Iba’t ibang mukha ng nobelista


Kilalanin natin kung sino ang nobelista sa kanyang akda.

Ang nobelista bilang:

1.      Manlalakbay – dadalhin tayo sa maraming lugar – totoo o likha ng kanyang imahinasyon. Inilalarawan niya ang bawat detalye ng pook, kalikasan, karagatan, sa ilalim ng dagat, kalangitan at mga lokasyong hindi pa natin kayang maabot dahil lilikhain pa lamang ito sa hinaharap.

 2.      Tagatalambuhay ng lipunan (social biographer) – binibigyan niya ng buhay, kulay at boses ang mga taong naninirahan sa baryo, bayan at lungsod. Mula sa tindera sa kalye, mga batang naglalaro, mga profesyonal na nagmamadaling pumasok sa umaga hanggang sa mga obrerong buong araw na naghahanap-buhay. Nakatala sa kanyang nobela ang samut-saring taong ating nakakasalamuha. Kung hindi pa natin sila nakakasama, sa nobela makikilala natin sila.

 3.      Tagabuo ng puzzle – mahilig siyang mag-iwan ng tanong, clue at walang katapusang tanong at clue uli hanggang sa mabuo natin ang puzzle, ang sagot sa misteryo ng kuwento. Hahamunin niya ang ating sintido kumon, ang ating sapantaha, pagdududa, pag-aakala na sa bandang huli ng kuwento, papanatag ang ating mga loob at ang kutob at akala nati’y mapapalitan ng lohikal na kasagutan ng awtor.

  4.      Sikolohista (psychologist) – ilalantad niya sa ating mga mata ang nilalang na kakaibang kumilos at mag-isip. Ipapakilala niya ang salimuot ng ugali ng mga bida, kontrabida at iba pang tauhan. Isasama niya tayo sa panaginip ng mga tauhan, sa kailaliman ng kamalayan o konsensiya hanggang mapagtanto natin kung bakit ganoon siya mag-isip, kumilos, magsalita, manamit, magalit at matuwa. Epektibong daan ito kung matutuklasan din natin kung sino tayo sa mga tauhang nilikha niya sa nobela.

 5.      Historyador (historian) – magta-time travel tayo sa sinaunang panahon: panahon ng yelo, ng homo sapiens, ng pagbagsak ng atomic bomb sa Hiroshima, sa pagtakas ni Chiangkai Shek papuntang Formosa, sa pagkatalo ng mga Kano sa mga Vietcong, sa pagbubunyi sa EDSA, sa tsumani sa Phuket Thailand hanggang sa kasalukuyang panahon. Itinatambal ng nobelista ang kanyang mga tauhan sa mga historikal na pangyayari na maaaring limot na natin o di natin nabibigyan ng pagpapahalaga.

 6.      Komentarista – pupunahin niya ang katiwalian sa lipunan, ang mapang-aping uri sa lipunan, ang kawalan ng moralidad, ang pagyakap ng madla sa konsumerismo, ang pakikialam ng mga politiko. Walang katapusan ang puna upang sa ating pagbasa ng nobela maging mulat tayo sa ating lipunang ginagalawan. At kapag natapos nating basahin ang nobela, kaisa tayo sa paghangad at pagkilos tungo sa pagbabago.

 7.      Bisyonaryo – nakikita niya ang hinaharap, nakikiniti-kinita kung ano ang posibleng mangyari at nahuhulaan ang sanhi at bunga ng pangyayari. Ilalarawan niya ito sa atin at ikukuwento ang lipunang gawa sa agham at teknolohiya. Ipapatikim niya sa atin ang isang lugar na payapa, tahimik, maaliwalas, punumpuno ng pagmamahal at pagtutulungan. O di kaya’y ipapadama sa atin ang mundong wala nang buhay, ang kalikasang nabura na at mga taong nabaon na sa limot.

8.      Pilosopo/palaisip – wiwindangin tayo ng nobelistang nag-iisip ng mga tanong ng “bakit”. Ibabato niya sa ating kamalayan ang malalalim na kaisipan na babago sa ating buhay, lipunan at henerasyon. Itatanghal niya sa kanyang akda ang isang matibay na haypotesis o pilosopiyang yayakapin o itatakwil natin. Nagiging daan din ang nobelista upang mamilosopiya siya, mangatwiran at maghain ng kasagutan sa samutsaring tanong na wala pang sagot o matinong sagot.   

At marahil marami pang mukha, mukha ng nobelistang kaharap at kausap natin habang binabasa natin ang kanyang nobela…kahit patay na siya.

Iba’t ibang mukha ng nobelista

One thought on “Iba’t ibang mukha ng nobelista

  1. katingera says:

    waw. ang galing naman po! kanina ko pa po iniisip kung sino ako sa mga ‘yan.

    hanggang sa maalala kong hindi pala ako nobelista. haha.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s