PiliFilipino: Isang Teorya ng Wika

Panayam Profesoryal Cecilio M. Lopez sa Wika at Panitikang Filipino

ni Dr. Rhod V. Nuncio

(Sipi mula sa babasahing papel ng panayam sa Y407 Pamantasang De La Salle, Marso 30, 9:30-11:00 n.u.)

Ang limitasyon ng aking wika ay siyang limitasyon ng aking mundo. – Ludwig Wittgenstein (TLP 1922)

Anong teoryang pangwika ang maaari nating gamitin para ipaliwanag ang kasalukuyang hubog, anyo at takbo ng wikang Filipino? Paano ito makatutulong upang maging masinop at masinsin ang ating analisis ng wika at ang naturang gamit nito para sa mga tao at sa lipunan niyang ginagalawan?

                Ito ang dalawang pangunahing tanong na sasagutin ko sa panayam na ito. Ang una ay tumutukoy sa pagkakaroon o kawalan ng internal na banghay o istruktura ng wika natin na pundasyon o basehan ng performatibong kakayanan ng mga Filipino na gamitin ang wikang Filipino. Samantala ang ikalawa nama’y tumutukoy sa praktikalidad ng teorya upang tasahin at usisain ang nangyayaring pagbabago ng wika sa gitna ng mabilisang pagbabago ng ating panahon.

PiliFilipino – ito ang inihahaing panimulang teorya upang suriin ang paimbabaw, malaliman at kaibuturan ng wika.  Ang tatlong bahagdang ito ng wika ang magiging punto ng analisis at pagdadalumat. Hango ito sa sinabi ni N. Chomsky (sa Searle 1971) na mayroong surface structure (paimbabaw) at deep structure (ubod) ang wika. Ang sa akin naman, may pumapagitna sa dalawang level na ito, ang middle structure na tatawagin kong lalim ng wika. Ito ang nawawala sa kayarian ng wikang Filipino (WF). Sa madaling salita, walang lalim ang wika dahil walang gramatikang nakaugat sa internal na himpilan ng ating kamalayan. Tanging ang malakas at dominanteng paimbabaw na puwersa na mula sa iba’t ibang direksyon, ideolohiya, adbokasi ang kasalukuyang nagiging sandigan at batayan sa pagbabagong pangwika. Sa ngayon hangga’t di matutugunan ang kakulangan sa lalim at ubod ng WF, ang paimbabaw na level ng wika ang tumatayong stratehiya sa pagpili, pagpilipit at pagpipilit na lumabas ang kakanyahan ng wika. Ang tanong nga lang, hanggang kailan ito tatagal? At aasa lang ba ang lahat sa politikal at ideolohikal na bangayan ng mga makawika ang hinihintay na pagkagulang ng WF? Ika nga’y matira ang matibay!     

Katulad ng nabanggit, paimbabaw ang debelopment ng wikang Filipino. May tatlong pananaw tungkol dito:

a.)    Kasalukuyang nililinang pa rin ang wika mula sa pinagbatayang wikang Tagalog at ang nakalululang hamon na paglinang nito mula sa mga katuwang na wika sa bansa,

b.)    Mabilis na paglaganap ng Taglish sa iba’t ibang domain ng kaalaman at praktika,

c.)     Interbensyon ng gahum (estado, iskolar, media) na nakakaapekto sa menu ng pagpili, pamimilit at pagpilipit sa wikang Filipino.

… … …

PAIMBABAW NA WIKA

Ang puwersa ng pagbabagong wika ng WF ay hindi nakatarak sa kognitibong kakayahan ng tao kundi sa samutsaring timpla (o gimik) at interbensyon ng mga institusyon, grupo at mga polisiyang bitbit ng mga ito. Bakit hindi nagmumula sa kognisyon o sa mental na proseso ng paglikha ng wika? Dahil madalas at sa maraming pagkakataon ang internal na lohika at istruktura ng pag-iisip natin ay nakakapit sa banyagang padron, sa banyagang wika – Ingles. Pansinin:

  1. Ang makabagong alpabetong Filipino ay binibigkas ayon sa Ingles. May implikasyon ito sa ponetika dahil nabaligtad ang prinsipyo ng “kung ano ang bigkas, siya ang baybay”. Imbis na phonocentric (una ang tunog kasunod ang baybay) naging graphicentric (kung ano ang letra sa Ingles, ito ang baybay). Kung kaya’t mamimilipit sa pagbigkas ang maraming batang mag-aaral ng WF kung ito ang prinsipyong susundin sa ponetika ng WF.  Ang “bahay” ay bibigkasing “bey-hey”.
  2. Ang pagbaybay ng mga hiram na salita at paglahok nito sa sintaktikang anyo ng pangungusap ay nakakiling sa Ingles.  Hal. Nakaka-turn-off naman ‘yang friend mo. So, yabang!  Marahil sa mga Manileno o elistang namimilipit magFilipino o mag-Ingles, ito ang makabagong syntax sa palabuuan ng pangungusap. Laganap din ito sa broadcast media, showbiz, advertisement, interbyu sa mga politiko at kabataang cosmopolitan kuno ang oryentasyon sa kasalukyan.
  3. Ang tinatawag na code-switching ng mga dalubwika (Sibayan, Baustista, Cruz) ay totoo namang di code-switching dahil ganito naman ang kaayusan at kayarian ng pangungusap sa mga wikang lubos-lubos ang panghihiram ng mga salita. Wala nang switching na nagaganap dahil lantaran na itong lumilitaw sa mga diskursong gamit ang WF. Syntactic-semantic substitution ang nagaganap dahil ang paggamit ng i-, pag-, mag-, nag-, kaka-, um-, na-  ay sadyang naghihintay ng halinhinang mga salitang banyaga o hiram nagiging structurally flexible sa formang Taglish.

 

i-zerox, pag-zerox, mag-zerox, kaka-zerox, i-solve, pag-solve, nag-solve, kaka-solve
i-text, pag-text, mag-text, kaka-text, na-text i-equate, pag-equate, mag-equate, kaka-equate
um-attend, um-increase, um-order, um-answer  

 

Kung kaya’t multiple substitution ang pedeng gawin dito na maiaayos o mailalapat din sa pangungusap.

Hal. “I-zerox mo ang papers mo sa promotion.”  “Ok na kaka-zerox ko nga lang.” Ang Tagalog/Filipino component (unlapi o hulapi) ay laging co-dependent sa hiram na salita, subalit nanatiling buo ang salitang Ingles o ibang hiram na salita.

Wala namang ganitong halimbawa (co dependent ang Ingles sa Filipino):

Re-ayos mo na yan!

Anti-makabayan ang mga trapo sa Congress.

Pindotize (na katawa-tawa ang dating) mo yong keypad.

Hindi ang wikang Ingles ang kalaban natin. Maaaring matuto ang isang tao ng higit pa sa dalawang wika. At kapag sinabi nating kakayahang bilingual o multilingual, nararapat na magkapantay ang kabihasaan ng isang tao sa pagbasa, pagsulat, pakikinig at pagbigkas sa mga wikang ito. Hindi tingi-tingi.

Ang problema’y kapabayaan at ang pagpapaubaya na sa darating na panahon, gugulang at uunlad din ang WF. Fatalistikong pananaw ito. Tila si Juan Tamad ito na naghihintay sa pagbagsak ng bayabas sa kanyang bibig. 

Kung kaya’t nangyari ang iba’t ibang direksyon at agendang pangwika na batay sa interes ng iilan at uso ng panahon. Ang iba’t ibang direksyong ito ay unti-unting nawawala’t namamatay, unti-unti nauungusan ng malalaking diskurso tulad ng globalisasyon, industriyalisasyon at postmodernismo. Kung kaya’t sa ating bayan mismo, nagtatalaban ang mga ito at naiiwang nakatindig ang mapanuksong alternatibo – ang gawing wikang ofisyal at panturo ang Ingles.

Tingnan natin ang iba’t ibang direksyon na narating ng ating wika sa kasalukuyan:

1.)    Ang WF ay Taglish – wikang bunga ng eksposyur sa midya, paimbabaw at walang malinaw na gramatika (kung meron man contingent ito at nakabatay sa talastasang publiko), ang wikang “maiintelektuwalisa ayon kay Bonifacio Sibayan” (sipi mula kay Sison-Buban 2006)

2.)    Ang WF ay Taglish na may varayti sa iba’t ibang wika sa bansa ayon kay Isagani Cruz

3.)    Ang WF ay batay sa Tagalog o ang pananaig para rin ng puristikong gahum o ng Imperial Tagalog; walang pagkakaiba ang Filipino at Tagalog ayon kay Cirilo Bautista (pananalitang ibinigay sa lunsad-aklat ng Galaw ng Asoge, 2005)

4.)    Ang WF ay larong-wika na pinasok ng mga batang manunulat ngayon, iskolar sa iba’t ibang larang sa akademya, na walang malinaw na alintuntunin ng laro ngunit nangingibabaw na examplar ng kasalukuyang anyo ng wika

… … …

UBOD NG WIKA

                Ang ubod ng wika ang unibersal na forma o kaayusan ng basikong yunit ng kamalayan na taal nang matatagpuan sa isipan ng tao. Kumbaga ito ang template ng isipan natin na yari na – naghihintay na mapunan, mahubog, malilok, at maisaayos ayon sa idaragdag na istruktura ng natural na wika. Kumbaga ito ang “universal o generative grammar” ni Chomsky, ang “private language” ni Wittgenstein, “archi-writing” ni Derrida. Bago pa man may istruktura ng wika, may nakalikha nang istruktura ang isip na tatanggap at mag-oorganisa ng kamalayan ng tao. Kaya’t may kakayanan ang lahat ng tao na matuto ng wika, ng kahit anumang wika, dahil sa ubod ng wikang nakahimpil sa isipan natin. Ito ang a priori grammar. Ito rin ang nag-uudyok sa imahinatibo’t malikhaing paraan ng isip natin na ikonstrak ang wika batay sa iba’t ibang modalidad/range/linguistikong yunit sa pagkatuto ng wika… … …

LALIM NG WIKA: GRAMATIKANG FILIPINO?

Lahat ng buhay na wika (natural languages) ay dumaraan sa mahabang panahon ng pagbabago at madalas hindi developmental ang yugto ng pinagdadaanan nito kundi retardasyon at tuluyang pagkawala. Alam natin ang magiging kahihinatnan ng maramihang puwersang pangwika na paimbabaw na nagtatalo-talo at naghahalo-halo sa isip at kamalayan ng tao. Higit pa riyan, nagpapaubaya at nagpaparaya ang mga ispiker-tagapakinig ng wika dahil wala silang masandigang internal na lohika o gramatika ng wikang naririnig at nababasa nila. Alalahanin natin ang sinabi ni Emerita S. Quito (1989/2010: 23): “Hanggang ngayon, tayo ay nasasadlak sa kabulukan ng Taglish. Ang maikling kasaysayang ito ng wika sa ating bansa ay nagpapahiwatig ng dalawang bagay. Una: pagkatapos ng 88 taon, hindi pa rin maaaring sabihin na ang Pilipino ay natuto na ng wikang Ingles; at ikalawa, lumaganap ang isang bulok na wika, ang Taglish, na hindi Ingles at hindi Filipino.”

Mahalaga ang lalim ng wika dahil:

  1. Ito ang nagsasaayos ng mga signal o yunit ng ubod ng wika para maging natural na wika,
  2. nagsisilbi itong auditing at editing facility sa isip ng gumagamit ng wika,
  3. ito ang precursor ng imahinatibong pag-iisip ng tao ayon sa tuntunin ng wika niya at ng daynamikong kakanyahan at kakayahan ng wika sa pagpapakahulugan
  4. nagiging transisyonal at transgenerational ang pagsasalin ng pagkatuto ng wika na di nakadepende sa kung ano ang uso at pinapauso
  5. intralinguistic facility ito para sa transformasyon ng wika ayon sa pagbabalanse ng internal na lohika ng kanyang wika at ng praktika/gamit ng wika bunsod ng pagbabago sa lipunan at iba pang external factor.

… … …

Ang pagpili ng Filipino bilang wika ay mangyayari sa kailaliman ng kanyang isip at kung magkagayon malayong-malayong mabubuwal nang agad-agaran ang Filipino (tao at wika) sa daluyong ng pagbabago sa mundo at lipunang ginagalawan. Ang PiliFilipino ay panimulang pagtatangka sa pagteteorya sa wika at analisis ng WF na may sandamakmak na varayti. Inisyal na hakbang ito sa binubuong teorya ng wika at sa implikasyon nito na ang istruktura ng WF ay dapat nakaangkla sa lalim at ubod ng wika o sa gramatika (prescriptive) at pre-grammar (individuated inscription) ng isang tao. Ang paimbabaw na wika’y di maglalaon ang magiging natural na wika (descriptive) na gagamitin ng mamamayan. Ang PiliFilipino ay kritikal at istratehikong pagpili ng taong malay sa ubod at lalim ng kanyang wika upang maging kanyang wika sa pakikipagtalastasan, pamimilosopiya, paghahanapbuhay, pagkrikritika at iba’t ibang komunikatibong sitwasyon at pagkilos. 

                Kung kaya’t ibalik natin ang wika sa kaibuturan ng kamalayan natin at di lamang sa sanga-sangang dila ng gahum.

Advertisements
PiliFilipino: Isang Teorya ng Wika

Pagdalumat-salita tungo sa pagteteoryang Filipino

PANAYAM DR. ISAGANI R. CRUZ (binasa sa DLSU noong Nobyembre 13, 2008)

PAGDADALUMAT-SALITA: Kung Bakit Hindi na Hikain ang Wika ng Teorya sa Wikang Filipino

ni Prof. Rhoderick V. Nuncio, Ph.D. Departamento ng Filipino, Kolehiyo ng Malalayang Sining, Pamantasang De La Salle-Maynila

Nais kong buwagin ang matagal nang paniniwala na walang kakayahan ang ating wika—ang wikang Filipino—na magamit sa larangan ng pagteteorya. Hindi pa raw ganap na intelektwalisado ang wikang ito sa iba’t ibang larangang pang-akademya (liban na lamang daw sa panitikan) kung kaya’t nananatiling lingua franca pa lamang ito sa kalye. Ganyan ba kababaw ang tingin natin sa wikang Filipino? O dili kaya’y ganyan ang tingin nating nasa akademya sa wika ng mamamayan natin? Sa isang maliit na pulong na dinaluhan ko, talagang tingin ng iba na kapag ituturo ang isang aralin (na nakasanayan na sa Ingles) sa Filipino ay nagmumukhang mababaw daw. Sa isang pulong din, binatikos at tinarget ng pagmamaliit ang kurikulum ng Araling Filipino dahil wala pa raw corpus ng pag-aaral tungkol sa Midya at Pagtuturo. Marami silang puna, lalong-lalo na ang hindi naman gumagamit ng Filipino kesyo Ingles at Ingles pa rin ang wika ng teorya, wika ng akademya, wika ng pagtuturo, ang wika ng gahum. Iyon ang akala nila. Hindi ko na bubusisiin kung anu-ano ang dahilan kung bakit tayo ganito, at sila’y ganoon, dahil matagal ng debate ang “kababawan ng wikang Filipino”. Sa akin lamang gusto kong manindigan at sabihin at gawin na ang wika ng teorya ay nakasalalay ngayon sa wikang Filipino katulad ng paniniwala ni Dr. Isagani Cruz. Nasa wikang Filipino, sa palagay ko, ang hinaharap ng teorya sa mundo. Sa wika natin mabubuo ang teoryang titingalain ng buong mundo sa darating na dantaon. (2003: 146) Ang papel na ito ay nagsimula sa mga hamong ibinabato sa atin ni Dr. Isagani R. Cruz. Kung ang mga hamong iyon ay mga bato, sa dami ng mga matatapang na hamon niya tungkol sa isyu ng wika, pagtuturo, kritika at literatura, siguradong puro pasa na tayo. Pero ang punto niya: gusto lang niya tayong gisingin! Akala natin magaling lang magdikonstrak ng texto si Isagani R. Cruz, subalit ang totoo’y tayo ang gusto niyang distrungkahin, idikonstrak, windangin. Ito ang bitbit ko ngayong inspirasyon dahil kung wala ang aklat na Bukod na Bukod (bukod pa sa iba pa niyang kritikal at pilosopikal na mga akda), ang teksto’t texto ng kanyang kritika, ang textong si Isagani R. Cruz at ang kritikong si Isagani R. Cruz, hindi mabubuo ang dalumat ko. Hindi magiging matibay ang paninindigan ko. Tatlong sanaysay ni IRC ang magiging batayan sa panayam na ito: una, Kung Bakit Mas Dato Gid ang Wikang Filipino Kaysa Wikang Langyaw; ikalawa, Kung Bakit Hinihika ang Wika sa Kritika; ikatlo’t huli, Ang Wika bilang Ideolohiya o ang Wika ng Teorya bilang Teorya ng Wika. Hindi ko nais rebyuhin ang tatlong sanaysay na ito, bagkus magsisilbing pananda at tagapag-usad ang mga ito upang palitawin ko ang aking mga argumento.

Unang argumento: Naniniwala ako na may kakayahan ang wikang Filipino na magamit ito sa pagdadalumat upang higit na mapayabong ang karunungang Filipino at Araling Filipino.

Ayon kay IRC, “Hanganrin kong ipakita na mas mayaman ang ating wika kaysa sa banyagang wika dahil mas marami tayong salitang maitutumbas sa konseptong langyaw” (2003: 84). Karugtong nito ang paglalagom ng kanyang sanaysay: “Sa madaling salita, maraming salita tayong maaaring gamitin para pag-ibahin ang iba’t ibang kahulugan ng iisang salitang langyaw” (93). Maraming nabigay na mga halimbawa si IRC sa sanaysay na ito: kritika, teorya, kritisismo, pamumuna, panunuri, kasaysayang pampanitikan, buwis, daigdig at mundo. Ngunit ihahaylayt ko lang ang isang salita: teorya. Ang teorya na galing sa literary theory o theory ay ang “pag-aaral sa pangkalahatang isyung bumabalot sa literatura, sining, at kultura, tulad ng papel ng literatura sa mundo, kung maaari ngang matuklasan ang kahulugan ng isang likhang panliteratura, o ang relasyon ng literatura sa wika” (92) Ang teorya ay isang salitang langyaw na inangkop sa baybay Filipino. Ngunit kung susundin ang premis ni IRC mas angkop at mas wastong gamitin ang salitang “dalumat”. Mula sa etymology ng theory: Gk. theoria “contemplation, speculation, a looking at, things looked at,” from theorein “to consider, speculate, look at,” from theoros “spectator,” from thea “a view” + horan “to see.” (http://www.etymonline.com/index.php?term=theory) Kay Panganiban (1973) ang salitang “dalumat” ay kasingkahulugan ng “paglilirip” at “panghihiraya”. Sa Ingles na kahulugan, ayon kay Panganiban (1973), ganito ang ibig sabihin: very deep thought, abstract conception. Ang dinadalumat ay salita na may implikasyong abstrakto at pilosopikal. Ginagamit ang salita hindi sa payak na paraan bagkus sa mataas na antas ng pag-iisip. Sa ganitong paliwanag, samakatuwid, ginagamit ang salita bilang konsepto sa larangan ng pagteteorya. Humihiwalay sa lexical o diksyunaryong kahulugan lamang ang salita at nililirip ito sa antas ng interpretasyon. Ang kahulugan mismo ng panghihiraya ay upang maging malikhain ang isang palaisip o teorista sa kognitibong konstruksyon ng kabuluhan, kahulugan at kakanyahan ng salita bilang dalumat. Kung kaya’t pumapasok dito ang lisensiya ng isang iskolar o teorista na bumuo ng bagong salita sa dinadalumat na teorya . Kung susuriin natin ang teorya batay sa etymology nito nakatutok lamang ito tulad ng dalumat sa paglilirip o abstraktong konseptwalisasyon. Ikalawa, ipinipahiwatig nito ang distansiya ng teorista bilang tagamasid, tagatanghod, tagasipat. Subalit, wala rito ang kapangyarihan ng haraya at paghihiraya na nakasahog sa konotasyon ng salitang dalumat. Samakatuwid, kung nagdadalumat ang isang palaisip, nakakapit sa isip niya ang paglilirip, pagsisid sa kailaliman ng kahulugan/penomenon at paghihiraya nito. Ibig sabihin dahil sa imahinasyon, tagakatha’t tagasuri siya sa pagdadalumat. Hindi lamang textual ito bagkus, visual din ang saklaw ng pagdadalumat. Visual din naman ang ipinapahiwatig ng teorya ngunit palabas ito, nakatanaw ito. Sa dalumat, sasabihin kong, internal ito’t nasasakop na ang pagtanaw sa labas, dahil hiniharaya na ito sa kognitibong pagtakbo ng isip, sa loob, sa ating kamalayan. Siyempre pa kailangang linawin din kung anong kontexto nakatali ang kahulugan ng teorya dahil sa ngayon maraming kahulugan ito batay sa anumang disiplinang (siyensya, agham panlipunan o humanidades) sumususo rito. Ikalawang argumento: Hindi na bansot ang ating wika, hindi na kulang-kulang ang ating vocubularyo para sa talastasang teoretikal. Hindi na totoong kailangan pa nating maghintay ng isandaang taon para maintelektuwalisa ang wikang ito. Ang Pagdalumat-Salita Sa anumang binubuong teorya, mahalaga at makapangyarihan ang wika. Bukod sa pagtingin na ang wika ay representasyon ng mundo ayon sa mga nominalista, ang wika rin ay isang instrumento na maaaring makapagpabago ng isipan ng mga tao at sa pagtagal ng panahon ng kilos ng tao. Subalit, mas tututukan ng panayam na ito ang gamit ng wika bilang “wika ng teorya” (Cruz, 2003: 134). Mas tatalab ang hamon sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino kung gagamitin ang wikang ito sa teoretikal o pilosopikal na larangan ng mga iskolar. Ibig sabihin nararapat na sa wikang Filipino nag-iisip nang analitikal at kritikal at sa wikang Filipino ito naipapahayag . Ganito rin ang paniniwala ng ibang iskolar (Cruz 2003, Lumbera 2000, Salazar 2000, Covar 1998, Atienza 1996, Enriquez 1992, Torres-Yu) na sila mismong nagtangka’t nagtagumpay sa masinop at mataas na paggamit ng Filipino sa akademya. Sa ginawang paglilinaw ni I R. Cruz (2003: 134-135) sa Critical Practice ni Belsey (1980), lumitaw ang apat na konsiderasyong ito. Ayon kay Cruz, maaari nating: 1. …linawin ang bagong konsepto na nais ipaliwanag ng teorista, 2. …ituro ang mga bagong salita, kung mayroon man, na nilikha ng teorista para maipaliwanag ang kanyang bagong konsepto; 3. …ipaliwanag kung ano ang mga bagong palagay na naghahari sa diskors ng teorista, kung ano samakatwid ang kanyang nais ipalit sa kababawan 4. …kung aling mga palagay na kasama sa kababawan ang binabatikos ng diskors, hindi lamang ng nilalaman nito kundi pati na ang estilo o estratehiya ng pagsulat nito. Isang punto lang naman ang hindi ako sang-ayon, ang salin ng common-sense bilang kababawan. Ang wika ay isang ideolohiya, wika ni IRC (131). Sa tingin ko ito ang diskurso ng balana. At dahil sinabing nakasahog ang kababawan sa wika, dahil wika ang kongkretong manifestasyon nito, magiging kontradiksyon ang pagwaksi sa kababawan o common sense upang linangin ang wika ng teorya sa wikang Filipino at pagdadalumat-salita. Dalawa ang paliwanag ko rito: Una, ang common-sense, ang balon ng kaalaman at kamalayan ng mga tao upang sila’y kumilos at makipagdiskurso sa pang-araw-araw nilang buhay. Ito ang kasangkapan nila sa pag-unawa ng mga ordinaryo at maski mga komplikadong bagay-bagay sa buhay nila. Dito nanggagaling ang sumatotal ng makabuluhang pagkilos nila batay sa nabuong paniniwala at hinuha bunsod ng pagdanas o karanasan nila. Common-sense na umiyak tayo sa palabas na madrama. Siyempre dahil common-sense nga ito. Tumawa kung talagang nakatatawa. Magdala ng payong kung makulimlim ang langit. Sa normal at normatibong takbo ng buhay natin, napakahalaga ng pagkakaroon nito. Di nga ba’t ang kulang sa ganito’y nababansagang mahina ang pag-iisip. Natatanging kaloob sa atin ito dahil ito ang dahilan kung bakit nagbreakdown ang mga riserts tungkol sa Artificial Intelligence dahil ang kaya lang iproseso ng kompyuter o computational system ang impormasyon ngunit hindi ang common-sense na tulad sa isang tao. Ikalawa, ang gusto kong sabihin ay ganito. Mahalaga ang balanang pananaw dahil nakasandig dito ang pagdadalumat. Totoo ngang sa artikulasyon at presentasyon ng dalumat/teorya pinahihirap ng mga teorista/palaisip ang kanilang isinusulat, dahil common-sense din naman, para mag-isip ang babasa nito at lalo pang paghusayan ang pag-unawa rito. Ika nga’y winiwindang tayo para ang hindi obvious ang lumabas, kundi ang iba pang maaaring kahulugan. Kung kaya’t ang function ng pagdadalumat ay hindi para idikonstrak ang balanang pananaw, kundi bukod pa sana sa pagkakaroon ng ganitong pananaw, mabuksan ang iba pang posibilidad ng pag-unawa. Hindi maaaring maging kababawan ang common-sense dahil sa halos lahat ng pagkakataon, ito ang nakalitaw at nakalutang sa inaaakala nilang paraan ng pag-unawa sa praktikal na pamumuhay nila. Ang tungkulin ng teorista’t palaisip ay palawakin pa ang palaisipan ng buhay at realidad. Para sa karaniwang tao hadlang nga ang balanang pananaw para usisain pa ang ibang kaisipan at palaisipan. Ito rin ang kapangyarihan ng wika at ito nga ang layunin ng panayam kung bakit kailangang nasa wikang Filipino ang pagdadalumat dahil sa wikang balana manggagaling ang dalumat. Nakasanayan na kasi na ang wikang Filipino ay wika lamang sa komunikasyon ng mga karaniwang tao, wika ng midya at showbiz, at wika lamang sa kababawan. Subalit kailangang maging wika ito ng ating diwa, sa mataas na antas ng pag-iisip ng mga Filipino. Hindi rin naman inosente ang wika ng teorya. Ang lahat ng wika ay may pinagbubukalang ideolohiya. Ang wika ng teorista/palaisip ay nagpapahiwatig ng posisyon ng kapangyarihan. Ika nga’y bunga ito ng social capital ayon kay Bourdieu na taglay ng isang nakapag-aral, titulado, at kahit paano mataas ang katayuan sa buhay kumpara sa iba. Kung kaya’t dahil dito, natural din na magkaiba talaga ang kayarian ng wika ng balana at wika ng akademya. Tunghayan natin kung ano ang pagdadalumat-salita. Ang pagtatangkang teoretikal, alinsunod sa paglikha ng bagong salita at katuturan nito, ay tatawaging pagdadalumat-salita. Ano ang pagdadalumat salita? Tinatawag na dalumat-salita ang paggamit ng wika sa mataas na antas ng pagteteorya batay sa masusi, masinop, kritikal at analitikal na paggamit ng mga salitang kumakatawan ng mga ideya at kaalamang nagiging konsepto sa malalimang pag-uuri’t paggamit nito. Tinitingnan sa paraang ito ang ugnayan ng salitang ugat at ang varyasyon ng mga pagbabanghay ng salita na nagluluwal ng sanga-sangang kahulugan (Nuncio at Morales-Nuncio 2004: 167). Ganito ang ilang paraan ng pagdadalumat-salita ng ilang kritiko, teorista, at palaisip sa iba’t ibang disiplina. 1. Pag-imbento/pagkatha ng mga bagong salita/konsepto: Pilipinolohiya ni Covar, Pantayong Pananaw ni Zeus Salazar, Pamathalaan ni Consolacion Alaras, Sarilaysay ni Rosario Torres-Yu. 2. Pagsasalin at pagdagdag ng kahulugan: kritika, anda, at gahum ni IRC, loob at labas 3. Pag-aangkop/rekontekstuwalisasyon: Sikolohiyang Pilipino ni Virgilio Enriquez, kasaysayan bilang “salaysay na may saysay” at “pag-uulat sa sarili”; Dating bilang pagdadalumat sa estetikang Filipino ni Lumbera. Dagdag pa natin ang naging ilang kontribusyon ko sa pagdadalumat-salita. Kaakuhan-pag-ako ng sarili (ako) sa kanyang pagkatao, pagkakakilanlan Pantawang pananaw-kapangyarihan ng tawa na tumuligsa at mang-uyam sa mga nasa kapangyarihan; ang tawa bilang kritika Sangandiwa (kasama ang aking asawa sa pagkatha nito)-kalikasan ng Araling Filipino bilang multidisiplinari ang lapit, multikultural at multilinggwal ang mga konsiderasyon sa pag-aaral nito. Pagsasanga-sanga ng mga talastasang pangkalinangan sa loob at labas ng bansa na may lalim at lawak. Kaisahan ito ng pagkakaiba-iba ng diwa at kabuuan din ng maramihang pakikisangkot tungo sa mapanaklaw at malawakang kapilipinuhan ng sarili’t bansa (2004: 167). Ikatlong argumeto: Nasa atin mismong kalinangan o kultura, sa balanang pananaw, at makaFilipinong diskurso sa tulong ng ating wika ang pagbubukulan ng wika ng dalumat/teorya natin. Sa bahaging ito, nais kong talakayin ang pagdadalumat-salita ng “sanghiyang” upang ipakita sa inyo ang detalye at kabuluhan nito sa kasalukuyang panahon, sa penomenon ng internet. Sisimulan ko ito sa hambingan ng morpolohiya at pagdadalumat-salita. Maaaring sabihin na magkahawig ang morpolohiya at ang pagdadalumat-salita. Ang morpolohiya ay isang sangay ng pag-aaral sa linggwistiks. Ayon kina Santiago at Tiangco (1991) pag-aaral ito sa mga morpema ng isang wika at ng pagsasama-sama ng mga ito upang makabuo ng salita. Ang bawat salita ay maaaring binubuo ng salitang-ugat at ng mga panlapi. Binanggit din nina Santiago at Tiangco (1991:108) na ang panlapi bilang yunit ng salita ay tinatawag ding “di malayang mga morpema”, sapagkat walang sariling katuturan ang mga salitang ito kung hindi idudugtong o ilalapi sa ibang mga yunit salita na tinatawag bilang mga morpema. Katulad halimbawa ng salitang magbasa; binubuo ito ng dalawang yunit morperma: mag+ (unlapi, unang yunit morpema) at basa (salitang ugat, ikalawang yunit morpema). Ang mag+ ay hindi nakakatayong-sariling salita (sa ponolohiya, ponema ito na tinatawag ding pantig), walang sariling katuturan kung hindi ilalapi sa ibang salita. Sa ganitong mabusising pagtanaw sa wika, bubuksan ang binubuong pagteteorya sa wika. Magkahawig man sa proseso, hindi magkatulad sa maraming bagay ang morpolohiya at pagdadalumat-salita . Pansinin ang talahanayan sa ibaba: Morpolohiya Pagdadalumat-salita Tipo/kinabibilangang pag-aaral linggwistik metalinggwistik Tipo ng palabuuan ng salita denotatibo konkreto konotatibo Abstrakto/teoretikal Uri ng pag-unawa linggwistiko pilosopikal Pagpapakahulugan gramatikal diskursibo Talahanayan 1.1 Pagkakaiba ng Morpolohiya at Pagdalumat-salita Ang pag-unawa sa salita sa morpolohikal na istruktura ay linggwistikong nakabatay sa kumbensyonal na pamantayan. Ibig sabihin higit nang alam ng nakararami ang salita at kahulugan nito. Samantala, ang isang katangian ng dalumat-salita ay hindi ito matatagpuan sa anumang diksyunaryo, dahil nga sa bagong mga salita-konsepto ito at dahil arbitraryo itong nilikha ayon sa pangangailangang teoretikal. Sa pagpapakahulugan sa natural na wika , ibig sabihi’y wikang ginagamit ng nakararami sa komunidad ng gumagamit (nagwiwika) nito, hinuhugot ang kahulugan sa istruktural-gramatikal na kaayusan ng salita. Ang pagpapalagay na walang sariling kahulugan ang pantig o unlaping mag+ ay nabuo bilang mga koda o batas sa pag-aaral ng wika. Samantala sa dalumat-salita, diskursibo ang pagpapakahulugan, hindi natatali sa istruktura ng wika o sa mga batas nito lamang ang pagpapakahulugan, bagkus winawari ito batay sa partikular at kabuuang signifikasyon nito sa ibang usapin. Imbis na textual (panloob-suri sa wika), intertextual (panlabas-suri) ang nagiging hantungan ng pagdadalumat-salita. Ang panloob-suri ay tinatawag na linggwistikong analisis, samantalang ang panlabas-suri’y diskors analisis (Tannen 1993, Fairclough 1995, Van Dijk 1997, Georgakopoulou at Goutsos 1997). Kultural (Kontextualisasyon at Konseptuwalisasyon) Madalas sabihin ng mga iskolar na magkatambal ang wika at kalinangan. Sa isang banda, tama ito sa dahilang binubuhay ng bawat isa ang isa’t isa. Nasa kalinangan mismo mahihinuha ang konteksto ng wika, kung papaano binibigyang lalim at salaysay ang salita sa partikular na gamit, at ang wika sa kabuuang signifikasyon nito. Hindi masalimuot na relasyon ito. Ika nga’y kung gusto mong matutunan ang isang buhay na banyagang wika o lokal na wika, nangangailangang mamalagi sa sisidlan nitong kalinangan. Kailangang makibagay, makibahay at makipamuhay. Sa fanksyonal na pagtingin, ang wika ang ginagamit para sa transmisyon ng kultura, para manatiling buhay ito. Ang wika sa isang kalinangan o kultura ay kumbensyonal na ginagamit at nauunawaan. Napag-alaman at alam ito ng mga kabahagi ng kulturang iyon dahil na rin sa mahabang panahong paggamit nito at dahil sa nakasahog ito sa aktibong ritwalisasyon ng kultura. Ibig sabihin nito, ang wika’y ritwal na praktika at praktika ng ritwal sa nasabing kalinangan. At sa kaligiran nitong mga kalinangan na may iba pang wika, nabubuhay pang lalo ito, lumalaganap at nagiging tampulan ng kuryosidad at higit pang pag-aaral. Ang salitang sanghiyang ay hindi nalalayo sa ganitong pagpapalagay. Sa kultural na kahulugan nito, ang sanghiyang ay isang ritwal-sayaw sa Alfonso, Cavite. Kilala ito bilang sayaw sa apoy ng mga naninirahang may taimtim na pagtanaw sa bisa ng mapagkalingang kapangyarihan ng ritmo, ritwal at paniniwala. Ritmo ito dahil sa pisikal na pakikilahok ito ng buong katawan na sinasabayan ng chant habang nagsasayaw. Ritwal ito sa dahilang isinasagawa ito ng isang pamayanan sa ilang makabuluhang gawain tulad ng pagpapagaling ng sakit, pag-aalay sa Kataas-taasan, at pakikipagkapatiran. Sa ganitong tradisyonal na ritwal, isang grupo ng pesanteng nakapaa ay umaapak sa nagbabagang uling, na wari’t nasa kalagayan ng kapayapaan at hindi nakakaramdaman ng init/sunog, at walang pagpapaliwanag ng kanilang ritwal sa pamamagitan ng kahit anong sakit; sa katunayan, sila’y tila naiiba ang kamalayan sa pagkakatiwala nila sa kanya, ang tagalikha ng apoy at kaluluwa (Azurin 1995: 91). Sinasabi ng mga experto na nagkakaroon ng altered-state of consciousness ang mga lumalahok sa ganitong gawain. Parang isang trance ang nagaganap, na pakiwari’y humihiwalay ang isipan sa katawan o hindi namamalayan ng katawan ang sakit at pagbabago rito habang pumapaloob sa ganitong saysikal na kondisyon ng pag-iisip o pagtutok ng isip sa isang bagay, kamalayan, at kalagayan. Ganito ang naging obsebasyon ni Jaime Bulatao, isang kilalang clinical psychologist: …Kapag nasa trance na sila, magsasayaw sila sa ibabaw ng nagbabagang uling, pabalik-balik na nakapaa sa loob ng sampung minuto. Pagkatapos ng seremonya, sampung minuto pa ang dasal-pasasalamat, bago sila manumbalik mula sa trance. Tiningnan ko ang kanilang mga paa. Walang sugat/sunog. Buong-buo ang kanilang malay sa katatapos nilang sayaw, ngunit mayroong pakiramdam ng matinding saya habang nagsasayaw sila…(sa Azurin 1995: 92). Ito ang kontextual na kahulugan ng sanghiyang batay sa kultural na sandigan nito. Kumbaga’y kailangang ilatag ito dahil ang mga elemento’t karanasan ay magiging pundasyon sa mga susunod na hakbang sa pag-aaral na ito, lalong-lalo na sa pagdadalumat-salita nito. May mangilan-ngilang pag-aaral na rin ang tumutok sa sanghiyang, kina Austria at Calairo (2000) tinawag nila itong sahiyang at dinala ang diskurso nito sa ibang level: sa pagsulat ng kasaysayan ng Cavite. Hinambing nila ang elemento’t karanasan ng sanghiyang sa iba’t ibang diskursong pangkasaysayan ng Cavite. Sa pag-aaral na ito dadalhin din sa ibang diskurso ang salita/konseptong sanghiyang. Dadalhin ito sa mundo ng internet. Dekontextualisasyon Sa ganitong pag-aangkat sa ibang usapin ng salita/konseptong sanghiyang, huhugutin ito mula sa pinagbukalang kontexto, sa kultural na katuturan nito at ipapalagay ito bilang bukas na signos/senyal na maaaring unawain sa ibang larangan. Hindi titingnan ang sanghiyang sa puntadebista ng folk religion, na unang binasa ng ilang antropologo at sikolohista tulad nina Azurin at Bulatao. Paglalaruin ang mga salita/konsepto kaugnay ng dalumat ng sanghiyang bilang malikhaing operasyon ng kognitibong kakayahan ng teorista. Sasahugan ito ng kritikal/analitikal na operasyon ng isip upang maging kapanabayang lapit sa malikhaing bisa sa teoretikal na larangan. Higit sa lahat titingnan ito sa ubod ng katuturan nito bilang makabuluhang gawain, bilang penomenon at bilang diskurso. Pananatilihin ang mga elementong ritwal at ritmo ngunit babaguhin ang huling kategorya ng paniniwala bilang “functional” at hindi sa konotasyong relihiyoso, sa halip sa bagong basa nito: isang cybernetic na relasyon na kung saan pumapasok sa ibang estado ng kamalayan at pananaw ang GNI. Sa ganitong lapit nagkakaroon ng pagpapabago sa galaw, kilos at pananaw ng mga gumagamit ng internet. Sa kabuuan ang dekontextualisasyon ay pagbabago ng dulog, pagpapalit ng pansipat, at pagtanaw sa ibang paradaym, sa ibang tunguhing teoretikal. Sa ganitong paraan magiging buhay ang ating mga salita hindi lamang ng talastasang pang-araw-araw, bagkus ng talastasang makabuluhan sa ating binubuong karunungang Filipino. Rekontextualisasyon at Rekonseptuwalisasyon Mula sa pagwawari sa kultural na gamit at pagiging malay sa mawawalang kontexto, ibang lapit at dulog ang siyang magpapaangat nito sa ibang level ng usapin o diskurso. Nabanggit na ang tinutukoy na ibang level o diskurso ay ang diskurso at penomenon ng internet. Papaano pumapasok ang rekontextualisasyon at rekonseptuwalisasyon ng sanghiyang sa kontexto ng internet? Ano ang dulog at paradaym upang mawari, mabuo at maunawaan ito? Bakit kailangan ang rekontextualisasyon? Anu-ano ang iba’t ibang kahulugan at/o pagdadalumat salita ng sanghiyang? Diskurso Rekonseptuwalisasyon (Dalumat-salita) Rekonstextualisasyon Metadiskurso (pagdidiskurso sa diskurso ng internet at mga pananaw ukol dito) Pagsanghiyang Pagtatahi sa diskurso ng postmodernong diskurso, modernong kondisyon sa gitna ng bulusok ng praktis sa Teknolohiya ng Impormasyon at Komunikasyon (TIK) o Information & Communication Technology (ICT) Penomenon ng kompyuter, internet at tao Pagkahiyang, “Hiyang” Datos sa kasaysayan at mga gumagamit ng internet. Pagtalakay sa iba’t ibang digri ng paggamit ng konsepto ng “hiyang” tungkol sa relasyon ng tao at kompyuter Cybernetic, ang isyu ng kaakuhan (identity) at pamayanan (community) Kasanghiyang [Ka(i)sanghiyang] Problematisasyon sa relasyong cybernetic: dualismong external sa mundo ng internet at kabuuang pumapaloob sa mundo ng internet Adiksyon sa Online game at diskurso ng kaakuhan at pamayanan hinggil dito Sanghiyang Ritmo, ritwal, paniniwala at pagkahiyang sa mundo ng online game at sa internet mismo Talahanayan 1.2 Rekonseptuwalisasyon ng Sanghiyang Teoretikal na Lapit/Lapat Sa ganitong punto ipapasok ang binubuong teorya, una ang sanghiyang bilang lapit, at ikalawa, bilang lapat. Isang pagdulog, pananaw-pananaliksik o paradaym ang lapit. Ito ang nagbibigay sukat sa sipat o pagtingin sa gagawing paliwanag at interpretasyon sa mga datos ng pananaliksik na ito. Samantala, ang sanghiyang bilang lapat ay nangangahulugang frame o kuwadro. Ito ang nagbibigay hugis sa ginagawang pagsusuri, ito ang banghay ng analisis. Kung kaya’t may mga modelo, iskima, at dayagram upang matuntun ang direksyon ng pagteteorya sa madawag na diskurso at praktis ng internet, gayundin, upang maunawaan nang lubos ang binubuong diskurso at teorya o mga teorya sa pag-aaral na ito. Tatalakayin isa-isa ang mga ito. Linggwistiko semantikong pagsipat Sa mga taga-Alfonso, ang salitang sanghiyang ay isang buong termino kung uunawain mula sa kanilang lokal na pananaw. Hindi tinitingnan ang salitang ito sa kasaysayan ng pagkabuo ng salita, kundi tinitingnan sa kultural na pinagmulan nito. Kalinangang-bayan ang bumabalot na kontexto sa pinagmulan ng salita, na kung saan ang salita ay hindi nagiging salita lamang, bagkus winawari ito batay sa makabuluhang gawaing nakakabit sa salitang iyon. Kung kaya’t kina Austria at Calairo (2000), ang sahiyang o sanghiyang ay “base sa lumang alamat”. Ayon sa alamat may ilang mga bata ang nahatulang mamatay. Inutos ng hari na sunugin sila. Ngunit dala ng matindi at masidhing pananampalataya kay Bathala, sila’y nakaligtas. Hindi sila nasunog! Manghang-manghang pinanuod ng hari at ng lahat ng mga saksi ang mga bata habang nagsasayaw sa galak ng mga ito sa ibabaw ng mga maiinit na baga. Itong “sayaw sa kagalakan” na ito ang siyang inaalala ng mga mananayaw ng sahiyang sa pamamagitan ng ritwal na paglalakad sa mga buhay na baga (Austria at Calairo 2000: 2). Subalit, sa pagtatangkang teoretikal sisikaping banghayin at baybayin ang mayamang diwang nakapaloob sa salita/termino/konseptong sanghiyang. Sa rekontextualisasyong ito hindi na ito yaong kumbensyonal na salitang nakatali sa kultural nitong kontexto, kundi magiging isang konstrak—teoretikal na konstrak. Sa pagdadalumat-salita ng sanghiyang, binubuo ito ng dalawang salita: (1) sang+, at (2) hiyang. Kung wawariin, lumalabas na “isang hiyang” ang katuturan nito. Batay sa masusing paghihimay ng salita, maaari nating banghayin pa nang lubos ang konstrak na ito: Banghay ng salita Kahulugan/Rekontextualisasyon sang+ Panlapi [isa+ng]: pambuo ng pangngalan at nagsasaad ng kabuuan (UP Diksyunaryo) hiyang 1. Pang-uri: anumang bagay na akma, angkop o lapat (UP Diksyunaryo) 2. adj. suited, compatible, agreeing (as medicine, food, company, etc.) / Syn. Bagay, agpang, akma, tama, tapat (Panganiban 1973) sanghiyang: 1. mundo o kabuuan ng anumang karanasan at kamalayan na may kaangkupan/kaakmaan ang dalawa o higit pang mga bagay, tao, at kalagayan sa isa’t isa. 2. pakiramdam sa karanasang nilalapatan ng kaginhawaan at kaangkupan na nag-uugnay sa tao, bagay, konsepto, diskurso Talahanayan 1.3 Pagbabanghay ng salita/konseptong sanghiyang May apat na level na maaaring dalumatin sa digri ng pagpapakahulugan sa salitang hiyang batay sa iba’t ibang gamit nito sa isang (a) tipikal, at (b) teoretikal na diskurso: A. Tipikal na talastasan (kumbensyonal na gamit ng salitang hiyang) Unang level: may kinalaman sa relasyong tao at bagay (hal. “Hiyang ako sa shampoo na ‘yan.”) Ikalawang level: relasyon ng tao sa tao (“Magkahiyang kami , kaya nga’t magpapakasal na kami sa Mayo?”) [mula sa varyasyon ng gamit sa Tesauro ni Panganiban 1973] Teoretikal na diskurso (kinonstrak na gamit sa antas ng pagteteorya) Ikatlong level: relasyon ng tao sa konsepto, diskurso at praktis (“Hiyang akong mag-internet.” “Hiyang ang mga kapitalista sa diskurso ng globalisasyon.”) Ikaapat na level: relasyon ng diskurso sa konsepto, iba pang diskurso, at praktis na tumatalakay sa isang kabuuan o malakihang pananaw. (“Magsanghiyang ang postmodernismo at usapin ng multikulturalismo.” “Ang sanghiyang ng modernong kalagayan at praktis ng ICT sa bansa ay madaling nararamdaman ng mga nasa middle class.”) Talahanayan 1.4 Tipikal at Teoretikal na Diskurso ng hiyang/sanghiyang Eskima ng Sanghiyang at Paglalapat nito sa Buong Pag-aaral Metadiskurso Pagsanghiyang Ideolohiya at Diskurso (ideational at interpersonal) Ritmo Ideolohiya Ritwal Paniniwala • Modernidad/postmodernidad (intelektuwal) • Globalisasyon (politikal-ekonomiya) • Cyberkulturang popular (kultural) • Teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon (praktikal/instrumental) (pook at panahon) interpersonal ideational Dalumat Paradaym (relasyon ng tao, kompyuter at internet) Komunikasyon hiyang isang hiyang (sanghiyang) ka-isang-hiyang (kasanghiyang) sanghiyang Makina Extensyon Cybernetic intrapersonal interpersonal intertextual Praktika (Penomenon) Konsepto ng Kaakuhan at Pamayanan/Samahan Mga Implikasyon Intrapersonal Blogging Interpersonal (dalawahan) Chat Interpersonal (networking) Friendster Interpersonal (pamayanan/ samahan) Layadimasupil Pinoyexchange Intertextual (hybrid) Online game (Ragnarok) Kaakuhan (maximum) Kaakuhan (maximum) Kaakuhan (maximum) Pamayanan (minimum) Kaakuhan (minimum) Pamayanan (maximum) Kaakuhan (maximum) Pamayanan (maximum) Konklusyon ng pag-aaral Kongklusyon Sa kasalukuyang literatura ng pag-aaral sa internet na nakasulat sa Ingles, wala pang salitang naimbento upang saklawin ang penomenon ng relasyon ng tao, kompyuter at tao. Pinag-aaralan nila ito sa larang na computer mediated communication. Tanging sa pagitan ng tao at kompyuter sila may bansag, ang cybernetic relationship. Ngunit sa pangyayaring mga tao mismo ang magkakaugnay sa internet na pinapagitnaan ng iskrin ng kompyuter at ng virtual na mundo ng internet, wala pa silang salita para rito. Individuated pa ang katawagan nila batay sa ispesipikong feature at gamit ng internet: users, online game addicts, chatters, surfers, bloggers. Sa wikang Filipino pa lamang, ang sanghiyang, ang may malawak at makabuluhang pakahulugan sa ugnayan ng mga tao sa cyberspace. At sa aking palagay, kung dadalumatin natin ang ating sariling wika, ang ating sariling mga salita, matutuklasan natin ang kaugnayan natin sa ating kalinangan, kinapopookan at kapwa. At upang dagdagan ang pangarap ni IRC: ang mga salita/dalumat naman natin ang isasalin at isasama sa mga antolohiya sa kritika, teorya at pilosopiya. Sila naman ang mamimilipit sa pagbigkas ng ating mga salita, at sila naman ang pagkakamot ng ulo kung paano ito isasalin o kung pananatilihin ba ang naturang salita. Naniniwala akong darating din sila sa ganyang punto. Kailangan lamang maging malikhain at kritikal tayo sa pagdadalumat, lalong higit kung nakatapak lagi tayo sa lupa at sa ating tinubuang lupa. Maraming salamat po!

Pagdalumat-salita tungo sa pagteteoryang Filipino

Tungkol sa “kulturang popular” at “kolonyalismo”

Mga Bakas ng Popularisasyon Bilang Aparatong Kolonyal/Komersyal at ang Kapangyarihan ng Komukunsumong Masa

(sipi mula sa aklat na Sangandiwa: Araling Filipino bilang Talastasang Pangkalinangan at Lapit-Pananaliksik. Manila: UST Publishing House, 2004, nina RVNuncio at EMorales-Nuncio)

 Ang kulturang popular ay kasangkapan sa pagpapahayag ng damdamin at kaisipang popular. Ngunit ang pagpapahayag na ito ay hindi payak lamang sa paglilipat ng nilalaman ng isang isipan sa isipan ng iba. May radikal na intensyon ang komunikasyon sapagkat ito ay kasangkapan ng kapangyarihan dahil bukal ang wika sa pagnanasa ng taong abutin at manipulahin ang kanyang lugar.

—Florentino Hornedo, Kulturang Popular: Kabuluhan, Midyum, Daigdig at Paninda

Mabisang aparato ng kolonyalismo at komersyalismo ang popularisasyon. Sa panahon ng pananakop ng Kastila ginamit ang krus, sandata at maskara. Pagdating ng mga bagong kolonyalistang Amerikano, ginamit naman ang teknolohiya at mas midya. Sa diskursong ito ang popularisasyon ay pananakop bilang panghihimasok sa kasarinlan ng kamalayan at katawan. Panlulupig din ito na kinukonsidera ang paggamit ng simbulo, senyal at materyal na kumakalat dala ng mga inobasyon at istratehiyang kolonyal at komersyal sa bansa. Ngunit sa bandang huli mayroong tensyon, kontradiksyon, kapangyarihan at resistans ng mamamayan ang nalilikha.

 Mga Bakas ng Kolonyalismo

 Ang pagsusuri sa kontexto ng aparatong popularisasyon ay isang mapanuring pagtingin sa naging epekto ng kolonyalismo sa Pilipinas. Inuunawa ang salitang kolonyalismo sa papel na ito bilang texto at kontexto ng pananakop sa Pilipinas. Ang una ay patungkol sa imahe bilang instrumento sa pagpapalawig ng kaayusan, pananakop at paniniil sa katawan at kaisahan ng bawat Filipino. Dito sa imahe ng kolonyalismo ipinapalabas ang pagkakaroon ng simbulong krus, espada at maskara bilang mga natatanging simbolikong instrumentong ginamit ng mga Kastila para sa panlulupig at pagpapayapa ng kaayusan ng mga ng mga Filipino. Ginamit ang relihiyon upang maikalat ang Kristiyanismo sa bansa. Ginamit naman ang dahas at puwersang militar, upang maipamukha ang katatagan at kalakasan ng mga dayuhan sa pananakop nila gamit ang istrakturang politikal at ekonomiko. Ginamit naman ang maskara bilang pananakop sa kultural na lebel—ang paggamit ng comedia at zarzuela upang mahubog ang mga sinakop sa kaisipan at kostumbreng dayuhan. Subalit masasabing naging mahina ang imahe ng maskara dahil sa hindi paglaganap ng wikang Espanyol. Naging isang miskalkulasyon sa loob ng tatlong daang taon ang hindi pag-ayon sa paglaganap ng nasabing wika. 

 

May posibilidad na hindi sana sumiklab ang Rebolusyong 1896 kung naging malawakan sa simula pa ang pagtuturo ng Espanyol sa mga mamamayan sa kolonya. Repormista ang kamalayan ng mga edukadong nanguna sa kampanya para sa pagtuturo ng Espanyol. Kung may pagbabago mang ibubunsod ang pagkakamit ng wika ng kolonyalista, iyon ay tungo marahil sa pagpapatibay pang lalo sa paghahari ng Espanya sa Pilipinas. Naganap ang radikalisasyon ng kamalayan ng mga edukadong Filipino sa panahon ng kanilang pakikibaka para sa karapatan ng mga Filipinong matuto ng Espanyol. Sa pagtatanggi ng mga kolonyalista na ibigay ang wika nila sa mga Filipino, naliwanagan ang mga ilustrado na layunin ng mga kolonyalista na panatilihing mangmang ang nasasakupan upang ang mga ito’y manatiling alipin (Lumbera 2000: 91).

Kung kaya’t ang maskara ay gumamit ng wika mismo ng mga Filipino; ito ang wikang nagbigay ng sariling anyo sa dulang naging kasangkapan dapat sa programang kolonyal. Dito naisafilipino at naging komedya at sarswela ang mga dulang ito.

  Walang lantarang hangaring bigyan ng kasarinlan ang mga Filipino noon sa ilalim ng Espanya. Subalit ang pagsasabansa ng lahing Filipino kabilang ang mga Muslim, Intsik at iba pang lahi ay isang implikasyon ng pagbabago o pag-aaklas laban sa mga Kastila.

Kung kaya’t aktuwalisasyon ng kamangmangan, pantasya, kahirapan at pagkaalipin ang pananakop ng Kastila. Ang kolonisasyon ng mga Kastila ay ang pagtatalaga ng katauhan na sila mismo ang humubog, isang katauhan ng imahen bilang indio sa paningin nila ngunit naging tensyon at kontradiksyon na gagapi sa kanila.

Ang Mga Tunggaliang Ideolohikal

 Ngunit sa pagpasok naman ng mga Amerikano, naging isang daluyan ng pag-aaklas sa panibagong kolonisasyon ang paggamit ng drama. Halimbawa nito ay ang pagyabong ng Drama Simbolico sa Maynila at karatig-Katagalugan (Chua 1997) at maging sa mga drama realistiko na ipinangalan ni Resil Mojares (Don Pagusara 1997:xxi) sa Cebu. Naturete at nangamba din ang mga Amerikano sa ganitong uri ng pagsasadula gamit ang mga dramang naisulat nina Aurelio Tolentino (Kahapon, Ngayon at Bukas), Juan Matapang Cruz (Hindi Aco Patay), Juan Abad (Tanikalang Ginto), at Tomas Remigio (Malaya). Kung kaya’t tinurin ang mga obrang ito bilang subersibo at mapanganib. Dahil sa ang nilalaman ng pagtatanghal ay laban sa imperyalistang Amerika, naging palaman sa publiko ang ganitong pagbabanta (Arthur Riggs, 1981):

…[It] inculcate a spirit of hatred and enmity against the American people and the Government of the United States in the Philippines, and…to incite the people of the Philippine Islands to open and armed resistance to the constituted authorities, and to induce them to conspire together for the secret organization of armed forces, to be used when the opportunity presented itself, for the purpose of overthrowing the present Government and setting up another in its stead. (sinipi mula kay Arsenio Manuel ni Doreen Fernandez, 377).

Upang maiwasan ang ganitong pagkakataon sa unang salvo ng mga kolonyalistang Amerikano, pinalaganap ng huli ang tunggaliang ideolohikal na hindi nakatutok sa puwersa kundi sa tinaguriang inobasyon at benevolent assimilation. Ipinasok din ang edukasyon bilang instrumento ng kolonisasyon sa mga Pilipino. Ang ganitong kaparaanan ng kontrol ay mabisang naisakatuparan. Sinabi ni Renato Constantino na: “American control of the educational system made possible the distortion and suppression of information regarding Philippine resistance to American rule and the atrocities committed by the American army to crush that resistance” (1978: 68).

Ang pangkahalatang ideolohiya ay umikot sa agenda ng pagpapayapa ng resistans bitbit ng sistemang edukasyunal na inihain ng mga Amerikano. Bukod pa rito, bilang namamayaning pananaw, sinabi ni Priscelina Legasto (1998: 46-47) na may dalawa pang kategorya ang ipinagmalaki ng mga Amerikano para alisin ang pagkaatrasado ng mga Pilipino: una na rito ang sistemang pensionado at ang ikalawa ang pagtuturo ng wikang Ingles. Dito ngayon naging masalimuot ang baybaying kaisipan at paniniwala sa isang wika at kulturang labas sa tunay na saloobin at karanasan ng mga Filipino.

 

Mga Bakas ng Komersyalismo: Pagpasok ng Radyo at Telebisyon Bilang Domestikasyon at Komodipikasyon o Pakikisangkot ng Mass Media sa Buhay ng Komukunsumo Nito

 

Kasama ng radyo, ang telebisyon ay bunga ng imbensyon at eksperimentasyon dala ng mapusok na edad ng industrialisasyon hanggang di nagtagal pumasok ang mga imbentong ito sa larangan ng komersyo. Ang teknolohiya at inobasyon ang naging sisidlan ng panibagong pagbulusok ng komidipikasyon ng pangangailangan ng tao. Impormasyon ang naging bentahe, naging bagong tutok sa panahong itinatalaga ng kapital ang pag-angat o pagbagsak ng isang bansang yumayakap sa ideolohiya at praktika ng imperyalistang Amerika. Dahil nga nasa ilalim ng pamunuang Amerikano ang Pilipinas noon, madaling naipasok sa merkado ang gawang Kano. Kasama na rito ang oportunidad sa pagpasok partikular ng radyo at telebisyon at pangkalahatan ng mas midya. Sa katunayan sa pagdating ng radyo sa bansa ay nakitaan na ng gamit sa palitan at bilihan sa merkado at komersyo. Ganito ang pananaw ni Clodualdo del Mundo Jr.: “So good was the response to this medium of information and entertainment that in 1928, the local distributor of a famous American-manufactured radio set saw it fit and without doubt, profitable to establish their own radio station…So it went from experimental to plain business” (1986:69). 

Samantala, pumasok naman ang telebisyon bilang bahagi ng mekanismong politikal upang palakasin at pabanguhin ang imahe ng isang Pangulong nagnanais muling tumakbo. Si Judge Antonio Quirino ang gumawa ng paraan upang gamitin ang isang midyum na kilalang-kilala at patok na patok sa Amerika noong dekada singkwenta. Subalit naging bigo si Elpidio Quirino sa kanyang planong politikal na mahalal muli kahit na naging tagumpay ang pagpasok sa bansa ng telebisyon sa tulong ng kanyang kapatid. Ngunit kung hindi naman nagtagumpay sa unang sigwa ng pagpasok ng telebisyon sa larangan ng politika, kabaligtaran naman ito sa nangyari sa pagpapaunlad ng industriya ng mas midya at ng negosyo sa bandang huli. Ganito ang paliwanag ni Clodualdo del Mundo, Jr. (sa Patajo-Legasto, 1998) nang sa bandang huli, napunta sa mga kamay ng mga negosyante ang mas midya. Katulad halimbawa ng isang istasyon, napilitan silang sumuung sa batam-batang industriya ng telebisyon. “Bolinao Electronics Corporation…not only had to set up and maintain a TV station, but also had to arrange for the distribution and sale of TV sets. Because it was directly responsible for the people buying TV sets, it was bound to continue operations at any cost” (del Mundo, Jr. 1986: 74).

Bunga nito nakisangkot ang mas midya bilang daluyan ng impormasyon at enterteynment na kinagigiliwan ng tao. Bawat tahanan ay nagnanais na magkaroon kung hindi man radio, tv set o ng pareho. Pumasok na ang moda ng produksyon at distribusyon ng mas midya sa Pilipinas. Sa simula ang distribusyon ay nakatuon sa napripribilehiyong iilan na may salapi at kapangyarihan para magmay-ari o magkaroon ng akses sa mas midya. Sapagkat ang pamantayan ay negosyo, katulad nang nabanggit iilan lamang ang nagkakaroon ng akses dito. Subalit babaguhin lahat ito nang ang kulturang ito na sinusustene ng iilan ay tututok sa kultura ng komukunsumong masa.

Ang pagkonsumo sa produkto ng mass media—radyo, telebisyon, pahayagan—ay nagtatakda ng pagtangkilik sa kalakaran ng oras o panahon. Ang mass media ay kinokonsumo hindi dahil ito ay mahalaga sa panapanahong yugto, kundi nagbibigay ito ng tuluyang pangagailangan ng tao sa lahat ng yugto ng panahon. Sabi ni Philip Abrams: “Unique among the mass media, radio and television are given opportunities by time, by the fact that they have the whole day, everyday, to dispose of, and that they can break up the day” (sa Casty, 1973: 90). Ang prosesong ito ay domestikasyon ng mass media sapagkat ang bawat programa sa radyo at palabas sa telebisyon ay tuluyang naihahatid nang walang puknat, nang walang hinto sa pandinig, sa paningin at sa kamalayan ng tao. Dagdag pa ni Alice Guillermo: “Much of the effectivity of the TV medium as a conveyor of values and hence of ideological content lies in its immediate accessibility: with a flick of a dial, the images spring to life and all at once there is created the illusion that these images are within us, around us and that they unfold in space as the world outside our domestic confines” (1989: 204).

Lahat na yata halos ng galaw, hilig, pagpapahalaga, hitsura, problema, kaalaman at iba pa ay tumatakbo bilang mga nag-aagawang tema sa programa o produkto ng mass media. Lahat ng ito ay nakasilid ika nga sa idiot box (TV) o talkies (radio) na mistulang nagbebenta ng tema at produkto sa pagkonsumo ng tao. Dahil dito, ang galaw, isip at damdamin ng tao ay nakakahon sa diskurso ng mass media. Sinusuyod ito bilang praktika ng pang-araw-araw na pamumuhay sa lipunan. Sinasang-ayunan ito ni Nick Couldry nang sabihin niyang: “We can understand the media’s ability to become ‘obligatory passing points in the general circulation of images and discourse, not as something superimposed on social practice from the outside; instead it endlessly reproduced the details of social practice itself” (2000: 5).

Kung bakit ganito ang kinahihinatnan ng mga komukonsumo ng mass media ay sa dahilang hindi na ito tinitingnan bilang repleksyon o representasyon ng realidad; bagkus, ang mass media mismo ay bumubuo na ng realidad ng tao. Kalabisan mang sabihin, subalit ito ang nagdidikta kung ano ang kakainin, iinumin, susuotin, aalamin, papanoorin, pakikinggan, sasabihin ayon kay Rolando Tolentino (2001). At sa  kaganapang ito nagiging mistulang normal at natural lamang ang pagkonsumo sa pangkahalatang diskurso at praktika ng mga tao.

Ang Diskurso ng Kulturang Popular sa Panahon ng Komersyalismo

Ang kulturang popular ay realidad ng tao; inaangkin ito bago ang lahat at pinapalaganap mula sa sensibilidad ng tao dahil sa kanyang pagnanasa sa buhay patungo sa kamalayang naghahari ang makabago, mapusok, marangya at makapangyarihan. Ang kulturang popular ay pagsasabuhay ng bagay, imahe, simbulo, pananda, paninda at komoditi sa karanasan ng tao na namulat sa mabilisang pagbabago sa isang sibilisasyon. Tinatangkilik ito dahil sa popular at higit sa lahat tinatangkilik ito dahil sa tao ang una at huling puntirya. Paano? Dapat munang isaalang-alang ang kahalagahan ng teknolohiya at inobasyon sa isang bansa. Sinabi ni Tolentino na:

 Makikilala lamang ang produkto ng kulturang popular kung ito ay naipapalaganap. Kinakailangan ng mga teknolohiya para maipaabot ito sa mga tao. Ang teknolohiyang ito ay maaaring media—print, broadcast, film, computer at iba pa.  Ito ay maaaring domestikong teknolohiya tulad ng telebisyon…Ito ay maaaring kultural na teknolohiya—tulad ng edukasyon at sining (2001: 7).

 Ang industriya, imprastraktura, telekomunikasyon at merkado ay mahahalagang sangkap sa komersyo ng isang bansa. Napasimulan ang lahat ng ito sa pagpasok ng mga Amerikano na sila ang nagpalakad at nakinabang sa negosyong pambansa ng Pilipinas sa panahon ng Komonwelt at Unang Republika, partikular ang pagbibigay pantay-karapatan sa mga Amerikano sa negosyo at kalakalan sa panunungkulan ni dating pangulong Manuel Roxas. Ang implikasyong ekonomiko nito sa usapin ng uring panlipunan ay umikot (at umiikot hanggang ngayon) sa namumuhunan, sa mga negosyanteng may salapi. Kung kaya’t ang teknokrasya ay ginamit para mapanatili pa lalo ang sangkalan sa pagpapaigting ng mga interes at kapritso ng mga kapitalista. Ang pagbubukas ng pinto sa mga bagong teknolohiya ang naging dahilan kung kaya’t ang pagnanasa ng lahat sa uso at makabago ay bigla-biglang natutugunan. At dahil na rin dito naging mahusay na kasangkapan ang teknolohiya upang lumikha ng artipisyal na pagnanasa, hilig at fanstasya. Ikinumpol ang produksyon sa pamamagitan ng teknolohiya para sa higit na nakakaraming tao—ang masa. Ayon kay Teresita Maceda (Lagda 1999) binaha ng mga produktong buhat sa Amerikanong kulturang popular ang Pilipinas at dahil dito nagmistulang di makatakas sa Amerikanisasyon ang masa kahit na hindi sila natutong lahat ng Ingles o nakapag-aral.

Kung dadalumatin ang salitang kulturang popular, dalawa ang kategoryang bumubuo ritor: ang una’y kultura at ikalawa’y popular. Ang kultura ay isang pinagsasaluhang praktika at mentalidad ng tao. “Culture is both the ‘arts’ and the values, norms and symbolic goods of everyday life. While culture is concerned with tradition and social reproduction, it is also a matter of creativity and change” (Barker, 2000: 35).

Isang deskripsyon lamang ito sa terminong kultura, sapagkat walang tahasang kahulugan ito. Ang kultura ay masasabing mayroong reflexibong kahulugan na maaaring nakabatay sa katangian, salik at deskripsyon na sumasanga-sanga sa usapin ng politika, ekonomiya at kasaysayan. Sinasabi naman ni Tolentino (2001) na ang kultura ay isang kamalayan na gumaganap sa cohesion o kabuuan ng isipan sa mga kilos at bagay-bagay na likha nito o nilikha para rito. Pahayag niya: “Ito ay tumutukoy sa afinidad ng indibidwal na kaisipan sa iba pang kolektibong kaisipan…(H)alimbawa ang hindi namang magkakakilalang mga tao ay nagkakaroon ng di-malay (unconscious) na ugnayan dahil sa parehong balitang kanilang nabasa sa pahayagan o napakinggan sa radyo tungkol sa mga pamabansang isyu” (2001: 4-5).

Samantala, ang salitang popular naman ayon kay Raymond Williams ay isang pang-uri na nangangahulugang “kinagigiliwan, nagugustuhan ng nakararaming tao.” (1983: 87, salin). Numerikal din ang isang pakahulugan ng popular. Popular ang isang bagay o tao kung maraming tumatangkilik. Ang afirmatibong aksyon na pagtangkilik ang lumilikha ng bilang. Sa isang banda, ang salitang popular ay tuwirang tumutukoy sa tao mula sa salitang populus (“people” sa Ingles) sa wikang Latin.

Sa ideolohikal na usapin, sa pagsasanib ng dalawang salitang ito, ang kulturang popular ay unang lumitaw at naintindihan sa pagsapit ng modernong panahon sa Europa bilang kabaligtaran ng mataas na Kultura (may empasis sa malaking K). Kultura ito ng namamayaning kaayusan at inaangkin ng naghaharing uri sa lipunan. Ang produkto ng Kultura nila ay tinaguriang kanon at klasiko, samantalang ang kulturang masa ay bakya at mababang uri (Adorno at Horkheimer, sa During 2000). Pakiwari ni Chris Baker dito: “A variant of high-low cultural boundary, and one which reproduces the’inferiority of the popular, is that which decries commodity-based culture as inauthentic, manipulative and unsatisfaying” (2000: 44).

Saan nanggagaling o ano ang sentrong pinagluluwalan ng kulturang popular? Sinasabing ang gumagawa o sumusugal sa kulturang ganito ay yaong mga transnasyunal at translokal na kapitalista. Wala ng geopolitikal na hangganan ang pagpasok ng makabagong musika, literatura, pagkain, damit, kaisipan, ideolohiya at marami pang iba.  May rasyonalisasyon ng pang-araw-araw na tunguhin ang mga tao na naiimpluwensiyahan ng mga bagay o komoditi mula sa labas.  Humahatak ito sa pangkalahatan na sumanib at makiuso at nagiging pananda ng kasikatan sa panloob na geograpi ng kilos at gawi ng tao (Ritzer, 1990). Kay Lumbera (1997) usapin ng loob at labas ito, ang kulturang popular ay galing sa labas na kaiba sa pambansa o folk na kulturang nasa loob ng bansa. Nang tumagal, ang puwersang ito na mula sa labas ay pumasok na sa sensibilidad, pagpapahalaga, kaugalian ng mga tao. Matatawag natin itong kultura ng kamalayang popular na mas matindi pa sa pisikal na pagtangkilik lamang ng produkto. Kapag napasok na ang kamalayan, nagiging bahagi na ng kalooban ang mula sa labas.

Sa bandang huli ng spectrum, makikita ang kalagayan ng mga komukonsumong masa. Sa ganitong sitwasyon pinaniniwalaang ang kulturang popular ay maiintindihan, hindi sa yugto ng produksyon ng mga produkto, bagkus sa pagkonsumo nito. 

Kulturang Popular: Isang Pagsasaayos sa Kapangyarihan ng Kultura at Masa sa Panahon ng Komersyalismo

Lubhang nakakulong sa diskurso ng kawalang kapangyarihan ang papel ng masa sa kontexto ng kulturang kanilang nililikha at lumilikha sa kanila. Sa ganitong kadahilanan, nararapat na gamitin at basahing muli ang pagteteorya ng terminong kulturang popular. 

May tatlong kategorya ang paggamit ng mga katagang ito. Ang kulturang popular ay isang pag-aangkin sa puntodebista ng gumagamit o komukonsumo nito. Ito ay kultura ng tao, ng masa at masasabing dikta ng komukonsumo. Paanong mangyayaring dikta ito ng masa? Ang mga produkto ng kulturang popular ay ginagawa kasa-kasama ang masa sa isipan ng mga kapitalista. Hindi ba’t bago lumustay ng malaking puhunan sa isang produkto ang isang negosyante, tinitingnan at sinusuri muna kung magugustuhan ba ito ng konsumer? “Judgments about popular culture are concerned with question not of cultural or aesthetic value (good or bad taste) but of power and the place of popular culture within the wider social formation” (Barker, 2000: 48). Ang produksyon sa kalakaran ng kulturang popular ay nasasapawan. Ang mga kapitalista ay dapat na sumunod at mamalagi sa paggawa ng may matataas na serbisyo at produkto. Sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan sa produksyon at paggamit ng teknolohiya napapanatili ang kalidad at kahusayan. Ang produksyon sa kulturang popular ay maramihan sapagkat inaabot nito ang masa. Subalit ang ganitong takbo o kalakaran ay naglalagay ng alanganin sa mga kapitalista. Sapagkat gamit din ng nasabing teknolohiya at pananaw sa maramihang produksyon, nasasapawan sila ng mga maliliit ngunit makapangyarihang retailer o negosyante. Dito pumapasok ang mga imitasyon ng mga produkto sa merkado, halimbawa ang mga pekeng pantalon, damit, bag; payrited na tape, cd, at dvd; suplus na appliances tulad ng computer, tv, radio, cd player, kotse at marami pang iba. Sa ganitong tunggalian ang may matataas na kalidad na produkto ay binibigyan ng proteksyon ng batas. Ngunit ang kalaban nito ay ang puwersa ng mamimili na siyang nagpapasya sa pagkonsumo kahit na ang produkto ay peke, payrited o imiteyted. Isang kasagutan kung bakit mataas ang pagtangkilik dito ay ang presyo ng serbisyo at produkto—lahat ito ay mura kumpara sa orihinal, awtentik at patented. Hindi rin natin masasabing labas ito sa kalakaran ng kulturang popular. Hindi ang isyu ng legalidad ang punto rito, kundi ang tunggalian at tensyon sa espasyo ng paggamit ng kapangyarihang pumili at bumili. Ang boses ng masa bilang konsumer ang gumagawa sa malaking bahagdan ng pagkilos ng produkto at serbisyo sa merkado at sa lipunan sa kabuuan. Inululugar ang kapangyarihan ng masa bilang espasyo ng tunggalian at pag-aaklas sa merkado o lipunan. Babagsak ang isang kapitalista kung hindi patok sa masa ang kanyang produkto. Sapagkat ang pag-aangkin ng kapangyarihan ng masa ay nakatutok sa kalayaan ng konsumer na mamili sa produkto o serbisyong kanyang bibilhin. May kalayaan sa pagpili ang konsumer, samantalang ang kapitalista ay nakakulong sa produksyong walang katiyakan at katatagan pagdating sa merkado. 

Ang lugar ng elit, aristokrat at burgis ay yaong gamitin ang kanilang salapi para sa produksyon at wala ng iba pa. Samantalang ang masa mismo ang tuwirang may kapangyarihan upang buhayin, ipagpatuloy at buuin ang kulturang popular. Maling sabihin na ang kulturang popular ang namamayaning kaayusan na binuo ng mga elit. Sa bahagdan ng pagbubuo ng kulturang ito maliit na porsyento lamang sila bilang prodyuser-konsumer. Ang punto ng kulturang ito ay wala sa produksyon kundi nasa pagkonsumo. Ang trending kung anong palabas o produkto ang dapat pamalagiin ay dapat na nakasunod sa kagustuhan, desisyon at pagtangkilik ng mga komukonsumo; kung hindi, ang palabas at produktong ito ay mauuwi sa pagkalimot at pagkalugi. Kung kaya’t nawawala sa ere ang isang palabas sa telebisyon kung hindi ito nagustuhan ng manonood. Nalalaos ang isang usong damit kung wala nang nagsusuot. Nalalaos din ang mga artista o aktor kung lumipat sa iba ang kanilang dating fans. Sa katapusan, nagsasara ang isang kompanya kung ang kanilang pananatili ay wala ng saysay sa mga tao.

Ang kulturang popular ay lugar ng tensyon at kontradiksyon, kapangyarihan at resistans. Tunay ngang nakikinabang ang mga kapitalista sa pag-ikot ng transaksyon sa negosyo, industriya at kulturang popular. Ngunit nagiging pupugak-pugak na mithiin na ang magkamal ng malaking kita, sapagkat  magastos ang kagustuhan ng konsumer. Ang pangunahing tungkulin ng kapitalista o prodyuser ay pasayahin at gawing kuntento ang konsumer, ngunit alam nating walang katapusan ito. Isa pa, kailangan nilang sustenahin ang kanilang lugar sa merkado dahil sa kompetisyon. Kailangan din nilang magkaroon ng palagiang inobasyon sa serbisyo at produkto, at bigyan ng maraming benepisyong libre at iba pang gimik ang konsumer upang manatiling tapat na tagapagtangkilik. Hindi ba’t magastos ang ganitong kalakaran ng kulturang popular? Kung may kontrol man sila iyon ay dulot ng kanilang salapi, subalit hindi pangmatagalan ito sa dahilang madaliang guguho ang kapital dahil sa walang hinto at hindi matigil na kagustuhan ng mga komukonsumo. Ang kulturang popular sa mga kapitalista ay lugar ng pakikipagbuno. Samantala sa masa ito ay isang bukas na lugar ng malayang pagpili o paghulagpos.  RVN

Tungkol sa “kulturang popular” at “kolonyalismo”

Panels & Schedules of the 1st DLSU Graduate Students’ Conference

Departamento ng Filipino, Research & Publications Office of the

College of Liberal Arts and  DLSU-CHED Zonal Research Center

 

The 1st DLSU Graduate Students’ Conference

Kaisipang Filipino sa Iba’t Ibang Disiplina sa Loob at Labas ng Bansa

(Filipino Ideas Across Disciplines in and beyond the Philippines)

 

June 26-27, 2009

Yuchenco Lecture Hall 408,

Yuchengco Rooms 504 & 505

 

 

JUNE 26, 2009 (FRIDAY)

 

7:30-8:15 am

 

Venue: Yuchengco Hall Lobby

 

 

 

Registration & Snack

 

8:15-9:00 am

 

Venue: Y408

WELCOME ADDRESS

Br. Armin A. Luistro, FSC, President & Chancellor, DLSU

 

OPENING REMARKS

Dr. Jose M. De Mesa, Full Professor, DLSU

 

OFFICIAL OPENING OF THE CONFERENCE

Dr. Rhod V. Nuncio, Convenor

 

9:00-10:15 am

 

Venue: Y408

Plenary Session – A

 

Pilosopiyang Filipino

Fr. Leonardo Mercado, SVD

Dr. Florentino Timbreza

 

 

Parallel Session A1

Pilosopiyang Filipino:

Ugat at Direksyon (I)

Y408

Parallel Session A2

Araling Lokal: Kalinangan at Kasaysayan (I)

Y504

Parallel Session A3

Literatura at Kritikang Filipino

Y505

10:15-11:30 am Gripaldo and Mabaquiao on Filipino Philosophy:

A Critical Assessment of Two Attempts to Establish a Filipino Philosophy 

JJ Joaquin, DLSU

 

Filipino Philosophy according to Mercado and Timbreza: A Re-evaluation

Marella Ada V. Mancenido, UST

 

Ang Pagmemeron ni Roque Ferriols

Mark Joseph T. Calano, ADMU

 

Bayan at Pagkabayan sa Dalumat ng Salamyaan:

Ang Pagpopook ng Marikina sa Kamalayang-Bayang Marikenyo 

Jayson de Guzman Petras, UPD

 

PASINTABI: Konteksto ng Paggalang at Ugnayan sa Kapaligiran ng Bundok Banahaw 

Rolando V. Redor, Jr.,

Asian Social Institute

 

Ang Mali-Mali Bilang Diskurso at Pamuo sa Larawang Filipino

Rener R. Concepcion

Batangas State University

Pagbasa sa Wika ng Talampakan: Ilang Tala at Pagninilay sa Sariling Danas ng Lakbay-Sulat o Travel Writing
Louie Jon Sanchez, DLSU

 

Banal na Ahas, Ahas na Banal: Ang Ahas o Naga bilang motif sa mga piling panitikan ng Pilipinas

mula sa impluwensiya ng India 
Louise Vincent B. Amante, UPD
Kontra-Gahum: Pagsipat sa Tema, Pilosopiya at Ideolohiya ng Piling Kontemporaryong Tulang Radikal Tungo sa

Kontekstwalisasyon ng Kritisismong Marxista 

David Michael M. San Juan, PNU

 

11:30-1:00 am

Lunch

 

1:00-2:15 pm

 

Venue: Y408

Plenary Session – B

 

Pantayong Pananaw/Bagong Kasaysayan

Dr. Zeus Salazar

Dr. Rhommel Hernandez

 

 

Parallel Session B1

Araling Lokal: Kalinangan at Kasaysayan (II)

Y408

Parallel Session B2

Pilosopiyang Filipino:

Ugat at Direksyon (II)

Y504

 

Parallel Session B3

Internet Culture, Society & Technology (I)

Y505

2:15-3:30 pm Berinarew: Aral at Aliw

Emmanuel Dumlao, UPLB

 

Research Methodology in the Studies of Practices and Changes in the Ifugao Culture:  Challenges for Future Research  

John Octavios S. Palina, PhD, Saint Mary’s University

 

The Hegemonization of Pinakbet

Simon P. Caday, PhD, PLM

 

 

 

 

Sosyolohikal-Antropolohikal na Perspektibong Teyoretikal at Pamamaraan-Pananaliksik bilang Angkop at Sapat na Lapit sa Pag-aaral ng Pilosopiyang Filipino 

Mananaliksik: Emmanuel D. Batoon, UST

 

Understanding the Filipino through meta-mythology: A paper on Filipino philosophy 

Sidney Diamante, DLSU

 

Ethical and political philosophy in Ibalon epic

Ramon E. De Leon, DLSU

 

ICT-Integration in Education as a Social Practice in a Post-conflict Setting: An Analysis of an ICT-Integration in Education Program in ARMM

Donn David P. Ramos, Asian Social Institute

 

Engaging communities through Information and Communications Technology: The Public Library Experience 

Bernardita Gwynne P. Bondoc, UST

 

Maranaos and the Optical Disc Piracy in the Philippines

Vivencio O. Ballano,

St. Paul University Quezon City

 

 

 

 

 

 

 

 

 

3:30-3:45 pm

Snack

 

 

Parallel Session C1

Araling Lokal: Kalinangan at Kasaysayan (III)

Y408

Parallel Session C2

Pilosopiyang Filipino:

Ugat at Direksyon (III)

Y504

Parallel Session C3

Pelikula, Media at Kulturang Popular

Y505

3:45-5:00 pm Ang ‘Mahikal’ na Gamit ng Daras (Adze) at mga Manik (Beads) at ang Implikasyon Nito sa Arkeolohiya ng Pilipinas Taj Vitales, UPD

 

Ang Lugar ng Pantayong Pananaw sa Arkeolohiyang Filipino:

Pangangailangan ng Isang Nakakonteksto

at Filipinong Pananaw sa Sinaunang Kasaysayan 

Joan Tara R. Reyes, UPD

 

Kain Tayo! Salo na! Pagnamnam sa Kaugaliang Filipino Tungo sa Makabuluhang Teolohiya

Williard Enrique Macaraan, DLSU

 

I am angry because you are unjust: A Filipino woman’s awakening to feminism

Jean Peracullo, PhD, DLSU

 

Freedom: Being With Oneself in an Other

Ignatius H. Vinzons, Lecturer, ADMU

 

Indigenized   Phenomenology

Jane D. Gallamaso, ADMU

 

A Theology of the Cup: Insights about the Cup of Blood of the (New) Covenant in the Synoptic Gospels’ Narrative of the Passover Meal

Christian Voltaire Metin, DLSU

 

Ang Bukod na Bukod na Pelikula: Ang Alternatibong Pelikulang Filipino Bilang Mapagpalayang Sining

Elvin Amerigo Valerio, DLSU

 

Ang Kapalaran ng mga Mapapalad/Bukas-Palad at Sawimpalad/Kapos-Palad sa Gulong ng Palad na Iginuhit sa Palad
(Ang Diskurso sa Horoscope sa mga Pangunahing Tabloid at Broadsheet)
Eros S. Atalia, UST

 

Isang silip sa mga nagwaging pelikulang ginawaran ng

Most Gender-Sensitive Film Award sa Metro Manila Film Festival

Sheryl Rose M. Andes, UP Film Institute

 

 

JUNE 27, 2009 (SATURDAY)

 

8:00-9:15 am

 

Venue: Y408

Plenary Session – C

 

Sikolohiyang Pilipino at Pilipinolohiya

Dr. Madelene Sta. Maria

Dr. Prospero Covar

 

9:15-9:30 am

Snack

 

 

Parallel Session D1

Politics & Governance (I)

Y408

Parallel Session D2

Internet Culture, Society & Technology

 (II)

Y504

Parallel Session D3

Health Social Sciences (I)

Y505

9:30-10:45 am De-culturalization and the Great Refusal: Toward a Critique of

Contemporary Philippine Society

Jeffry V. Ocay, Macquarie University, Sydney Australia

Political Philosophies of the Student Political Parties in the University of the Philippines Diliman: 1980-2008 (A Case Study of Filipino Student Movement Political Thought)

Albert P. Tijam, Jr. UPD

 

Legitimacy Strains in Post-People Power Philippines 

Liberty Orbe-Taruc, Macquarie University, Sydney

                                             

 

Blogging as the quintessential postmodern cultural artifact in the time of globalization

Aileen F. Macalintal, UPD

 

GLOBAL PANTAYO: Ang Diskursong Pantayong Pananaw sa Cyberspace sa Ika-21 Dantaon  

Michael Charleston B. Chua, UPD

 

Chromosomal Changes In Patients with Chronic Myelogenous Leukemia (CML)

Undergoing Chemotherapy

Ma. Celeste S. Soriano-Abad, DLSU

 

Experiences and Adaptive Responses Toward Aging Among Elderly Ilocano Women 

Junnile S. Paat, RN, DLSU

 

 

 

Parallel Session E1

Politics & Governance (II)

Y408

Parallel Session E2

Health Social Sciences (II)

Y504

Parallel Session E3

Araling Filipino: Kasarinlan  at Kaakuhan

Y505

10:45-12:00 nn The State as Meme and  Sustainable Development:

Piecing Together the Philippine Development Puzzle 

Louie C. Montemar, DLSU

 

The Geopolitics of the Bangsamoro Question and the Suggested BATNAs for both GRP and MILF  

Nassef M. Adiong,

UPD

 

The Empowered “Structuring Structure”: Review of the Commonalities in the Leadership Frameworks of  Youth Development Programs in the Philippines 

Marcia Czarina Corazon Medina, ADMU

 

Predictors of Family Functioning Among Adolescents: Implications

For  Curriculum-Based Program on Filipino Family Life 

Dr. Clarissa F. Delariarte, UST

 

Development of a Service Model for the Enhancement of the Medico-Dental Program Based on Morbidity Reports January 2008 to December 2008.

Ronan S. Estoque, DPA and Edgar G. Natividad, MD, TIP

 

 

 

Ang PADEPA at ang Pagpapaunlad ng Araling Filipino

Michael Francis C. Andrada, UPD

 

Pananamit, Pagpanggap, at Pagkilala: Ang Cosplayer Bilang Filipino

Anna L. Pineda, UPD

 

PagsasaFilipino ng Performance Studies: Tanghal Aralin o Aralin sa Pagtatanghal (Perfomans Istadis ba? O Araling Performance)

Reagan Romero Maiquez, PLB

 

12:00-1:00 pm

Lunch

 

1:00-2:15

 

Venue: Y408

Plenary Session – D

 

Literatura,  Kritika at Kulturang Popular

Dr. Isagani Cruz

Dr. Rolando Tolentino                      

 

 

Parallel Session F1

Political Economy & Development Studies

Y408

Parallel Session F2

Language, Math & Education

Y504

 

2:15-3:30 pm Colonial Legacies in Contemporary Capitalist Structures: A Historical-Institutional Analysis of

Origins and Change of the Philippine Economic System

Jet Olfato,

Nanyang Technological University, Singapore

 

The Employment Mismatch “Phenomena” in the Philippines – A Theoretical and Empirical Contribution to Philippine Labor Economics 

Robert Dan J. Roces, DLSU

 

The Use of the Multisystem Cultural Framework in

Managing the Ethical Conduct of the Agency

in Select Life Insurance Companies in the Philippines 
Dennis L. Berino, DBA, Ramon V. del Rosario Sr. Graduate School of Business

De La Salle University

 

A study of the semantic-syntactic correlation of control arguments in Filipino control constructions

Aquiles P. Bazar III, DLSU    

 

Solving the Odd Perfect Number Problem:

Some Old and New Approaches 

Jose Arnaldo B. Dris, DLSU

 

Socio – Economic Impacts of Selected Technological   

Educational Institutions in Metro Manila: Towards a Public Service Delivery Model

Ronan S. Estoque, TIP

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 
3:30-3:45 pm

Snack

 

3:45-5:00

 

Venue: Y408

Plenary Session – F

 

Politics, Media and Governance

Dr. Eric Batalla

Dr. Antonio Contreras

 

5:00-5:30

 

Venue: Y408

ANNOUNCEMENT OF 10 BEST PAPERS

Prof. Jose Ma. Arcadio Malbarosa, Co-convenor

 

CLOSING REMARKS

Dr. Feorillo P.A. Demeterio III, Director CLA Research & Publications Office

Panels & Schedules of the 1st DLSU Graduate Students’ Conference

DLSU Graduate Student Conference

The 1st   DLSU Graduate Students’ Conference:

Departamento ng Filipino

and Emergent Research Center on Language, Media and Culture

College of Liberal Arts

 

June 26-27, 2009

 

 

CALL FOR ABSTRACTS

 

Filipino Ideas across Disciplines

In and Beyond the Philippines

 

The Philippine indigenization of knowledge and thought had prospered within the five decades or so after the Second World War. This had led to the emergence of several disciplinary movements that studied Filipino identity/ies and nationhood, such as Pilosopiyang Filipino, Sikolohiyang Pilipino, Bagong Kasaysayan, Panitikang Pambansa, Pilipinolohiya, and Aghamtao.

 

At present, we can only ponder which among these movements have remained; what other discourses they have spawned, both locally and internationally, as they studied and debated on the unfolding of the Filipino thought; and how do the present graduate students and experts from the various disciplines confront their intellectual legacy?

 

This conference aims to invite graduate students to explore and examine these theoretical, foundational, philosophical, methodological debates inherent in their various disciplines; to encourage them to envision how their disciplines would converge towards inter/multidisciplinary status; as well as to map out the trajectory of Filipino thought amidst the vibrant discourses and conditions of orientalism, globalization, global economic problems, and many others.   The conference also aims to provide a venue for dialogue and sharing of knowledges and experiences between the graduate students and the leading local experts in the Social Sciences, Humanities and the Natural Sciences.

 

The conference is open to all graduate students who are currently taking up their M.A./M.S. or Ph.D. (or other equivalent degrees) in any discipline within the Social Sciences, Humanities and the Natural Sciences. New M.A./M.S. and Ph.D. holders are also invited.

 

Language: The papers and the proceedings of the conference may be in Filipino and English.

 

Topics/Panels:  Students may discuss, elaborate or critique issues within, or related to, the following topics/areas:  

 

  • Pilosopiyang Filipino
  • Sikolohiyang Pilipino
  • Pantayong Pananaw/Bagong Kasaysayan
  • Philippine Literatures and Criticism
  • Philippine Arts and Culture
  • Philippine Politics and Governance
  • Philippine Education
  • Filipino Faith & Religiosity
  • Araling Filipino/Pilipinolohiya/Philippine Studies/Filipino Studies
  • Diaspora
  • Media and Popular Culture
  • Local Studies
  • Gender Studies
  • Science and Technology
  • Others (open category)

 

 

 

 

Students should submit an abstract of not more than 300 words, double-spaced,

to gscdlsu@gmail.com . Included in the abstract should be the name of the proponent, his/her college/university, and his/her contact information.

 

Important Dates:

 

·         Call for Abstracts – February 23 – March 30, 2009

·         Deadline for Submission of Abstracts – March 31, 2009

·         Notice of Acceptance – April 15, 2009

·         Deadline for Submission of Full Paper – May 30, 2009

·         Conference – June 26-27, 2009

 

Details for the Submission of the Full Paper: Students may present term papers, ongoing or accomplished thesis or dissertation, as well as empirical or theoretical studies.  The full paper should be original/unpublished, written in Filipino or English, composed of not more than 8,000 words, in double-spaced computerscripts, and on short bond paper.  MLA format should be used for notes and bibliography.  For sample of MLA format, interested graduate students may refer to http://library.osu.edu/sites/guides/mlagd.php .

 

Registration: Students who wish to present paper or participate in the conference should pay a registration fee of PhP 500 to cover the expenses for food (lunch, morning and afternoon snacks for two days) and conference kit.

 

Best Graduate Papers: The organizing committee shall choose 10 best papers presented in the conference. These papers will be published in Malay and Ideya, which are internationally abstracted, refereed journals based in De La Salle University.

 

Please visit http://www.philjol.info/index.php/MALAY and

http://www.philjol.info/index.php/IDEYA for details on the journals.

 

For more information, please contact:

 

Dr. Rhod V. Nuncio rhodnuncio@gmail.com

Convenor

5244611 loc. 509

 

Dr. Feorillo P. A. Demeterio III feorillodemeterio@gmail.com

Prof. Jose Ma. Arcadio C. Malbarosa malbarosaj@dlsu.edu.ph

Co-convenors

 

Steering Committee:

Dr. Eric Vincent C. Batalla, Political Science

Dr. Jose Rhommel B. Hernandez, History

Dr. Josefina C. Mangahis, Filipino

Dr. Leni dlR Garcia, Philosophy

Prof. Dante Luis P. Leoncini, Philosophy

 

Board of Advisers:

Dr. Exaltacion E. Lamberte, University Fellow & CLA Dean

Dr. Isagani R. Cruz, University Fellow & Professor Emeritus

Dr. Jose M. De Mesa, University Fellow

 

DLSU Graduate Student Conference

sangandiwa

nina Rhod V. Nuncio at Elizabeth Morales-Nuncio

 

            Di nga ba’t walang bisa ang wika kung hindi nito binibigyang buhay ang diskurso’t kultura ng bansa? Sinasabing hindi pa sapat ang corpus ng wikang Filipino upang pasiglahin ang intelektuwalismo sa bansa. Maski nga mga intelektuwal, sila mismo ang nagsasabing walang ganap na kapangyarihan ang wikang Filipino para dalumatin ang kaganapan at kaisipang “makabago” at “napapanahon.”

Sabi nila, ang mga salitang “multikultural”, “polysemic”, “aporia”, “multivocal”, “pluralismo”, “postmoderno”, at multidiskurso” ay ilang salitang hindi kayang uliratin sa diwang Filipino at hindi kayang ilapat sa ortograpiya ng wikang Filipino. Lahat ng nabanggit ay nakaugat sa kalingang Kanluranin; kung kaya’t, nasa banyaga ang wika at nasa banyaga ang kaalamang nakatahi’t nakalublob sa mga salita.

            Sangandiwa ang diwa ng kaibahan at paghiwalay sa bitag ng Eurosentrisismo na sumasanga-sanga palayo nang palayo sa “imperyalismo” ng mga “ismo.” “Ang sangandiwa ang kaisahan ng pagkakaiba. Kabuuan ito ng maramihang pakikisangkot. Kinikilala nito ang kaisahan at kasarinlan bago magsanga-sanga. May talastasan na tayong Filipino dahil nagkamalay na tayo sa sitwasyon ng sarili at bansa” (Nuncio at Morales-Nuncio 2004).  

            Talastasan ang sangandiwa, sangandiwa ang talastasan. Kinikilala nina Zeus Salazar at Prospero Covar ang talastasang bayan at/o talastasan ng bayan at sinasabi ni Virgilio Enriquez na mapagpalaya ito bilang kamalayan, diwa at praktika ng mamamayan.

Sangandiwa ang geopisikal at geopolitikal na pagkahiwahiwalay ng mga pulong napapaligiran ng mga tubig sa arkipelago ng Pilipinas. Mayroon itong mga sariling kaalamang-bayan mula Batanes hanggang Tawi-Tawi at maski hanggang sa ibayong bansa—naglalakbay ito sa diasporang Filipino. Sumasanga-sanga ang kaakuhang Filipino sa iba’t ibang bansa bilang lakas-pagggawa, profesyonal, akademiko, at iba pa.

Mayaman at matatag ang etnolinggwistikong kultura’t mga wika na nakapayong sa pambansang hangarin ng pagkabansa. Sa gitna nito, lumalakas ang kontradiksyon at epekto ng “globalisasyon” na lamunin ang mga bansa sa iisang bisyong pangkalakalan at pampulitika at sa iisang diskursong global. Daynamiko itong humuhulma sa mga katawan at isipan sa gitna ng nakakaenganyong DVDs, Nike, Toyota, Lacoste, Gameboy, Nokia at marami pang ibang nakasisilaw at nakapaglalaway na retorika at kalakaran ng kosmopolitanismo.           

            Politikal na usapin itong bumabagtas sa isyu ng pagkapanalo, pagkatalo, dayaan at reklamo sa panahon ng eleksyon. Arena ito ng publikong pamomook na nakasalalay sa malayang pamamahayag at pagpapahayag ng mamamayan sa panahon ng pakikisangkot sa pambansang industriya ng politika. Ang pambansang industriya ng politika ay pinamamahalaan ng mass media at pribadong spindoctors upang linisin at pabanguhin ang impormasyon sa mata’t tenga ng publiko. Kalituhan, kawalang-kibo, kamangmangan, pasubali ang mga sukli nito.

            Kasaysayan ito ng kasalukuyan mula 1986 hanggang ngayon—kontemporaryong pagsilang ng diwa ng kasarinlan mula sa neokolonyalismo, diktadurya, imperyalismo, multinasyonalismo, at globalismo. Bagaman may kasarinlan, hindi ganap ang paghulagpos. Sa maka-kaliwa, at maka-kanang puwersa ng bayan at sa pagtatalabang gitna’t laylayan sa lipunan, nagsasalpukan ang mga grupo na pinapaandar ng istruktura ng puwersa kontra sa kaakuhan/ahensya ng pagkatao at pagkamamamayan. Sinilang at sinisilang ang sangandiwang katauhan sa krisis sa kasaysayan ng kasalukuyan mula 1986 hanggang sa susunod pang mga taon. “Sa  pagkakawatak-watak ng usapin at pagdagsa ng usap-usapan, tungkulin ng isang mamamayan na pag-aralan ang kasaysayan at linangin ang kanyang wika, pagkatao, kaisipan at kultura upang iharap ito sa madla sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan tungo sa makabuluhan, aktibo at nagkakaisang pagbabago’t pag-unlad. At dahil nasa isang malayang bansa tayo, magsasanga-sanga ang mga dila’t diwa, paa’t bisig para tupdin ito. Sa bandang huli, kabuuan ito ng maramihang pakikisangkot. Sangandiwa ito ng kapilipinuhan” (2004).

            Sangandiwa ang “hypothetical moment” ni Habermas, “hyperreality” ni Baudrillard, “mirror of reality” ni Rorty, “postmodernism” ni Lyotard, “power” ni Foucault, “intertextuality” nina Kristeva at Barthes, “unconscious” ni Freud, “Ubermench” ni Nietszche… “poetikang bagay” nina Lumbera, “bagong formalismo” ni Almario, “pahiwatig” ni Maggay, “loob” nina Mercado, Alejo, Miranda at Emmanuel Lacaba; “pagmemeron” ni Ferriols; “babaylan” nina Datuin, “bagong kasaysayan” ni Salazar, “dalumat-pagkatao” ni Covar, “mapagpalayang sikolohiya” ni Enriquez, “bakla” ni Neil Garcia…Ngunit sa lahat ng ito, metapora lamang ang lahat. “Pagsibol ito ng binhi sa kaisapan tungkol sa sarili at sa bansa. Pagpapatatag ito ng haligi ng karunungang Filipino at pagsasanga ng matatayog na puno ng kalinangang Filipino. Pagdami ito ng mga hitik na prutas ng diskurso’t praktika, hanggang maging binhi ang mga buto, muli’t muli, para sa mas malalim at mas malawak na larangan sa loob at labas ng ating sarili’t bansa”(2004).

            Maramihang diwa, maraming bibig at dila, isang damukal na satsat, ‘sang katerbang problema, samutsaring opinyon, walang katapusang talastasan. Ang anyo’t nilalaman ng kaalamang Filipino’y nabubuo sa paglinang ng diskursong panloob at panlabas na may lalim at lawak. Samakatuwid, sangandiwa ang labas, loob, lalim at lawak ng lahat.  Sa ganitong bisyon, magsasanga-sanga ang diwa ng sarili at bansa. Saan kaya ito paroroon?

 

 

 

 

 

sangandiwa

Para sa masa o pamilya? sa sarili o bansa?

ni rhod v. nuncio

 

Sa mga administrador, mga guro, magtatapos, at mga estudyante, isang maganda at masayang hapon sa lahat!

 

Malaking hamon ang nakaharap sa ating lahat. Hindi ito basta-basta, hindi kaya ito ng mga laway na puhunan natin sa mga intelektwal na diskurso. Hindi ito kaya ng mga aklat na atin nang nabasa o mga sulating atin nang sinulat at ipinalimbag. Ang hamon ay gawing makatao, at higit sa lahat, makaFilipino ang posisyon ng intelektuwal, gawing pala-gawa imbis na pala-isip lamang tayo. Nakakalungkot na lagi na lamang ito ang paalala sa tuwing may pagtatapos. Hindi dahil sa makakalimutin tayo kundi dahil nalilinlang tayo ng panahon, ng kasalukuyang abalahin. Pangunahin sa hamong ito ang bisyon sa hinaharap at hindi sa kasalukuyan.

 

Paano magiging makatao ang intelektuwal? Dapat na isaalang-alang niya ang kanyang kapwa at huli ang sarili. Dapat na isulong niya ang kapatiran bilang bayanihan, sa pagsasabayan ng ating sarili sa ating kapwa. Lahat tayo’y may binhi ng bansa sa ating kalooban. Lahat tayo’y tao ng ating bansa, taong-bahay ng ating bayan. Naisip ko narin ang mangibang-bansa, (o layasan para sa iba) ang Pilipinas, dahil sa maraming nakakalungkot o nakakasuklam na dahilan. Bibitbitin ko sana ang buong pamilya at hahanap ng bagong kapalaran sa malayong lupain at hindi na magbabalik. Taong-bayan ako, taong-bansa ako. Parang bahay nga, kung aalis, kailangang bumalik. Kailangang alagaan, kailangang imintini at ikumpuni kung sira na. Ang bahay kung walang tao, hindi na bahay – ang bansa kung wala nang mamamayan ay hindi na bansa, hindi na bayan, hindi na estado. Kung kaya’t ang pagiging makatao ay makabayan din. Dalawang konsepto/valwasyon itong hindi dapat ipinaghihiwalay. Mayrong iba na mahal lamang ang bayan dahil nakikinabang sila – narito ang mga negosyo, malalawak na lupain, mga ari-arian,  at salapi. Subalit hindi nila mahal ang taumbayan. Hindi nila inaaruga ang mga taong nakatira rin sa bayang ito. Oo nga’t siguro’y makabayan sila pinapapatatag nila ang mga institusyon ng ating lipunan ang negosyo, pamahalaan, kalakalan, eskuwelahan at iba pa, subalit sa totoo lang makatao ba sila? Tayo? Makatao ba ako?

 

Sa dagsa-dagsang mga Filipinong lumuluwas, bumalik sana kayo at makataong kumpunihin ang sira-sirang bahay-bansa natin. Sa mga narito na, pagtibayin natin ang ating mga loob, marami pang krisis at pagsubok ang darating sa ating mga sarili at bansa. Sasalantain pa tayo ng mga krisis sa politika, at panlipunan. Ngunit anuman ang mangyari, kailangang maging makatao tayo sa gitna ng pagiging makabayan din natin.

 

Sa Sosyolohiyang Filipino, iisa lang naman ang institusyon natin ang “pamilya”. Sa Sikolohiyang Filipino, iisa lang naman ang konsepto ng kapwa, ang kapamilya o kamag-anak. Sa politikang Pinoy iisa lang naman ang mode of governance natin – political dynasty. Sa negosyong Pinoy – family conglomerates ito. Lahat umiikot sa pamilya. Kailangan nga sigurong pag-isipang muli at ikritika ang implikasyon ng ganitong pagpapahalaga o valorisasyon sa pamilya. Baka ito ang ugat ng ating problema o baka ito ang susi sa ating pag-asa. Ang buong bansa natin ay hindi binubuo ng geopolitikal na dibisyon ng kapitolyo, rehyonal, nasyonal, probinsyal, distrito, lungsod, munisipyo at baranggay. Ang geopolitikal na landscape ay pagkakahati-hati batay sa mga impluwensyal at makapangyarihang pamilya. Sa eleksyon, kitang-kita ang ganitong kayariang pambansa at lokal. Ang political dynasty ang makinarya ng elektoral na kultura natin. Pinapatakbo nito ang pagbagsak ng ating bansa, at pagtaas ng kani-kanilang pangalan, posisyong politikal, panlipunan at kultural. Sila-sila lang ang namamayani. Nawawala tayo ang taong-bayan, taumbayan. Ang sila-silang pananaw ang humahati sa ating lahat. Hindi tayo nakikisangkot. Kailangang buwagin ang pamilyang Pinoy – hindi ang literal na pamilya – kundi ang mitikal, metaporikal, ideolohikal na pamilyang Pinoy. Hindi ko sinasabing sirain na ninyo ang relasyon sa inyong mga kapamilya at kamag-anak at maghiwa-hiwalay tayong lahat pag-uwi natin sa ating mga bahay. Palitan natin ito ng kabansaan, gawin natin itong pamantayan. Kung gagawin ko ba ito, makakabuti ba ito sa bansa? Alam kong mahirap gawin ito, ngunit ang rebolusyong ito sa konsepto at ideolohiya ng pamilyang Filipino ay nangangailangan ng mahabang panahon. Kailangang pagdiskursuhan na ito at gawin na ang pagbabago.  

 

Naalala ko ang naging reaksyon ko sa isang panayam sa Pamantasang De La Salle – Maynila hinggil sa paksa ng child labor. Nasabi ko na maski sa ating mga bahay baka ganito ang sitwasyon, ang ating mga kasambahay, yaya at katulong ay under-age, minors pa ika nga. Maraming mga bata ang banat na ang buto, gutom, uhaw at hirap na hirap na sa buhay. Masuwerte ako at pinalaki ako ng maayos ng aking magulang. Masuwerte tayo at maayos ang ating mga kapamilya. Ngayon may anak na kami ni Beth, si Karl Angelo. Masuwerte siya at pinaplano namin ang kinabukasan niya. Subalit alam kong magiging malungkot lamang si Karl kung ganito. Magiging malungkot  ang hinaharap ng ating mga anak kung sa ating bakuran lamang tayo nag-iisip, kung sa kapamilya, kung sa anak ko lamang, kung para sa loob lamang ng pamilya natin.

 

Kailangang isipin din natin ang ibang bata, ibang kapwa. Kailangang isipin din natin ang kinabukasan ng ibang batang salat sa lahat. Kailangang buuin natin ang bahay nila sa hinaharap, ito ang bansa. Kailangang maging makatao at makaFilipino rin sila sa isa’t isa. Sabi ko kanina, lahat tayo’y may binhi ng bansa sa ating kalooban. Hindi kayo ang dapat magpalago niyan, hindi ang mga sarili ninyo. Kailangang patubuin, palaguin ang iba. Ito ang esensiya ng pagiging makaFilipino – ang maging Filipino para sa iba.

 

Dalawa ang kahulugan ng makaFilipino: ang proseso ng pagiging Filipino – becoming, at ang pagiging Filipino – being. Ito ang pamana ng kanluraning pilosopiya, ang dualismo ng being at becoming. Subalit ang ikatlong implikasyon ay “para sa Filipino”, ang pagiging makaFilipino ay para sa kapwa Filipino.

 

Kung ikokonteksto ko ito sa programang Philippine Studies, kailangang magkaroon tayo ng graduate fellowship program sa sariling bansa. Hind kailangang lumabas lagi ng bansa para maghanap ng research grant at fellowship program. Kailangang matuto tayo sa isa’t isa. Ang mga taga-MSU,  mga propesor at mga estudyante nila, at sa ibang kolehiyo’t unibersidad ay maaaring mag-fellowship/research program sa UP, De La Salle at Ateneo, at iba pa. Sa buong kapuluan. Marami tayong matutuhan sa isa’t isa. Huwag nating gawing ang Philippine Studies ay Manila Studies o Luzon Studies lamang. Saka tayo dumugtong sa Southeast Asian Studies at sa ibang lunsaran ng pag-aaral. Siyempre pa, patutubuin ng akademya ang butil ng pagkabansa at pagkaFilipino. Ito ang sama-samang hamon natin ngayon at sa mga darating pang mga araw. Maraming salamat po!

 

(valedictory address na binasa para sa mga magsisipagtapos ng PhD Philippine Studies sa Asian Center, UP-Diliman, Abril 2007)

Para sa masa o pamilya? sa sarili o bansa?