tungo sa talastasang bayan at bisa-bersa ay hudyat na may kamalayan tayo ng kapilipinuhan.

 

Araling Filipino bilang Talastasang Pangkalinangan

 

Ang bawat talastasang pangkalinangan ay totoong naghahanap ng kabuuan. Nagpupumilit ang bawat tinig na marinig at marating ang rurok ng pagkakaunawaan. Subalit, aling talastasan ba ang pakikinggan?  Sinong nakikipagtalastas ang dapat samahan?  Masasabi nating ang talastasan ng pagbubuo ay hindi pa tapos.  Hindi pa tapos ang pagpapakahulugan sa salita, deskripsyon, kategorya at diwang “Filipino.” Sa kasabay nito, hindi pa rin tapos ang pagbubuo ng bansa.  Katunayan, walang sinuman marahil ang nakakaalam kung kailan darating ang ganap na kabuuan.  Kung meron ba? Kung ano ang huling yugto nito?  Sa bawat katanungang ito, walang iisang diwa, walang iisang wika, at walang iisang talastasan ang sasapat.  Maraming tinig, tugon, pasubali, pag-sang-ayon, pagwawalang kibo at marami pang iba ang maaaring kapalit ng mga tanong at kuru-kuro. Kung kaya’t sanga-sanga ang talastasan at tiyak na magsasanga-sanga ito dahil buhay at bukas ang komunikasyong pinapairal sa malaya at may nagsasariling kalinangan. Samakatuwid, kung sanga-sanga ito walang magmomonopolyo ng diskurso dahil sa bawat sambit may iba-ibang ulirat ang umuunawa at may iba’t ibang dila ang karagdagang magsasalita. Ang sanga-sangang talastasan ay nakapaloob sa kalinangang Filipino, nakikipag-ugnayan sa labas, at may lalim at lawak ang kaugnayan ng lahat.  Mula sa sanga-sanga, ang kaugnayan ng nakikipagtalastasang lahat ay sangandiwa.

Ang sangandiwa ang kaisahan ng pagkakaiba. Kabuuan ito ng maramihang pakikisangkot. Kinikilala nito ang kaisahan at kasarinlan bago magsanga-sanga. May talastasan na tayong Filipino dahil nagkamalay na tayo sa sitwasyon ng sarili at bansa. May talastasan na tayong umuugat sa kalinangang bayan mula pa noong bago dumating ang mga Kastila. Kaytagal mang nawala dahil sa monologo ng mga mananakop sa loob ng higit tatlong daang taon, ang mga naimpit na boses ay pumagitnang sumigaw sa harap ng mga dayuhang Kastila sa loob din ng mahabang taong iyon hanggang sa lumaya ang mga tinig kasama ng paglaya ng bayan mula noong 1892 hanggang 1896. Nagpatuloy ang talastasang bayan sa pamamagitan ng pag-aako ng kaakuhan na nagsisimula sa ako na malay na sa sarili at sa kanyang nagsasariling bayan. Noong 1898 hanggang sa kasalukuyan napalitan ito ng usap-usapan. Usap-usapang naging kooptasyon ng mga ilustrado sa bagong mananakop. Mga pag-uusap na lingid sa kaalaman ng madla na humihiwalay sa kapakanan ng mga Filipino. Dahil dito naisakripisyo ang pag-unlad ng kabuhayan, edukasyon, teknolohiya, at komersyo ng bansa. Ang usap-usapan naging bentahan at tawaran, agawan at pakyawan ng mga interes, ari-arian, kalikasan, at soberenya ng mamamayan at ng bansa. Nakapaghari ang iilan, namayani at bumuo ng kaayusang batay sa kanilang hangarin at pagnanasa. Nabigyang kahulugan ang kapangyarihan ayon sa nangyayaring kaayusang ito ng naghaharing iilan, na sumasaklaw sa kayarian, at pagkayari (buo at wasak) ng lahat. Totoo ang sinabi ni Zeus Salazar (Navarro  atbp. 2000) sa “Dambuhalang Hating Pangkalinangan” sa pagitan ng ilustrado at masa. Subalit totoo rin ang dambuhalang pagkakahati ng kalinangan, maramihan at malawakang pagkakawatak-watak, mula sa loob, sa sentro ng kapangyarihan at ugnayan sa espasyo ng pag-usap-usap. Ang dambuhalang pagkakahating ito’y dala ng malakolonyal na aparato ng paghahari at ng hindi pagkakaunawaan ng maraming sektor bunga ng ganitong diskursibo at politikal na kalagayang pambansa. Kung kaya’t naniniwala ang mga mananaliksik-manunulat ng aklat na ito na may tungkulin at tunguhin ang Araling Filipino bilang talastasang pangkalinangan. Ang talastasang ito’y nag-aatas sa atin. Sa  pagkakawatak-watak ng usapin at pagdagsa ng usap-usapan, tungkulin ng isang mamamayan na pag-aralan ang kasaysayan at linangin ang kanyang wika, pagkatao, kaisipan at kultura upang iharap ito sa madla sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan tungo sa makabuluhan, aktibo at nagkakaisang pagbabago’t pag-unlad. At dahil nasa isang malayang bansa tayo, magsasanga-sanga ang mga dila’t diwa, paa’t bisig para tupdin ito. Sa bandang huli, kabuuan ito ng maramihang pakikisangkot. Sangandiwa ito ng kapilipinuhan. 

Ang sangandiwa ay metapora. Pagsibol ito ng binhi sa kaisapan tungkol sa sarili at sa bansa. Pagpapatatag ito ng haligi ng karunungang Filipino at pagsasanga ng matatayog na puno ng kalinangang Filipino. Pagdami ito ng mga hitik na prutas ng diskurso’t praktika, hanggang maging binhi ang mga buto, muli’t muli, para sa mas malalim at mas malawak na larangan sa loob at labas ng ating sarili’t bansa. Samakatuwid, nakapaloob ang Araling Filipino bilang talastasang pangkalingan. 

 

Araling Filipino bilang Akademikong Gawain at Tungkulin

 

Sangandiwa ang pamagat ng aklat dahil samutsaring diwa ang nabuo bago naisulat ang mga sanaysay sa aklat na ito.  Sanga-sangang disiplina ang bumubuo sa Araling Filipino; kung kaya’t, sanga-sanga rin ang mga bagahe, diskurso at lapit ng mga iskolar na nagiging kalakasan sa pagpapayaman ng karunungang Filipino. Sanga-sanga ang pinagmumulan ng bawat guro at mag-aaral na silang pumapanday sa diwang mabubuo bilang hinuha, dalumat o teorya ng pag-aaral at pananaliksik. Bunga nito, nagkakaroon ng interseksyon, dayalogo at pagkalat ng usapin sa iba pang mga larangan at kinapopookan ng usaping loob at labas ng bansa.  Sa madaling salita, sangandiwa ang tumutukoy sa kalikasan at kaligiran ng Araling Filipino.

Bilang mga mag-aaral, nais ng mga mananaliksik-manunulat ng aklat na ito na makilahok at maki-ambag sa sangandiwa ng talastasan, kaalaman at pagteteorya sa Araling Filipino (Philippine Studies). Napipisil naming may malaking gampanin ang bawat mag-aaral ng Araling Filipino na palawakin, patatagin at payabungin ang araling ito. Nang magsimula ang kakaiba ngunit mapaghamong kamalayang akademik na ito noong huling bahagi ng dekada 60, nagkaroon na nang malaking pagbabago tungkol sa tinahak at nilandas nito. Una itong sumibol sa kalye dala ng makaFilipinong tahakin ng mga mag-aaral na nagprotesta laban sa neokolonyal na kalagayan ng edukasyon (misedukasyon) at sa lugmok na pamamalakad sa bansa. Nagbunga ng krisis sa mga Kanluraning disiplinang kumakatawan, nag-aaral at nagpapaliwanag tungkol sa Pilipino, kasaysayan, kaakuhan at bansa gamit ang banyagang metodo, teorya at dulog.  Sinipat at sinuri ng mga iskolar, guro at mag-aaral ang dulot ng kolonyalismo sa edukasyunal na aparato ng lipunan. Pinasimulan ito ni Renato Constantino sa pag-analisa niya sa kasaysayan ng misedukasyon sa bansa at ni Dr. Virgilio Enriquez sa pamamagitan ng pagpapaunlad niya ng Sikolohiyang Pilipino. Kaugnay nito, umusbong ang mainit na paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo sa akademya. Dahil sa krisis sa mga disiplina nagkaroon ng pagkakataon na harapin at isulong ang makaFilipinong paksain at metodolohiya sa pag-aaral ng tao, wika, lipunan, kalinangan at kasaysayan.  Hindi matatawaran dito ang mga naging ambag nina Lumbera,  Salazar, Covar at Enriquez.  Sila ang naging tagapanguna sa paggamit ng wikang Filipino at pagsasaliksik gamit ang makaFilipinong paksain at metodo. Noong 1970-1972 nagkaroon ng Departamento ng Philippine Studies sa Pamantasang Ateneo de Manila na pinamunuan ni Dr. Bienvenido Lumbera. Nagsimula naman ang programang Philippine Studies (Araling Pilipino) sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1974 sa ilalim ng Kolehiyo ng mga Sining at Agham. Nang maging dekano si Dr. Zeus Salazar ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, UP,  noong 1989,  binuo nila ni Dr. Prospero Covar ang programang Pilipinolohiya. Sa kasalukuyan tatlong kolehiyo ang may PhD Philippine Studies sa UP: Asian Center, Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya at Kolehiyo ng Arte at Literatura. Mayroon din ngayong programang Araling Filipino/Filipinolohiya sa Pamantasang De La Salle-Maynila. Bilang formal na akademikong programa naging interdisiplinaryo ang lapit ng kurso. Nililisan ng lapit na ito ang ispesipikong hangganan ng disiplina tungo sa pagsasama ng iba’t ibang disiplina hinggil sa usapin ng metodolohiya, dulog at mga teorya sa Sosyal Sayens at Humanidades.

Hindi naglaon, nanganak ang debate, diskurso at kaalaman na naging lunsaran para sa mga dati at kasalukuyang mag-aaral ng mga iskolar ng Araling Filipino. Dahil dito, naging hamon sa mga mag-aaral na ipagpatuloy at pagyamanin ang pagbubuo ng kaalaman at karunungang Filipino. Ipinagpapatuloy ito sa taunang kumperensya, paglilimbag ng mga jornal at aklat at mga lektyur sa klase sa iba’t ibang pamantasan sa loob at labas ng bansa. Ang mga dating mag-aaral ay guro na rin sa kani-kanilang larangan.

Layunin ng aklat na ito na ibahagi ang mga piling sanaysay at pananaliksik para sa mga kasalukuyang mag-aaral ng Araling Filipino.  Pinoproblematisa ng mga sanaysay ang usapin ng kaakuhan, pagkabansa, kultura at lipunang Filipino.  Binibigyang diin dito ang kahalagahan ng pagsusuring kritikal at paglalatag ng teoryang nakabatay sa ating kalinangan.  Subalit hindi rin naman isinasantabi ang  mga teoryang galing sa labas. Dalawa ang kahulugan ng “galing sa labas”: mula sa ibayong pananaw (mga Filipinong nasa diaspora) at ibang pananaw (Kanluranin). Bahagi ang mga ito ng isang bukas na talastasang pangkalinangan ng Araling Filipino. Para umusbong at lumawak ang Araling Filipino paloob at palabas, hindi dapat ito bakod na bakod, kundi dapat “bukod na bukod” (Cruz 2003). Binibigyang diin  ng mga mananaliksik-manunulat ng aklat na ito ang prayoridad na gamitin ang pagdadalumat-salita na may kapasidad na linangin ang ating mga salita at wika sa konseptuwalisasyon, pagteteorya at pagbubuo ng kaalamang Filipino. Bukod pa rito, dayalojikal at dayalektikal ang nais naming maging dalumat ng paggamit at pagsuri sa pananaliksik.  Kung kaya’t relasyon ito ng loob at labas na bubuo o magluluwal ng sintesis batay sa pangangailangan at kontexto ng kasalukuyan.  Samakatuwid, maaaring magsama at magtalastasan ang panloob, ibayo at ibang (Kanluranin) pananaw para suriin at sipatin ang nangyayari sa ating lipunan.

 

Kabuuan ng Aklat

 

Nahahati sa tatlong bahagi ang aklat: (1) Pagdadalumat ng Kaakuhan at Pagkabansa; (2) Kritika: Lipunan, Sining, Literatura at Palabs; at (3) Ilang Talang Pananaliksik sa Araling Filipino. 

Ang unang bahagi’y naglalaman ng limang sanaysay tungkol sa mga pagdadalumat ng ating sarili’t bansa. Sa unang sanaysay na Akuin ang Kaakuhan: Filipino Ako tinatalakay kung papaano naging pira-piraso ang kalinangan at kaakuhan natin.  Nakasentro ang argumento sa relasyon ng kapangyarihan ayon sa dinidikta ng kolonyal na aparato.  Sinikap nitong buwagin ang pagtatalabang baynaryo at palitan ito ng panibagong kontradiksyon ayon sa pakikisangkot ng sarili na akuin ang pagkatao at bansa.

 Sa ikalawang sanaysay tinalakay ang pagteteorya ng pagpopook.  Matatagpuan sa Pagpopook: Pagsasadiwa ng Pangasinan Bilang Bayan tungo sa Paghihiraya ng Bansa ang pagpapalawig ng posisyon ng ‘ako,’ ‘sila,’ at ‘tayo’ para dalumatin ang pook, bayan at bansa.  Sinikap na iugnay ang mga ito upang ilugar ang pagpopook ng Pangasinan hindi lamang gamit ang mapa bagkus sa pamamagitan ng diwa at hiraya. 

Sa ikatlong sanaysay na Prinsesa Urduja: “Mitong-may-Katwiran” ng Diksurso, Simbolo, Representasyon at Kaalaman inimungkahing irekonstrak ang kahulugan ng mitolohiya bilang mito at katwiran o mitong may katwiran.  Ipinapalagay dito na totoo ang kuwento at diskurso tungkol kay Prinsesa Urduja ng Pangasinan ayon sa iba’t ibang artikulasyon nito sa pamumuhay at kultura ng mga tao. 

Sinamahan naman ng kultural na pagsusuri sa ikaapat na sanaysay ang linggwistikong gamit ng pang-uri.  Ang Pang-uri: Istruktura ng Pag-unawa sa Kultura ng Kaakuhang Pilipino ay naglatag ng iba’t ibang sitwasyon kung papaano naging mahalaga ang pang-uri sa sitwasyong komunikatibo at kultural na transaksyon ng Pilipino sa kanyang kapwa at lipunan. 

Ang ikalima at huling sanaysay na Mga Bakas  ng Popularisasyon Bilang Aparatong Kolonyal/ Komersyal at ang Kapangyarihan ng Komukunsumong Masa ay nagbibigay diin sa kahalagahan ng kasaysayan upang ilugar ang pagpalaganap ng kulturang popular.  Nanatiling mula sa labas ang diskurso ng kulturang popular habang may pag-aangkin na tinatangkilik ng nakakaraming tao sa tulong na rin ng mas midya.  Sa bandang huli ang kapangyarihan ng masa’y inulugar bilang resistans sa kaayusang pinanatili ng mga kapitalista.

Ang ikalawang bahagi na may pamagat na Kritika: Lipunan, Sining, Literatura at Palabas ay binubuo uli ng anim na sanaysay.  Sa unang sanaysay na Saysay at Salaysay ng Pantawang Pananaw mula Pamumusong Hanggang Impersonasyon pinapahalagahan ang tradisyon ng kritikal na pagpapatawa para sumbatan ang nasa kapangyarihan.  Si Pusong ang sikat na sikat na karakter sa mga kuwentong bayan natin ang siyang nagpasimula ng tradisyong ito.  Sa kasalukuyan, mga impersoneytor na ang gumaganap sa posisyon ni Pusong para magkritika. 

Kaugnay nang nauna, ang ikalawang sanaysay na Palabas, Tawa at Kritika: Dayalektik ng Isyu, Maskara at Kamalayan sa Impersonasyon ng Pulitiko sa Lipunan ay tumatalakay pa rin sa pantawang pananaw.  Isinakontexto ang praktika at kritikang ito sa kasalukuyang palabas sa telebisyon. 

Pagkababae, Literatura at Mas Midya: Pagbasa Paloob at Palabas sa mga Akda ni Lualhati Bautista ang ikatlong sanaysay na tumatalakay sa isyu ng pagkapantay-pantay ng babae at lalaki sa lipunan natin sa tulong ng kanyang mga akdang pampanitikan.  Binigyang diin niya ang ideolohiya ng pagkababae na isang mahalagang gawain at diskurso para baguhin ang imahen ng babae sa gitna ng pagbulusok ng mas midya. 

Ang ikaapat na sanaysay,  Ang Kritikal na Pedagohiya Tungo sa Mapagpalayang Pagsulat, ay pagpapaliwanag sa kahalagahan ng pagtuturo ng malikhaing pagsulat sa kabataang maralita.  Nakasentro ang kritikal na pedagohiya sa karanasan at mithiing pagbabago sa lipunan. Nagpapatuloy ang marjinalisasyon ng maraming sektor tulad ng kabataan, manggagawa at kababaihan.  Sa tulong ng pagsulat ng mga tula nagkaroon ng puwang sila na ilabas ang kanilang saloobin at makilahok sa aktibong pagbabago. 

Nirebyu naman sa ikalimang sanaysay Ang Likhang-Kamay, Materyal, at Spiritwal: Si Pinay, Si Inay, Inang Kalikasan at Makabagong Babaylan ni Tala Isla Contreras.  Malikhain at makabuluhan ang mga lilok na imahen ng kababaihan at kalikasan para iugnay sa isyung naghahanap ng muli’t muling pagpapakahulugan ng babae at pagkababae sa panahon ng mga pagbabago sa lipunan.

Basa’t Suri sa “Balagtasismo vs. Modernismo,” Aklat ni Virgilio Almario ang huling sanaysay sa bahaging ito. 

Tumututok naman ang huling bahagi ng aklat sa Ilang Talang Pananaliksik sa Araling Filipino.  May apat na sanaysay ukol dito. 

Ang unang sanaysay na may pamagat na Kaalamang Panlipunan ay sumisiyasat sa panlipunang penomena bilang mapagkukunang paksain ng isang mananaliksik. 

Riserts at Teorya ang ikalawang sanaysay na naglilinaw ng ilang mga termino sa pagsasaliksik. Binanggit dito ang kahalagahan ng dalumat-salita para sa pagteteoryang Filipino.

 Ang ikatlong sanaysay na Araling Filipino bilang Lapit-Pananaliksik ay naglalayong palitawin ang pagdadalumat sa Araling Filipino bilang lapit.  Mahalagang bahagi rito ang usapin kung papaano idadalumat  makaFilipinong paksain. Binigyang-pansin din ang pagkakaiba at pagsasama ng disiplinari, multidisiplinari at interdisiplinaring tutok ng pananaliksik.

Umaasa kami na makakatulong ang aklat na ito sa mga mag-aaral na tangkilikin ang paksaing Filipino. Nawa’y makapaghain mismo kayo ng pananaliksik at lumahok sa talastasang pangkalinangan tungkol sa ating sarili, bansa at hinaharap. ‘Ika nga’y magsanga pa sana ang buhay na puno ng Araling Filipino para dumami pa ang mga bunga nito. 

 

 

Rhod at Beth 

Marso 21, 2004

Araling Filipino

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s