Entertainment Porn


Ang bagong opium ng mga tao’y hindi na ang relihiyon kung susundan natin ang babala ni Karl Marx kundi ang konsumerismo. Ang bawat kilos natin ngayon ay nakatali sa pagkonsumo. Wala nang libre sa ngayon. Kailangang bilhin ang lahat at may presyo ang bawat kibo’t galaw natin.  Sintomas ba ito na panghabang-buhay nang mananaig ang kapitalismo? Mayroon ba tayong makikitang alternatibo na papalit sa kahungkagan at sa kalabisan ng sistema ng paghahari ng kapital at kita? Lahat ng desisyon ng negosyo’t industriya ay nakatali sa kita. At dito tayo umiikot sa realidad na ito. Bigyan natin nang masusing kritika ang industriya ng entertainment sa pelikula at telebisyon.

Noong Nobyembre 17, 2013 nagsagawa ng forum ang Kolehiyo ng Malalayang Sining at Yuchengco Center ng De La Salle University sa pangunguna ni Dr. Trinidad Osteria at ng inyong lingkod. Naging paksa ng forum ang “Teleserye as a Vehicle for Social Transformation” at naging panauhing tagapagsalita sina Direk Joey Reyes ng TV5 at Ms. Suzette Doctolero na resident writer ng GMA7. Aminado ang dalawang mahusay na manunulat na ang telebisyon ay isang malaking negosyo. Lahat ay para sa kita at masusukat ang kuwenta at walang kuwenta ng script sa rating nito. Sabi ni Direk Joey nire-reinforce nito ang mga social values na ang intensiyon naman talaga ay lasingin tayo sa entertainment value at wala nang iba pa. Kasapakat din dito ang advertisement na nagbibigay ng imahe ng babae, lalaki, bakla o tomboy na idinidikta nila. Ito ang halimbawa ng values statement ng mga telenobela ayon kay Direk Joey: “mapalad ang nagdurusa,” “masama ang mayayaman,” “matiisin ang mahihirap.” Kasama pa dito ang pinapalutang ng mass media na paniniwalang ang babaeng maputi, sexy, mahaba ang buhok ay maganda. Ang lalaking maskulado’y ay lalaking-lalaki ang dating.  Subalit sabi ni Direk mas maraming beki sa gym ngayon. Hindi na totoong idiot box ang TV na ipinangangalandakan ng mga kritiko noon nang maimbento ito. Intelligent box ito dahil nagagawa nitong paikutin ang audience, pasunurin sa gusto’t mensaheng inihahatid nito ang mga tao at nagiging eskapismo at telebisyon para sa maraming gusto na lamang mangarap nang mangarap. Paumanhin subalit hindi TV ang idot, kundi ang audience nito. Sa totoo lang mas iboboto ng marami sa atin si Vice Ganda sa pagka-Senador sa 2016 kung tatakbo siya kaysa kay Teddy Casino o Danton Remoto. Dito pa lamang mapapatunayan na natin kung ano ang ginagawa ng TV sa uri ng pagpili na gagawin natin at sa uri ng pagpapahalaga mayroon tayo na hinulma at idinikta ng telebisyon sa isipan natin.

Karaniwang eksena sa telenobela ang nawawalang anak, napagpalit na sanggol sa hospital, paghahanap sa nawalay na asawa, anak o kung sino man siyang Herodes; sampalan, sabunutan at sigawan sa pagitan ng babaeng asawa at ng the other woman; face surgery o kung anumang milagro basta papalitan na ang end of contract nang artista; pagsabog left and right o di kaya’y mahuhulog ang kotse sa bangin subalit sa bandang huli mabubuhay ang karakter at maghihiganti. Sa panayam ni Suzette Doctolero na siyang sumulat ng mga sikat na telenobelang tulad ng Encantadia, Amaya, Indio, My Husband’s Lover (MHL), sinabi niyang may estruktura at formula ang mga soap opera. Subalit sinubukan niyang mag-eksperimento sa genre, setting, panahon, karakter upang maiba naman. Ang pinakakontrobersiyal niyang naisulat ay ang MHL dahil tinatalakay nito ang maselang paksa ng pag-iibigan ng mga bakla. Sabi niya’y nahirapan silang hanapan ng sponsors o ads ang palabas na ito. Akala rin niya’y hindi magki-click ang MHL sa mga manonood. Sa pagsusulat ng soap opera nakasalalay ang karera ng manunulat sa huli niyang naisulat ayon kay Ms. Doctolero. Dapat pumalo ito sa TV rating kung hindi’y baka wala ka nang trabaho kinabukasan. Patunay ito na hindi pa rin matatag ang profesyon ng creative writing sa media, lalong-lalo na sa telebisyon. Subalit kung malakas ang loob mo at wala kang hiya-hiya at kakayanin mo, bakit naman hindi magtatagumpay ang isang mahusay na manunulat. Naniniwala akong nasa manunulat pa rin ang pag-asa ng telenobela sa bansa. Sila ang tagahabi ng kuwento na magpapabago sa ating pananaw-mundo, pagpapahalaga at kaisipan. Relasyon ng kapangyarihan iyan sa mundo ng telebisyon. Siyempre dahil isang malaking negosyo, kailangang protektahan ang interes ng kompanya. May isa akong suhestiyon sa channel 2, 5 at 7. Bakit hindi ninyo gawing bahagi ng inyong Corporate Social Responsibility (CSR) ang magdevelop at gumawa ng telenobela na may kuwenta na magtataglay ng mensahe at magiging daluyan ng panlipunang pagbabago. Nakikita ko ang GMA News TV na gumagawa na nito. Subalit ang nasa isip ko’y ilagay ang mga programang ito sa primte time na mapapanood ng maraming tao. Huwag naman puro lamang kita at pagkukuwenta ng rating ang nasa isip ninyo. Mayroon din kayong pananagutan sa bayan! Gumawa kayo ng kuwento tungkol sa climate change, graft and corruption, human trafficking, child labor, internet addiction, science and technology, kasaysayan ng Pilipinas, at marami pang iba. Uulitin ko, pakilagay po ang mga palabas tungkol sa mga paksang nabanggit sa prime time. Kahit isa o dalawa na 30-minute program. Madalas kasi parang ‘sige na para masabing mayroon silang nagawang socially relevant na TV program’ inilalagay naman sa madaling araw o di kaya’y sa cable TV na halos sampu lang ang nanonood. Subalit hindi pa huli ang lahat magigising at magigising din ang TV networks sa pangangailangan ng ganitong dekalidad na palabas. Balikan ninyo ang inyong TV motto at sagutin ito—totoo nga bang para sa bayan o para lamang sa kita ang ginagawa ninyo? Huwag naman sanang hanggang “entertainment porn” (katumbas ito ng “poverty porn” naman ng indie films) lang ang kaya ninyong ipalabas!

Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa lahat! Espesyal na pagbati kay Mr. Dante “Klink” Ang at sa bumubuo ng Pinoy Periodiko. Mabuhay kayo!

(naisulat noong 12/24/13, unang lumabas sa pinoyperiodiko.com)

Entertainment Porn

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s