Pagbubura ng mga pagitan sa pagitan: Rebyu ng Between Homeland and the Diaspora: The Politics of Theorizing Filipino and Filipino American Identities ni S. Lily Mendoza


(Nalathala sa  Nuncio, R. (2010). Pagbubura ng mga Pagitan sa Pagitan (Rebyu ng Between Homeland and the Diaspora: The Politics of Theorizing Filipino and Filipino American Identities). MALAY, 20(2). Retrieved October 31, 2015, fromhttp://ejournals.ph/index.php?journal=malay&page=article&op=view&path%5B%5D=680&path%5B%5D=715)

Rebyu ni Rhod V. Nuncio, PhD

Lubhang kahanga-hanga ang aklat ni S. Lily Mendoza na tumangkang tumahi sa dalawang mundo ng pagteteorya at praktika sa teorya ng kaakuhan ng mga Filipino at Fil-Am. Sa humigit-kumulang na 270 pahinang Between Homeland and the Diaspora: The Politics of Theorizing Filipino and Filipino American Identities binigyang diin ng awtor ang pagtawid at pakikipagtalastasan sa kanyang sarili, kapwa Fil-Am, kapwa-Filipino, at kapwa-teorista upang bunuiin ang problematikong landas na humihiwalay sa bansa at sa diaspora.

Magaang na basahin ang aklat lalo’t higit kung bihasa ang mambabasa sa diskurso ng “indigenization movement” sa akademya at nakasunod sa tila saliw ng tugtuging-wika ng pagteteorya. Ang aklat ay may lalim at talas ng pangangatwiran na mababasa rin naman sa di-masyadong madaling basahing mga aklat ni E. San Juan, may lawak at kislap ng detalye na umiikot din naman sa mga aklat nina Vicente Rafael at Reynaldo Ileto, at may natatanging orihinalidad para sa larang ng pagteteorya tulad ng mga pagtatangka nina Resil Mojares, Isagani Cruz at Bienvenido Lumbera.

Nahahati sa dalawang bahagi at walong kabanata ang aklat. Ang unang bahagi ay nakatulay sa Prologue at ang ikalawang bahagi ang walong kabanata ng aklat. Sa Prologue ng awtor nakasentro ang pagpoposisyon/pagpopook sa personal/autobiograpikal na salaysay tungkol sa dahilan at motibasyon sa riserts at hangaring matapos ang aklat. Sa kalaunan, sabay sa pagsulat ng persona ng risertser/awtor naisulat din niya ang “biograpiya ng kanyang texto” – ang buhay at talambuhay ng kanyang pagteteorya/teorya at pagsulat/sinulat. Sa bahaging ito isinawalat ng awtor ang “ako” bilang pananda at puntodebista sa pagsulat: “Knowing the story behind a work then gives us a sense of its larger significance for the author, thereby affording us a context within which to interpret its meaning and find appreciation for the extra-discursive elements that occasioned its genesis in the first place (p. xiv).”

Sa unang kabanata inilugar niya ang agam-agam at puna sa gahum ng Teorya sa Kanluran, lalong-lalo na ang dominante ngayong postrakturalismo/postmodernismo/ postkolonyalismo. Isang sentral na usapin sa aklat ang politika ng kaakuhan (identity politics) ng Fil-Am at ang laging nakatambad na isyu ng wika – iyon nga lang, hinagilap muna ng awtor ang wika ng teorya para dalumatin ang kaakuhan nila (na ang awtor ay isa rin namang Fil-Am). Ang limitasyon ng terminong “Fil-Am” batay sa pagsusuri sa aklat ay nakasentro sa mga intelektuwal/iskolar na Fil-Am – silang mga nakabase sa iba’t ibang unibersidad sa Estados Unidos.

Sa ikalawa, ikatlo hanggang sa ikaapat na kabanata, pinalawig ng awtor ang isyu ng pagsasaling-wika/teorya. Sa isang banda ang postrukturalismo at sa kabilang banda naman ang postkolonyalismong may bahid na makaFilipino (indigenization discourse). Pahapyaw na binagtas ang pagpasok ng Sikolohiyang Pilipino (SP) sa Estados Unidos na dala-dala mismo ng tagapagtaguyod nito na si Virgilio Enriquez nang nakapagturo siya roon. Nagpawindang sa maraming iskolar na Fil-Am ang dalang hatid ng dekolonisasyon ng SP, bilang postkolonyal na diskurso ayon sa awtor. Ang hugis at anyo ng pagsasalin (o pagpapalitang-wika) ay ganito:

…I propose that a translation is needed, one conducted by a dual-sited reader or intepreter, that is, preferably, a benificiary of both the contributions of deconstructive critical theory and of indigenous theorizing; as well, by one who understands the inner dynamics and imperatives of both discourses. As one uniquely positioned in the interstices of these discourses (between the homeland and the diaspora and between both traditions in theorizing), and as one whose ongoing decolonization process and personal transformation is to be credited equally to both the project of indigenization as well as the challenge of postructuralism…(p. 20)

Sa ikalima’t ikaanim na kabanata, binalikan ng awtor ang diskurso ng SP ni Virgilio Enriquez, Pantayong Pananaw (PtP) ni Zeus Salazar at Pilipinolohiya (PnL) ni Prospero Covar. Tatlong dambuhalang diskurso ito ng indigenization movement na nagsimula lahat sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Kung gusto ng mambabasa na basahin at suriin muli ang kilusang intelektuwal na ito, mahusay na sekondaryang aklat ang kay Mendoza. Maganda ring natukoy sa bahaging ito ang pagkakaroon ng mga balikbayang intelektwal tulad ni Jorge Intal at iba pang nauna at sumunod sa kanya, na naudyukang bumalik sa Pilipinas upang tuklusin at damhin muli ang pagiging Pinoy sa hinihirayang lupain. Gayonpaman hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng “culture shock” sa pagbabalik-bayan. Maaaring negatibo ang pagtingin sa Pilipinas at mga Pilipino ng mga Fil-Am dahil sa lenteng dayuhan ang bitbit o maaaring positibo naman sa isang banda. Subalit, mas nakararami ang nadidis-ilusyon.

Sa ikapitong kabanata, binigyang-diin muli ang ilang teoretikal na suliranin sa pagsasaling-wika/teorya sa pagitan ng bansa at diaspora. Ayon sa awtor may referensiya lagi sa diskurso ng bayan, lalo’t higit pa sa layuning pagkakasarinlan ng talastasan ngunit nakikipagtalastasan din naman sa labas. Aniya: “Sikolohiyang Pilipino, along with Pilipinolohiya and Pantayang Pananaw argued that if Filipinos themselves were to create a society of Filipinos, by Filipinos and for Filipinos, they must learn to forge their own vision of the future and look to their own resources and history in seeking national (trans)formation. (p. 213, ang diin ay mula sa awtor). Sa proyekto ni Mendoza, kailangang maisama sa talastasang-bayang ito ang nanggagaling din sa diaspora. Mayroon kasing tendensiyang maging sarado at esensyalistiko ang anumang makabayang diskurso tulad ng pinasimulan ng indigenization movement. Sa interbensyon ni Mendoza:

What is hoped for…is opening to even livelier and engaging debates and conversations between and among scholars from the two discrusive locations as well as across the current cultural fivide between Filipino and Filipno American indigenists, on the one hand, and their poststructuralist counterparts, on the other (p. 231).

Ang ikawalong kabanata’y paglalagom at kongklusyon ng pag-aaral. Ang ganitong pag-aaral ni Mendoza ay pagtatangkang pagbubura sa mga pagitan. Sa rebyung ito, ilulugar na mas dominante ang salitang pagitan (between) dahil narito ang puntodebista ng teorista/tagapagtawid at ang wika (bilang teorya) upang pag-usapin ang dalawang diskurso – ang bansa at diaspora. Mas mahirap paniwalaan ang pagkakapantay-pantay ng dalawang diskurso (o ang dynamic equivalence translation sa p. 26) dahil problematiko rin naman ang anumang proyektong “pagsasalin”. Laging nananaig ang frame ng wika/teoryang pinanggagalingan at kinakasangkapa’t pinapaloob lamang ang diskursong tinutukoy na isalin (diaspora sa bansa). Sa rebyung ito, nakita’t nabasa ang pagiging mapaniil ng “pagitan”. Ito kasi ang humihiwalay sa dalawang mundo, sa dalawang realidad na laksa-laksang sinabuyan ng pagkakaiba – wika, pook, etnisidad, gender, ideolohiya, uri, pagsipat, adhika at marami pang iba. Sa katunayan, ito ang kailangang bunuin ng awtor: kung sa paanong paraan nagiging posibilidad ang komunikasyon at pagsasalin gayong napalaki’t napakalawak ng “pagitan”. Gayong panimula pa lamang naman ang ginawang pagtatangka, maraming teoretikal at praktikal na implikasyon ang binuksang diskurso ng aklat. Sa pagbubura kasi ng pagitan, posibleng kailangang magbalikbayan ang mga intelektuwal na iskolar at mangibang-bayan naman ang nasa bansa. Subalit, ibang diskurso naman ang bubuksan nito at ibang mga pagitan din naman ang haharap sa tatawid at magtatangkang umalpas. Maganda ring isama sa susunod na pagtawid ang pagdalumat sa karansan at kamalayan ng mga ordinaryong Fil-Am, migranteng Filipino at mga OFW na hindi nakabase bilang mga intelektuwal sa mga unibersidad sa Estados Unidos. Ibang-iba rin siguro ang namamagitan sa kanila, sa pagitan ng Estados Unidos at Inang-Bayan. Hindi rin siyempre matatawaran ang ambag ni Mendoza dahil karagdagan ito at pag-iiba ng focus ito sa maraming pag-aaral sa diasporang Filipino na madalas na nakatuon sa agham panlipunan.

Sa mga aral sa teorya, madalas na mababasa natin ang talastasan lamang at lagi sa pagitan ng Amerika at Europa o sa pagitan ng Anglo-Saxon at Continental na pilosopiya. Nariyan ang debateng Habermas-Foucault, Rorty-Derrida, Giddens-Rorty, Chomsky-Derrida-Foucault. Sa aklat ni Mendoza, hinawan dito ang landas sa patuloy na debate (at nararapat na mamayagpag ito) sa pagitan ng mga iskolar na Fil-Am at mga iskolar sa bansa. Kailangan ito dahil sangkap ang debateng ito sa binubuong teorya o kritikang Filipino sa bansa. Gahum man ang “pagitan”, ipinagpapatuloy naman nito ang posibilidad ng talastasan dito at sa Estados Unidos at sa marami pang lupalop na tatawirin at lalakbayin ng kaisipang Filipino.

Pagbubura ng mga pagitan sa pagitan: Rebyu ng Between Homeland and the Diaspora: The Politics of Theorizing Filipino and Filipino American Identities ni S. Lily Mendoza

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s